Kabanata 48: Enriquez Belmonte (1)

244 16 0
                                    

   “Nasaan ang tao na iyon? Iyong taong hinahanap niyo, nasaan?” tanong ni Hermia.

   “Bakit mo siya hinahanap?” malamig na tanong ni Atlas.

   “Nagkita kayo?!” gulat namang tanong ni Mago.

   “Nagpakita siya sa akin kanina. Nasaan ang tao na iyon? kailangan ko ulit siyang kausapin.”

   “Hinahanap nga rin namin siya, eh,” Mago.

   “Ganoon ba? Sige aalis na kami.”

   ‘Inabandona na yata sila.’

   Maglalakad na sana si Hermia nang naalala niyang may sasabihin pa pala siya. Tumingin siya kay Mago at nagsalita.

   “Mago, sabi ng lalaki na iyon na hindi na niya ako buburahin dahil mukhang masaya at may mas pakinabang pa raw ako kaysa sa iyo.”

   ‘Kaya ko ito sasabihin para malaman ni Mago na ang inutos sa kaniya ng lalaki na burahin daw ako ay hindi na tuloy.’

   Napa-nganga sa kaniya si Mago dahil sa sinabi niyang may mas pakinabang pa siya kaysa kay Mago.

   Nagsinungaling si Hermia tungkol doon.

   Tumulala na lang sa kawalan si Mago. Pakiramdam ni Mago ay minamaliit siya ni Hermia kahit na mas malakas pa siya kaysa dito.

   Ngumisi si Hermia, malakas na tinapik niya ang balikat ni Mago at nagsalita muli.

   “Babalikan kita, sa susunod ka na lang kapag alam ko na kung anong gagawin ko sa iyo. Hintayin mo ako.”

   Napatingin si Hermia kay Atlas.

   ‘Ikaw din, dahil gumawa ka ng digmaang wala namang kuwenta. Babalikan ko kayong dalawa, mag-iisip lang ako.’

   Naglakad na papalayo ang grupo nila Hermia kina Atlas at Mago.

   Nakasakay ngayon sa karwahe ang grupo nila Hermia.

   Tumingin si Hermia kay Alejandro. Naalala niya ang lalaki dahil sa itim na mata nito na katulad ng kulay ng mata rin ni Alejandro.

   “Alejandro, may kakilala ka bang nagngangalang Author?” tanong ni Hermia kay Alejandro.

   Sandaling napatigil at nagulat ang ekspresyon ni Alejandro dahil sa tanong na iyon.

   “Maraming Author sa mundong pinanggalingan ko...”

   “Marami sila?”

   “Ang ibig sabihin ng Author ay ang may-akda o kaya manunulat, pero ang manunulat ay writer... anong pinagka-iba nga ulit ng writer sa author?”

   Hindi narinig ni Hermia ang pagtatakang bulong ni Alejandro tungkol sa pinagka-iba ng writer sa author.

   Pero, nakuntento na siya dahil tama nga ang hinala niya.

   ‘Ang lalaki na iyon nga ang may-akda ng The Hero's Sacrifice. Pffft, mukha namang hindi siya nagalit kahit na hindi nasunod ang kuwento. Katulad ng sinabi niya na basura na talaga ang The Hero's Sacrifice at mukhang masaya pa siya. Nakakapanghinayang.’

   “Ano pong kailangan niyo Ginoong Enriquez Belmonte?”

   Tumigil ang karwahe kasabay nang pagtanong ni Johan. Si Johan ang nagpapatakbo ng karwahe.

   Kumunot ang noo ni Hermia.

   ‘Enriquez Belmonte? Ang pinuno ng pamilyang Belmonte at namumuno sa Teritoryo ng Belmonte?’

HermiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon