Steffy 128: Jewel

773 55 6
                                    

Tahimik na ang silid ngayon ni Steffy at mag-isa na lamang siyang nakaupo sa sahig. Ilang sandali pa'y may narinig siyang kalabog sa nakasarang bintana. Binuksan niya ito at nakita ang munting agila na muntik ng mahulog dahil sa pagkauntog.

"Pipit." Tawag niya at sinalo agad ang nahihilo pang munting agila.

"Saan ka na naman naglakbay ha?" Napapadalas na kasi ang paglalakbay ng Pipit at palagi rin naman niyang nakakalimutan na may kasama siyang munting agila. Kung hindi ito bumabalik, hindi na niya halos maaalala.

"Bumalik ako sa pinanggalingan niyo. Nakita kong umalis ang tinatawag niyong Ele. Ang narinig ko, kailangan daw nilang tulungan ang mga Mysterian sa Servynx City." Pagkukwento ng munting agila.

"E bakit ka bumalik sa Naicron?"

"Kasi tinawag ako ng kaibigan kong agila. Siya ang magic beast ng tinatawag niyong Ele." Sagot ng agila at dumapo sa balikat ni Steffy.

"Bakit di ka nalang sumama sa kanila?"

"Naalala ko ang kapatid ko."

Saka natampal ni Steffy ang noo. Nakalimutan niya ang gintong itlog.

Agad niyang hinalungkat ang laman ng kanyang isa sa mga spatial items.

Hindi na niya mahanap ang itlog. Kundi isang maliit na nilalang na may ginintuang balahibo ang kanyang nakita. Kinuha niya ito at pinatong sa kanyang palad. Dito niya nakita na kagat-kagat nito ang gintong shell.

Aalisin sana niya ang shell sa tuka ng gintong nilalang pero pinigilan siya ni Pipit.

"Nasa shell na yan ang natitira niyang lakas. At kung maubos niya ang shell madadagdagan ang kanyang lakas." Paliwanag ni Pipit.

"Ganon ba?" Pinagmasdang mabuti ni Steffy ang gintong pipit na patuloy sa pagkain ng sariling shell.

Kasing laki ng palad ang gintong nilalang na ito na may makapal na balahibong kulay ginto. Dahil sa kapal ng mga balahibo halos hindi na makita ang maliliit na mga paa.

May hugis patak ng tubig na kulay pula ang dulo ng tuka nito. Kulay ginto ang mga mata na may kulay pula sa gitna.

"Ina!" Tawag ng munting gintong Pipit.

Muntik na tuloy mabitiwan ni Steffy ang gintong pipit nang tawagin siya nitong ina.

"Di mo ko nanay. Ate mo ko. Ate." Pagtatama niya.

"Ina." Pag-uulit ng gintong pipit.

"Kapag tatawagin mo akong ina, iihawin kita." Banta niya.

"Ah?" Sagot lang ng gintong pipit na halatang di alam kung ano iyang iihawin.

"Haist! Tawagin mo akong ate. A-te."

"A-te."

"Ganyan. A-te. Ate."

"A-te."

"Very good. Sige nga tawagin mo akong ate.

"Tae." Sagot ng gintong pipit at nagtatalon-talon pa sa kanyang palad.

Steffy: "..." Iihawin ko na ba ang munting Pipit na ito?

Pinandilatan ni Steffy ng mata ang gintong pipit. Binanggit na nga ang katagang ate kapag diniretso ng bigkas nagiging tae ba naman.

"Aish! Maiihaw talaga kitang pipit ka."

"Bakit ako?" Angal ni Pipit.

"Di ikaw. Itong kapatid mo." Sabay turo ni Steffy sa gintong agila.

Kumurap-kurap lamang ang gintong agila na hindi alam kung ano ang maiihaw.

"Wala pa siyang pangalan. Dahil kapatid ko siya tawagin natin siyang pitpit." Masiglang sambit ni Pipit. Ayaw niyang mag-isa lamang siyang may panget na pangalan, kaya naman gusto niya na kasing panget ng tawag sa kanya ang magiging pangalan ng kanyang kapatid.

The Journey of The Bratty Chosen Ones (V2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon