NANATILI siya sa Pilipinas ng ilan pang linggo, doon niya na napag-desisyunang ubusin ang bakasyon niya. Ginawa niya ang lahat para maging masaya, at makalimot din. Ngayong araw ay plano niya ngang bumisita sa branch ng agency nila dito sa Pilipinas para kausapin si Raffy tungkol sa pagbalik niya sa pagta-trabaho. Sa pagkakaalam niya ay naririto pa rin ito sa bansa dahil may inaasikaso pa itong importanteng bagay.
Pagkatapos magpaalam sa manager niya na pupunta lang siya sa agency ay pumayag naman ito kaya agad na siyang dumiretso sa sasakyan niya. Alas-sais na ng gabi at masuwerte siya dahil walang traffic ng gabing iyon. Ilang sandali lang ay nakarating na siya sa agency nila.
Binati siya ng ilang empleyadong naroroon. May nakasalubong din siyang ilang artista na talents doon. Lumakad siya patungo sa elevator at dumiretso sa opisina ni Raffy.
Pagkarating niya ay ilang beses siyang kumatok bago binuksan ang pinto. Nakita niya itong nakaupo sa silya nito at may kausap sa telepono. Mukhang nagulat pa ito pagkakita sa kanya. Itinaas nito ang isang kamay para sabihing hintayin ito.
Tumango lang siya at lumakad patungo sa settee na naroroon. Naupo siya doon at hinintay itong matapos sa pakikipag-usap. Hindi nagtagal ay ibinaba na nito ang telepono at lumapit sa kanya. Umupo ito sa couch malapit sa kanya.
“Anong nagdala sa’yo dito?” tanong nito.
“Ayos lang ba kung magsimula na ulit akong mag-trabaho?” nag-aalangan niyang tanong dito. Hindi niya alam kung puwede na ba siyang bumalik sa pagta-trabaho o kung ayos na ba ang sitwasyon niya ngayon.
Tumingin ito sa kanya. “Sigurado ka?”
Tumingin siya sa magka-siklop na mga kamay. “Hindi ko alam,” sagot niya, iyon ang tunay na nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Hindi siya sigurado kung kaya niya ng bumalik sa trabaho. “Kaya nga tinatanong ko sa’yo. Ayoko namang bumalik para lang magdagdag ng problema.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. Nag-angat siya ng tingin para tingnan ito. “Kung gusto mo ng mag-trabaho uli, bakit hindi? Mas makabubuti ‘yon,” tugon nito.
“Ayos lang ba na humarap na uli ako sa publiko?” tanong niya, kinakabahan pa rin sa posibleng mangyari kapag muli siyang humarap sa media at sa mga tao. “Ibig kong sabihin, pagkatapos ng nangyari. Hindi ko alam kung—”
“Gusto mo bang magkaroon ng press conference para sa pagbalik mo? Para masagot mo ang lahat ng itatanong nila at maayos mo na ang lahat ng pino-problema mo?” singit nito.
“P-Press conference?” ulit niya sa sinabi nito. Kailangan pa ba nilang umabot sa ganoon? “Pero hindi ko alam ang sasabihin.”
“Sabihin mo ang totoo,” suhestiyon nito. “Sabihin mo lahat, siguradong maiintindihan ka naman nila.”
Umismid siya at umiling. “Alam mo na kahit gaano kaingat ang pagpili ko ng mga salita, kahit anong katotohanan ang sabihin ko, babaluktutin lang din iyon ng ibang tao. Iyon lang ang mangyayari.”
Tumitig lang ito sa kanya ng ilang sandali, hanggang sa siya na mismo ang nag-iwas ng tingin dito. Gusto niyang malaman kung ano ang iniisip nito, pero talaga lang na napakahirap nitong basahin.
“Kung gayon, kalimutan mo na ang press conference,” sabi nito matapos ang mahabang katahimikan. “Mag-trabaho ka na ulit at umakto na parang walang nangyari. Huwag mong pansinin ang sasabihin o paninira ng iba dahil ikaw na rin ang may sabi na kahit anong paliwanag ang gawin mo ay gagawa pa rin sila ng paraan para baluktutin iyon. So just go on with your life and do what you’re supposed to do.”
Tama ito. Napaisip siya, tama namang ang lalaking ito simula pa lang. Hindi lang siya nakikinig dito. Napanguso siya, ngayon niya lang napapansin ang pagkakamali niya tuwing sinusuway niya ang mga sinasabi nito – patungkol sa trabaho niya.
Hindi sana siya aabot sa ganito kung hindi siya sumunod sa sarili niya. Napaka-iresponsable niya talaga.
Itinaas niya ang ulo at tumingin dito. “May trabaho na ba para sa akin?” tanong niya.
“Well,” ilang sandali itong nag-iisip. “May upcoming fashion event si Stacey sa New York sa susunod na buwan at kailangan niya ng models galing sa iba’t ibang bansa. Gusto mo bang i-representa ang South Korea?”
