“Anong ginagawa mo, Mama?” usyosong tanong ni Dayang kay Hermia.Naka-upo sa sahig si Hermia habang sumisigaw ng mahina at sinasabunutan ang sarili.
Bakit?
Inangat ni Hermia ang tingin niya sa may maingay na tunog.
Makikita ang pinanggagalingan ng maingay na tunog sa pinakamataas na bundok sa Teritoryo ng Belmonte.
‘Hindi talaga sila nagbibiro... gumagawa sila ng rebulto ko! Napaka!’
Pangalawang linggo na ni Hermia rito at isang linggo namang ginagawa ng mga tao ang rebulto.
Sinabunutan muli ni Hermia ang buhok niya dahil sa pagka-inis.
“Mama?”
Tumigil si Hermia at tumingin sa nagtatakang inosente na si Dayang.
Nawala ang pagkayamot niya at umayos nang tayo.
‘Pero... mas maganda na rin na inakala nilang ako ang Diyosa ng Kalikasan. Hindi na nila gagalawin si Dayang?’
‘Pero paano kung naging sakim ang mga tao rito at gagalangin nila si Dayang para sa sariling interes?’
“Dayang, kapag hindi tumigil ang mga taong gustong patayin ka o pakielaman ay gumamit ka na rin ng dahas. Kasalanan din naman nila iyon. Kaya mong kontrolin ang kalikasan, gamitin mo iyon, takutin mo sila. Mas maganda ang katakutan ka ng mga tao kaysa respetuhin.”
Tumango si Dayang.
‘Matalino siya, kahit bata siya ay hindi siya masyadong nag-iisip bata. At iyon ang gusto ko sa kaniya. Hindi ako nahirapang alagaan siya.’
‘Magkakaroon kaya ako ng anak sa hinaharap na katulad ni Dayang?’
Nang isipin iyon ni Hermia ay bigla siyang nawalan ng gana sa tuwing iniisip niya kung paano magkaroon ng anak.
‘Sobrang dami mo pang pagdadaanan, tsk!’
“Mama!”
Nagising si Hermia sa iniisip at tumuon ang atensyo niya kay Dayang.
“Oh...”
Dahan-dahan naglalaho ang katawan niya.
‘Kung ganoon... wala na talagang balak ang mga taong patayin si Dayang?’
Ngumiti si Hermia at niyakap si Dayang bago siya tuluyang mawala.
“Natatandaan mo ang mga sinabi ko sa iyo?”
Mabilis tumango si Dayang. Humigpit ang pagkakayakap ni Dayang kay Hermia.
Kahit na umabot lang ng dalawang linggo ang pagsasama nila bilang mag-Ina ay nakaramdam sila ng giliw sa isa't isa.
“Hihintayin kita, hinding-hindi kita makakalimutan,” mangiyak-ngiyak na salita ni Dayang.
“Huwag kang mag-alala, mama, marami akong natutunan sa iyo. Papatayin ko na lang din sila kapag balak nila akong patayin. Kapag napatay ko sila ay gagawin ko silang pataba.”
Tumayo ang mga balahibo at nanlamig ang katawan ni Hermia.
‘Masamang impluwensya yata ang naturo ko sa kaniya... Eh, ano naman? Gagamitin niya lang iyan kapag may taong balak siyang patayin. Mamimili ka lang sa dalawa, ang mamatay o ang papatay.’
Tuluyan ng nagdilim ang paningin ni Hermia.
Nang iminulat niya muli ang mga mata niya ay naririnig niya ang malakas na tawag sa kaniya ni Enriquez.
“Hermia!”
Dahan-dahan umalis ng pagkakayakap ang puno ng sanga.
Lumapit din sina Eli at Teresa.
“Ayos ka lamang ba?!”
Hindi maiwasang mataranta ni Enriquez.
Tumingin si Hermia sa paligid.
‘Walang nagbago sa oras. Hindi naapektuhan ang oras ko rito.’
“Ayos lamang siya, Ginoong Enriquez.” May sumulpot na dalagang kasing edaran lang ni Hermia.
‘Sino naman ito?’
Ngumiti ang dalaga kay Hermia at nagulat sina Enriquez, Eli, at Teresa nang yakapin ng dalaga si Hermia.
“Mama,” mahinang bulong ng dalaga sa tenga ni Hermia.
BINABASA MO ANG
Hermia
FantasySi Hermia ay naniniwalang walang pakielam sa kaniya ang reyna, ang mama niya. Kaya tinuon na lamang ni Hermia ang atensyon niya sa nanay-nanayan niyang si Grace Villin. Pero noong nahulog siya sa hagdan, nakita niya ang nanay-nanayan niyang...