INUBOS ni Arrhea ang natitirang dalawang linggong bakasyon sa South Korea kasama ang pamilya at ilang mga kaibigan niya. At ngayon nga ang huling araw niya, bukas ay babalik na naman siya sa mundo ng entertainment. Kahit na siguradong nakakapagod, masaya naman siya na makapag-trabaho ulit. Nagsisimula na siya ng panibagong buhay at dapat niyang i-enjoy iyon hangga’t maaari. Ganoon dapat. Kailangan niyang patuloy na mabuhay.
Alas-siete na ng gabi pero wala pa siyang balak magpahinga. Gusto niyang gumawa ng ibang bagay sa natitirang oras ng bakasyon niya. Kanina lang ay umalis ang manager niya para bisitahin ang pamilya nito sa Hongdae, sigurado siyang nilulubos na rin nito ang natitirang bakasyon nito.
Sandali siyang nag-isip, wala na siyang maisip na puwedeng puntahan. Ayaw niya na namang lumayo dahil wala na siyang makakasama. Pagkatapos ay napag-pasyahan niyang pumuta sa agency nila – iyon na lang ang mapupuntahan niya na may makakausap pa siya. Mabilis niyang kinuha ang purse at tiningnan ang sarili sa salamin. Nakasuot siya ng brown leather jacket, itim na pantalon at puting sneakers. Inabot niya ang scarf at gloves na nasa mesa at isinuot ang mga iyon. Masyado ng malamig sa labas. It was already mid-September at sa ilang buwan lang ay darating na ang winter season.
Pagkatapos ay isinuot niya ang sombrero para matakluban ang mukha. She was planning to take the subway, tinatamad na kasi siyang mag-maneho. Bahagya niyang inayos ang mahabang buhok sa gilid ng mukha, sana lang ay walang makakilala sa kanya.
Nang masiguradong ayos na ang suot niya, tumungo na siya sa pinto at lumabas ng apartment.
Mabuti naman at kakaunti lang ang tao sa subway ng mga oras na iyon at walang nakakilala sa kanya. Agad naman siyang nakarating sa agency nila at mukhang naghahanda ng umalis ang ilan sa mga empleyado doon. Dumiretso siya sa opisina ni Raffy, hindi siya sigurado kung nakabalik na ba ito dito sa South Korea.
Ilang beses siyang kumatok, hindi alam kung narito ito. Kinagat niya ang kuko at napag-pasyahang tumalikod na lang nang walang sumagot. Napatigil siya nang makita si Raffy na naglalakad palapit sa kanya, mukhang nagulat din ito sa pagkakita sa kanya doon.
Suot pa rin nito ang business suit nito at may hawak na folder sa kanang kamay. “May kailangan ka?” nagtatakang tanong nito. Binuksan nito ang pinto ng opisina nito at inanyayahan siyang pumasok sa loob.
Pumasok siya sa loob at sinundan ito sa mesa nito. “Huling araw na ng bakasyon ko,” imporma niya.
“I see,” tumango-tango pa ito habang inaayos ang mga folders na nasa ibabaw ng mesa nito. “Narinig ko sa manager mo na marami ka daw offers ngayon,” tumingin ito sa kanya. “That’s great.”
Tumango siya. Narinig niya nga rin sa manager niya na puno na naman daw ang schedules niya nitong mga susunod na araw. Hindi niya inaasahan ‘yon. Akala niya ay mahihirapan pa siyang makakuha ng mga proyekto.
“Huling araw na ng bakasyon mo,” anito. “Bakit hindi ka magpahinga?” umupo ito sa silya nito at niluwagan ang kurbatang suot. Mukhang pagod na pagod ito, wala na ba talaga itong tigil sa pagta-trabaho?
“Pagod na akong magpahinga,” sabi niya. “Sayang naman kung sasayangin ko lang ang bakasyon ko sa pagtulog. Gusto kong pumunta sa isang lugar, wala lang akong makasama. Puwede mo ba akong samahan? Tapos na naman ang work mo ngayong araw, hindi ba?”
Rumihestro ang pagkabigla sa mukha nito. Alam niyang hindi nito inaasahang iimbitahan niya itong lumabas, maging siya ay hindi rin makapaniwalang nagawa niya itong imbitahan.
Tumikhim muna ito bago sumagot. “May kailangan pa akong review-hin sa mga—”
“Ayaw mo?” putol niya sa sinasabi nito.
Bigla itong napatingin sa kanya. “Hindi, ang ibig kong—” napabuntong-hininga ito. “Saan mo gustong pumunta?”
Nagulat pa siya sa biglaang pagpayag nito, pero agad din siyang ngumiti at sumagot. “Sa amusement park.”
Lumawak ang pagkakangiti niya nang makita ang disbelief sa mga mata nito. Alam niyang hindi nito gustong pumunta sa amusement park, bata pa lang sila ay hindi na nito hilig ang mga childish things. Hindi naman sa gusto niya itong inisin, gusto niya lang talagang pumunta sa amusement park.
Isinandal nito ang ulo sa headrest ng upuan at pumikit. “Bakit doon?” parang nanghihinang tanong nito.
“Gusto kong magpaka-saya,” sagot niya, malawak pa rin ang ngiti. “Pang-tanggal ng stress,” gusto niya nang matawa sa nakikitang stress sa mukha nito.
“May bukas pa ba ng mga oras na ito?” tanong ulit nito. Halatang-halata na humahanap lang ito ng puwedeng idahilan para lang hindi pumunta.
Tiningnan niya ang relo. “Seven-thirty pa lang. Makakapag-enjoy pa tayo ng mahigit isang oras kung magmamadali tayo.”
Sa wakas, binuksan na nito ang mga mata at tumingin sa kanya. Para bang sinasabi nitong palitan niya ang desisyon. Gusto niyang pumunta doon at final na ‘yon.
Pagkatapos ng ilang minutong katahimikan, tumayo ito at kinuha ang coat na nakasabit sa stand na nasa sulok. Isinuot nito iyon at kinuha din ang black cap na naroroon. Itinaas nito ang cap. “Kailangang kong mag-suot nito, ‘di ba?” tanong nito. Ibig siguro nitong sabihin ay kailangan nitong itago ang mukha para sa kanya.
Alanganin siyang napatango, hindi pa rin makapaniwala na sasamahan nga siya nito sa lugar na hindi nito nais puntahan. “S-Salamat,” bulong niya. Iyon lang ang masasabi niya.
“Dala mo ba ang sasakyan mo?” anito habang naglalakad na sila palabas ng agency.
Tumingin siya dito. Alam niyang pinipilit nitong magkaroon ng disenteng distansya sa pagitan nila, nagpapa-salamat siya na iniisip pa rin nito ang protektahan siya sa mga posibleng rumors na lumabas laban sa kanya. “Hindi,” mahinang sagot niya.
Nagtataka itong napatingin sa kanya. “Paano ka nakapunta dito?”
“I took the subway,” proud na sagot niya.
“The subway?” nasa tono nito ang pagkamangha. “Mabuti naman at hindi ka napag-piyestahan.”
Tiningnan niya ito ng masama pero hindi na sumagot hanggang sa makarating sila sa sasakyan nito – isang itim na Ford Escape.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romance"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...