ILANG linggo lang ang lumipas ay tuluyan ng gumaling si Raffy, nakakapag-laro na ulit ito ng basketball. Mas mabilis iyon sa inaasahan niya at dahil siguro iyon sa dare na ibinigay niya. Mas lalong pinalakas niyon ang determinasyon nitong gumaling kaagad.
Napatigil siya sa paglabas ng kuwarto nang humarang ito sa dinaraanan niya. Mukhang katatapos lang nitong mag-exercise sa labas. Alas-otso na ng umaga. “Bakit?” tanong niya dito. “May kailangan ka? Gusto mo na bang kumain? Ipaghahanda na kita ng—”
Itinaas nito ang isang kamay para patigilin siya. “Pakasalan mo na ako,” biglaang sabi nito.
Nagulat siya sa sinabi nito. Hindi niya inaasahang pag-uusapan agad nito ang tungkol doon. Akala niya ay maghihintay muna ito ng ilang araw o linggo bago nila pag-usapan ang bagay na iyon.
“Nakapagpa-book na ako ng simbahan at reception hall sa de Angelo Hotel,” pagpapatuloy nito. “Magpapakasal na tayo sa susunod na linggo.”
Hindi niya nagawang makapag-salita. Nakapagpa-book na ito?! Nang wala ang consent niya?! Pero— umiling siya. Ano pa bang aasahan niya? Isa ito sa mga ‘breakers’, hindi ba? Natural lang na gawin na lang nito ang gusto nito.
Ngumiti siya. Ang totoo ay sobrang saya niya. Matagal niya ng hinintay ang oras na ito, hindi na dapat siya mag-reklamo. Humakbang siya palapit dito at niyakap ito sa baywang. Naaamoy niya na ang lalaking-lalaking amoy nito at after-shave. She could also feel his hard body pressed against hers. “Sa South Korea ba tayo magpapakasal?” tanong niya.
Umiling ito. “Hindi, dito,” sagot nito.
“Bakit?” nagtatakang tanong pa niya.
He gave her a loving stare. “Dahil walang divorce dito sa Pilipinas. Papakasalan kita at wala na akong balak pakawalan ka. Kahit kailan.”
Hindi inaasahan ng puso niya ang sagot na iyon mula dito. Muli na namang nangilid ang mga luha niya kaya isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito. Marahan nitong hinaplos ang likod niya at ibinulong kung gaano siya nito kamahal. Napaka-suwerte niya dito.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romance"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...