Stacey? Iyon ba si Stacey Stewart na sikat na fashion designer sa New York? “So, kailangan kong pumunta sa New York?”
“Hindi,” sagot nito. “Actually, kailangan mo lang um-attend ng photo shoot na gaganapin sa Seoul. Kailangan mo lang i-model ang mga designs niya para sa isang magazine.”
Tumango na lang siya. Maya-maya ay biglang tumunog ang telepono sa ibabaw ng mesa nito. Sabay pa silang napatingin doon. Mukhang walang balak pa itong sagutin iyon dahil sa kanya kaya minabuti niyang mag-paalam na.
Tumayo na siya. “Sige na,” wika niya. “Sagutin mo na ‘yon. Aalis na rin ako. Baka maabala ko pa ang trabaho mo. See you in Korea,” pagkatapos noon ay tumuloy na siya sa paglabas ng opisina nito.
Ilang hakbang na siyang nakalayo sa opisina nito nang mapatigil siya. Anong sinabi niya? See you in Korea? Sinuri niya ang sarili. Kailan pa niya gustong makita ulit ito? Napailing siya. Ano na bang nangyayari sa kanya?
Napabuntong-hininga siya. Ano bang mali doon? Matagal na naman silang magkakilala, baka oras na para magkasundo naman sila. Mukha namang hindi ito kasing sama ng akala niya, mukha namang may ipinagbago na rin ito. Nagkibit na lang siya at nagpatuloy sa paglalakad.
Nasa main entrance na siya ng building nang mapatigil siya sa paglalakad nang marinig ang pinag-uusapan ng dalawang empleyado na nasa isang sulok.
“Sigurado akong si Sir Raffy din ang may gawa kung bakit siya iniwan ni Ma’am Ashlee,” ani isang babaeng empleyado sa kausap nitong sa tingin niya ay isa sa mga janitress doon.
“Talaga? Narinig ko nga rin iyan sa iba kong mga kasamahan,” sagot ng janitress. “Ang sabi nila walang kuwenta daw na nobyo si Sir Raffy. Hindi daw marunong magpahalaga sa ibang tao, ang mahalaga lang ay ang kanyang sarili at trabaho. Hindi nga daw nagagawang babain dito si Ma’am Ashlee kapag bumibisita noon.”
Napailing ang empleyadong babae. “Baka nga ganoon din iyon kapag magkasama sila kaya naman ipinagpalit sa iba. At hindi lang basta sa iba,” hinampas pa nito sa balikat ang kausap. “Sa kakambal pa mismo ni Sir. Ang laking kahihiyan siguro iyon kay boss, ano?”
“Tama lang naman sa kanya,” ani janitress. “Kung hindi sana masama ang pakikitungo niya sa ibang tao ay may magtitiyaga pang makasama siya. Sigurado akong hindi na iyan makakahanap ng matinong asawa at iiwanan din siya. Sino ba naman ang makakatagal sa taong wala ng iniintindi kundi ang negosyo niya?”
Nagtawanan pa ang mga ito. Hindi niya alam kung bakit awtomatikong lumakad ang mga paa niya palapit sa mga ito at kung bakit nagpanting ang tainga sa mga pinagsasasabi ng mga ito.
“Tsismisan na pala ang bagong trabaho niyo dito,” singit niya sa pagkakatuwaan ng mga ito.
Hindi maitago ang gulat sa mga mukha ng mga ito, ganoon din ang pagkapahiya. Agad naman nagyuko ang mga ito ng ulo nang makilala siya.
“Alam ba ng boss niyo na ganito ang ginagawa niyo?” tanong niya. Her temper was starting to rise.
“M-Ma’am… p-pasensiya na po,” utal-utal na sagot ng empleyadong nasa harap niya.
“Pasensiya?” ulit niya sa sinabi nito. “Bakit sa akin kayo humihingi ng pasensiya? Hindi ba dapat sa boss niyo na nagpapakahirap sa pagta-trabaho para lang may maipa-suweldo sa inyo?” itinaas niya ang kilay. Nakikita niya ang pamumula ng mga mukha nito sa kahihiyan. May ilang mga empleyado na rin ang mga lumapit at nakiki-usisa sa nangyayari. Talaga naman! Ang mga tao napaka-curious sa lahat ng bagay. Napakabilis ng mga reaksiyon ng mga tao kapag may puwedeng pag-tsismisan o di kaya ay usisain. “Ang gagaling ninyong manira ng tao, hindi niyo naman alam ang katotohanan. Ang gagaling niyong gumawa ng sari-sarili ninyong kuwento.
“You, people should stop blackening someone’s name without enough evidence that he did what all of you were talking, oh, I mean gossiping about. Hindi ba puwedeng isipin niyo na lang ang mga buhay ninyo at tigilan ang kape-peste sa mga taong nais mabuhay ng tahimik?” unti-unti nang nauubos ang pasensiya niya sa mga ganitong klase ng tao. Kaya bago pa siya tuluyang mawalan ng pasensiya ay minabuti niya ng umalis sa lugar na iyon.
Lumabas siya ng building na iyon at tinungo ang sasakyan. Pagkapasok sa loob ay mabilis niyang isinandal ang ulo sa headrest ng driver’s seat at mariing ipinikit ang mga mata. Kinalma niya ang sarili ng ilang minuto bago iminulat ang mga mata. Nakakapagod ang araw na ito para sa kanya. Gusto niya ng umuwi at matulog. Baka bukas ay bumalik na siya sa South Korea.
Nagulat pa siya nang makarinig ng katok mula sa salamin ng kotse niya. Napatingin siya sa kapatid niyang si Jino na nasa labas. Kasama nito si Thaddeus Arzadon na isa sa mga kabarkada ng Kuya Justin niya.
Binuksan niya ang pinto at lumabas ng sasakyan. “What are you doing here?” nagtatakang tanong niya kay Jino.
“Hinahanap ka niya,” si Thaddeus ang sumagot niyon. “Ang sabi daw ng manager mo ay nandito ka, pero sa tingin ko naligaw siya at napunta malapit sa Society Hotel. Mabuti na lang at dumaan ako doon at agad kong nakilala siya. Kaya dinala ko na siya dito, kung hindi ko agad siya natagpuan baka—”
Itinaas niya ang isang kamay para patigilin ito sa pagsasalita. “Ayos na ‘yon,” wika niya. Kahit kailan talaga ay walang preno ang bunganga nito, kalalaki pa namang tao. Hindi sapat na dahilan na lawyer ito kaya ganoon ito kadaldal. Marami naman siyang kilalang lawyers pero hindi kasing ingay ng isang ito. Binigyan niya ito ng pilit na ngiti. “Salamat,” sincere naman siya sa paghingi ng pasasalamat.
Tumingin siya kay Jino at inutusan itong pumasok sa sasakyan. Pagkatapos ay hinarap niya muli si Thaddeus. “It’s nice to see you here, Thaddeus. You look so handsome as ever.”
“Of course,” walang palyang pagsang-ayon nito.
Kasing hangin ka pa rin tulad ng dati, gusto niya sanang idugtong. Pero sanay na naman siya sa ugali nito kaya hinayaan niya na lamang. Matagal niya na itong kilala, kasing tagal ng pagkakaibigan nito at ng Kuya Justin niya. Isa rin ito sa mga ‘breakers’ katulad ng kapatid niya, nina Rafael at Raffy– a bunch of rich men who formed a ‘society’ for themselves. Wala naman talaga siyang pakialam sa ‘society’ ng mga ito. Ang alam niya lang ay sa tinatawag ng mga itong ‘Society Hotel’ ng mga ito pinag-uusapan ang mga negosyo nito at dinadala ang mga babae ng mga ito. Whatever. Wala na siyang pakialam.
“Ang cute ng kapatid mo,” narinig niyang sabi nito.
Nagdududa siyang tumingin dito. Anong pinag-sasasabi nito?
“Bakit?” tanong nito. “Hey, hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang sama din ng isip mo, ah?” pinukpok pa nito ang sariling dibdib. “Straight kaya ito,” depensa pa nito sa sarili.
Napangiti siya. “May sinabi ba akong hindi?” napailing pa siya. “Kung anu-ano kasi ang pinag-sasasabi mo.”
“Ibig kong sabihin,” pagsisimula na naman nito. “May itsura siya, bakit hindi siya mag-artistang katulad mo? Mukha talaga siyang Koreano na maliit ang mga mata.”
“Kailangan niya munang mag-aral,” sagot niya dito. “Buhay mo na nga lang ang pakialaman mo. Wala ka ring pinagkaiba sa mga taong iyon na nakikialam sa buhay ng may buhay,” tukoy niya sa mga taong naka-away niya kani-kanina lang.
“Okay,” tumango-tango na lang ito. “Ang sungit-sungit nito. Nagpakasal lang si Rafael—” bigla nitong natutop ang sariling bibig at napatingin sa kanya. “S-Sorry,” anito.
Napailing na lang siya at binuksan ang pinto ng kotse. Hindi talaga siya makakatagal na kausapin itong lalaking ito. “Umalis ka na lang, Thaddeus,” utos niya dito. “Kailangan na naming umuwi. Ayoko ng makipag-lokohan sa’yo.”
“Yeah, yeah, sure,” tumango pa ito. “I’ll see you soon, beautiful. Ingat,” pagkatapos ay tumakbo na ito sa itim nitong Subaru.
Nakangiti pa rin siya hanggang makapasok sa sariling sasakyan. Masaya siyang makita ang lalaking ito ng ganitong panahon.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romantik"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...