Chapter 5.3

2.8K 49 2
                                    

MARAHAN niyang pinunasan ang mga luha sa mukha. Nakatayo na siya sa garden ng bahay ng mga Choi at pansamantalang kinakalma ang sarili. Ilang minuto ng nakaalis si Rafael para daw ipagpatuloy ang paghahanap kay Ashlee. Kahit sobra na siyang nasasaktan ay hinayaan niya na lang ito dahil alam niyang kailangan nito ng magpapakalma rin dito.
Bumuntong-hininga siya. Hindi niya na alam kung ano ang dapat maramdaman. Magiging masaya ba siya dahil wala na si Ashlee? Pero bakit hindi niya magawang maramdaman iyon? Siguro dahil ayaw niyang nakikitang nasasaktan si Rafael, ayaw niya itong nakikitang nahihirapan. Mahal na mahal niya ito.
“Bakit ka pumunta dito?” narinig niyang tinig mula sa likod.
Nalingunan niya si Raffy na nakatayo ilang hakbang ang layo sa kanya. Muli niyang ibinalik ang tingin sa mga halamang nasa harapan. “Gusto ko siyang makita,” sagot niya.
“Hindi ba sinabi kong asikasuhin mo na lang ang mga activities mo sa South Korea?”
Hindi makapaniwalang napatingin siya dito. “Nawawala na nga ang fiancée mo, iyan pa rin ang iniisip mo?” umiling siya ng may disgusto. “Ganyan ka na ba talaga kasama?”
Napayuko ito, nakita niya ang pagdaan ng kalungkutan sa mga mata nito. Nakagat niya ang pang-ibabang labi, pinag-sisisihan niya ang lahat ng sinabi. Sigurado namang nag-aalala din ito para kay Ashlee. Hindi niya lang talaga napigilan ang sariling sabihin iyon. “I-I’m sorry,” bulong niya. “Hindi ko dapat sinabi ‘yon.”
“Ayos lang,” anito. “Tama ka naman.”
Napatingin siya dito. Ibang-iba na ito ngayon, may purong ka-seryosohan na sa mukha nito. Mahal na mahal din siguro talaga nito si Ashlee para mag-alala ito ng ganoon, hindi lang nito magawang maipakita ang nararamdaman dahil na rin sa mga pangyayari.
Humugot siya nang malalim na hininga bago humakbang palapit dito. “Pasensiya na,” totoong humihingi siya ng dispensa. “Sana mahanap niyo na siya.”
Marahan itong tumango. “Makikita namin siya. Kailangan.”
Tumango siya at tumingin dito. “Sa tingin ko, mas makabubuti kung isama ko na rin si Rafael pabalik sa Seoul. Sa ganoong paraan, maaaring makalimutan niya ang problema niya dito at ang mga nararamdaman niya. Sabihan mo lang siya na umalis. Siguradong hindi ka niya matatang—”
“Arrhea,” putol nito. Direktang tumitig ito sa mga mata niya, may awa na sa dark brown na mga mata nito. “I’m sorry…” bulong nito. “I’m really sorry…”
Napaatras siya. Napuno ng takot ang buong puso niya sa inaakto nito. “B-Bakit?” pumiyok siya.
Nag-iwas ito ng tingin. “P-Pinilit kong tulungan ka,” pagkatapos ay muli itong tumingin sa kanya. “Oras na makita namin si Ashlee, puputulin ko na ang engagement.”
Awtomatikong pumatak ang mga luha niya sa narinig. May biglang bumara sa lalamunan niya na naging dahilan ng pagkahirap niya sa paghinga. Umiling siya. “N-No…” nangangatal na wika niya, hindi niya alam kung narinig pa ba nito iyon.
Lumapit siya dito at malakas na pinagsusuntok ang dibdib nito. “Hindi! Nangako ka! Nangako kang tutulungan mo ako!” patuloy lang ang pagpatak ng mga luha niya at patuloy lang din ang pagka-wasak ng puso niya. Hindi naman nito sinasanggahan ang mga suntok niya sa dibdib nito. “Bakit? Bakit?!” pabagsak siyang napaupo sa damuhang naroroon. Parang nawalang lahat ang lakas niya ng mga oras na iyon. Tinakluban niya ang mukha ng mga kamay at nagpatuloy sa pag-iyak.
Naramdaman niya ang kamay ni Raffy sa balikat niya. Mabilis niya iyong tinabig palayo. Tumingala siya dito, punong-puno ng galit at pagka-suklam ang mga mata niya. “Bakit, Raffy? Bakit sumusuko ka na agad? Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa’yo,” puno ng pait na wika niya dito.
Lumuhod ito sa harapan niya. “Kahit gustuhin ko mang paglayuin sila, hindi ko na magagawa, Arrhea,” sagot nito. “Mahal nila ang isa’t isa, ano pang laban ko?”
Patuloy lang siya sa pag-iling. Walang kabuluhan ang lahat ng pinag-sasasabi nito.
“Ashlee’s pregnant,” dagdag nito.
Rumihestro ang pagkagulat sa mukha niya nang tumingin siya dito. “W-What?” hindi niya alam kung gumagana pa ba ang utak niya ng mga sandaling iyon. Lahat ng ito ay sobra-sobra na para sa kanya. Sobra na. She felt like all of her dreams were drained out of her in that instant.
“I’m sorry,” iyon na ang huli nitong sinabi at muli nang tumayo. Lumakad na ito papasok sa loob ng bahay ng mga ito.
Nanatili lang siya doon, nakaupo at nakatitig sa kawalan. Bakit? Hindi niya na maramdaman ang sakit, lahat ng parte niya ay tila namanhid na. Rafael… Ito na ba talaga ang katapusan para sa kanya? Hindi niya na ba talaga magagawang patuloy na lumaban?

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy ChoiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon