Chapter 2.2

3.1K 55 0
                                    

TINUNGGA ni Arrhea ang lamang wine ng baso niya, nasa loob siya ng bar ng agency nila na sadyang inilagay doon para sa mga talents at employees. Kaunti lang ang tao doon ngayon kaya doon niya naisipang uminom para makalimutan ang sakit na nararamdaman.
Kagabi pa siya nakabalik dito sa South Korea at patuloy pa rin sa pagdurugo ang puso niya. Hindi niya na alam kung ano ang gagawin, hindi niya na alam kung paano pa muling itutuloy ang buhay niya.
Lahat ng pag-asa ang pangarap niya kasama si Rafael ay tuluyan ng naging abo. Muli siyang naglagay ng wine sa baso at tinungga iyon. Ilang sandali lang ay naramdaman niyang may tumabi sa kanya.
Tumingin siya sa tabi at nakita ang mukha ni Rafael. Napaismid siya at napailing. Hindi iyon si Rafael. Iyon ay ang kakambal nitong si Raffy. Muli niyang itinuon ang tingin sa wine glass na hawak.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Raffy sa kanya. “Alam ba ng manager mo na nandito ka?”
Hindi niya ito sinagot at muling tinungga ang alak na nasa baso.
“Akala ko ba nagba-bakasyon ka sa Pilipinas,” pagpapatuloy nito. “Kung nandito ka na rin pala, mabuti pa ang simulan mo na ulit ang pagtanggap ng mga projects mo.”
“Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?” tanong niya dito. Tumingin siya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito.
Tumingin ito sa kanya. “Anong pinag-sasasabi mo?”
Nangilid ang mga luha niya habang nakatingin pa rin dito. “Bakit?” bulong niya. “Bakit mo ipinagawa ‘yon sa kanya? Bakit mo inihabilin ang fiancée mo sa kapatid mo?”pinagsusuntok niya ang braso nito. “Bastard!” iyak niya.
Hinuli nito ang mga kamay niya, nasa mga mata nito ang pagtataka. “Ano bang problema mo, Arrhea?” tanong nito. “Tigilan mo na ito.”
Galit niyang ini-iling ang ulo. “Mahal na mahal ko siya,” nag-angat siya ng tingin dito, nanlabo na ang paningin niya dahil sa luha. “Mahal na mahal ko si Rafael… Please,” humikbi siya. “Please, bumalik ka na kay Ashlee. Hindi ko kayang makita si Rafael kasama ang ibang babae. Napaka-tagal ko siyang hinintay,” iniyuko niya ang ulo. “Please, Raffy. Please,” patuloy na pagmamakaawa niya dito.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Get back to your senses, Arrhea,” sabi nito. “Sasabihin ko sa manager mo na ayusin na ulit ang schedules mo. Pagbutihin mo na lang ang trabaho mo.”
Muli niyang ibinalik ang tingin dito at tumango. “Pangako gagawin ko ng ayos ang trabaho ko. Bumalik ka na sa fiancée mo, ha? Narinig ko na maayos na daw ang problema ng agency natin kaya puwede ka ng bumalik sa kanya, hindi ba?” pinilit niyang ngumiti. “Hindi magandang si Rafael ang palagi niyang nakakasama.”
Bahagya itong tumango. “Okay, now get back to your senses. Ayokong magdala ka rin ng problema. Pagod na ako sa kaka-resolba ng mga problema ng mga talents dito.”
Sunod-sunod ang naging pagtango niya. “I will,” tumawa siya at tumayo. Bahagya pa siyang nahilo sa ginawa kaya pabagsak siyang napabalik sa pagkakaupo.
Agad naman siya nitong naalalayan. “Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong nito.
Iwinagayway niya ang kamay sa harap nito. “Ayos lang ako, medyo nahilo lang ako,” muli siyang tumawa. Hindi niya alam kung bakit bigla-bigla ay nakaramdam siya ng kasiyahan. Siguro dahil sa pagpayag nitong bumalik na sa fiancée nito.
“Hindi ka makakapag-maneho sa lagay mo,” anito. “Tatawagan ko ang manager mo,” iyon lang at kinuha na nito ang cell phone nito sa loob ng suot nitong suit. Kinontak na nito ang manager niya.
Hindi niya na naintindihan ang sinasabi nito dahil unti-unti na siyang nakakaramdam ng antok. Isinubsob niya ang mukha sa table na nasa harap hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy ChoiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon