Chapter 20.1

3.1K 51 0
                                    

NATUTOP ni Arrhea ang sariling bibig nang makita ang lagay ni Raffy. Nakahiga ito sa hospital bed, halos wala ng buhay. May ilang nakakabit na tubo dito, nakikita niya rin ang ilang marka ng sunog sa kaliwang braso at gilid ng mukha nito. Kahit na mukhang hindi naman iyon malala, nasasaktan pa rin siyang makita itong ganoon. Naka-cast din ang kaliwang binti nito.
Kinagat niya ang pang-ibabang labi at iniiwas ang tingin dito. Nakita niya ang ina nitong umiiyak sa nakikitang ayos ng anak, patuloy lang naman sa pag-alo ang asawa nito. Lahat ito ay dahil sa kanya. Para sa kanya ang bombang iyon, bakit kailangang ito pa ang magdusa ng ganito?
“Maaayos lang ba siya?” narinig niyang tanong ni Rafael kay Matthew.
“It’s a good thing na mukhang hindi naman siya ganoon kalapit sa bomba, dahil kung sakali ay baka mas malala pa ang nangyari sa kanya. Maliban sa ilang burns at fracture sa binti, wala naman akong nakitang ibang epekto ng pagsabog sa kanya. Magigising din siya, sinisigurado ko iyon,” wika ni Matthew.
Tumango na lang si Rafael at nagpasalamat dito. Lumapit ito sa kanya at marahang tinapik ang balikat niya. “Manatili ka sa tabi niya,” sabi nito. “Alam kong iyon ang gusto niya.”
Tumingin siya dito at nakita ang nagmamakaawa nitong mga mata. Tumango siya.
Sabay pa silang napatingin sa may pinto nang bumukas iyon at sumilip si Michael. “They found him,” anito. Tinutukoy siguro nito ang delivery boy. “They need you there, Arrhea.”
Humugot siya ng malalim na hininga at lumabas. Sumunod lang sa kanya si Rafael. Dinala sila ni Michael sa isang opisina doon, kay Matthew siguro iyon. Pagkapasok nila ay agad niyang nakita doon si Thaddeus kasama ang isang lalaki na nakaupo sa couch. Mukhang takot pa ito.
Umalis sa pagkakasandal sa mesa si Thaddeus at lumapit sa kanya. “Siya ba?” tanong nito, seryoso ang tono nito.
Tumango siya. Ito mismo ang delivery boy kanina.
Bumuntong-hininga muna si Thaddeus bago lumakad palapit sa lalaki. “Sino ang nagpadala ng regalong ibinigay mo sa babaeng ito kanina?” itinuro pa siya nito.
“Hindi ko po alam,” nanginginig na sagot ng lalaki. “Hindi niya naman po sinabi ang pangalan niya, basta na lang niya iyon ibinigay sa opisina at nagbayad.”
“Tumanggap kayo ng padala nang hindi tinitingnan kung ano iyon,” pagturo ni Thaddeus sa pagkakamali ng mga ito. “Madali lang para sa akin na i-demanda ang opisina niyo dahil doon. Pero puwede kong palampasin iyan kapag sinagot mo ang tanong ko. Malinaw sa’yo na sa mga oras na ito, isa kang accessory para sa isang krimen at maaaring makulong,” pagbabanta nito. Ni minsan ay hindi niya nakita si Thaddeus na ganoon, ibang-iba ito sa usual na sarili nito. Kitang-kita na ngayon dito ang pagiging lawyer.
Nakita nila ang takot sa mga mata ng lalaki. “P-Parang-awa niyo na po,” pagmamakaawa nito. “Wala po akong kasalanan.”
“Huwag kang mag-alala,” ani Thaddeus. “Puwede mo namang maiwasan ang kulungan. Kailangan mo lang sagutin ako,” may inilabas itong larawan sa loob ng suot nitong jacket. Larawan iyon ni Brianna. “Siya ba? Siya ba ang nagpadala sa inyo ng parcel para kay Ms. Arrhea Aguirre?”
Tinitigang mabuti ng lalaki ang larawan at mabilis na tumango. “O-Opo, opo, siya nga,” utal-utal na sagot nito.
Ngumiti si Thaddeus at ginulo pa ang buhok ng lalaki. “That’s it. Tapos ka na. Puwede ka ng bumalik sa trabaho mo at gawin niyo na iyon ng tama,” sinenyasan nito ang isang pulis na ilabas ang lalaki. Sumunod naman ito. “Ang kailangan na lang natin ay ang fingerprint test result and she’s done,” itinaas pa nito ang hawak na larawan at muling ngumiti.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy ChoiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon