Chapter 14.4

2.9K 51 2
                                    

ILANG araw pa ang lumipas at mas lalong lumala ang lahat. Ang hapdi sa puso niya ay patuloy sa paglaki kahit na anong pilit niyang huwag pansinin iyon.
Nang araw na iyon ay kinailangan niyang pumunta sa agency nila kahit ayaw niya dahil may kailangang kausapin doon ang manager niya. Dahil katatapos lang ng filming niya ay wala siyang choice kundi ang sumama dito na dumaan sandali sa agency. Nanatili siya sa lobby at tumuloy na ang manager niya sa elevator. Hihintayin niya na lang ito doon.
Halos kalahating oras na ang dumaan, pero hindi pa rin ito bumabalik. Nagsisimula na siyang mainip, naghintay na lang dapat siya sa sasakyan. Sumulyap siya sa suot na relo, eight-twenty five na ng gabi. Nagsisimula nang magsi-uwian ang mga empleyado doon.
Ilang minuto pa ang lumipas at napilitan na siyang tumayo. Hindi niya gustong pagtinginan ng mga taong dumadaan doon kaya napag-pasyahan niyang maglakad-lakad muna para maalis din ang pagka-bagot. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating siya sa meeting room ng mga empleyado.
Bahagyang nakabukas ang pinto kaya sumilip siya sa loob, nagulat pa siya nang makita doon si Raffy. May kausap itong babae na nakatalikod sa kanya, pero base sa pigura ng babae ay alam niyang si Brianna iyon.
Napaismid siya, hindi maitatatwang lumalandi lang ang babaeng iyon. Hindi niya marinig ang pinag-uusapan ng mga ito dahil ayaw niya namang lumapit, baka mapansin pa siya ng mga ito.
Pero maya-maya ay ikinawit ni Brianna ang mga braso sa leeg ni Raffy at hinalikan ito sa mga labi. Napaatras siya nang makita kung paano hinapit ni Raffy ang baywang ng babae para mapalapit pa itong lalo dito. Hindi lang gulat ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon, nakakaramdam din siya ng sobra-sobrang sakit. Like her heart was being smashed by something hard and painful, tearing it into tiny pieces and leaving nothing but pain.
Itinago niya ang sarili sa mga ito, ayaw niyang makita nito ang sakit na nararamdaman. Ayaw niyang mag-mukhang kawawa sa harap ng mga ito.
Gusto niyang umiyak para mabawasan ang pagsisikip sa puso niya – na nagiging dahilan para mahirapan siya sa paghinga. Napailing siya. Hindi, kailangan niya munang lisanin ang lugar na iyon. Hindi siya puwedeng umiyak dito.
Mabilis siyang lumayo sa lugar na iyon at tumuloy sa loob ng storage room na nadaanan. Isinara niya ang pinto at bumagsak sa sahig. Sobrang pagod at sakit na ang nararamdaman niya.
Malakas siyang umiyak at pinukpok ang kaliwang dibdib. Baka sakaling makatulong iyong alisin ang sakit sa puso niya. She felt so betrayed but knew she wasn’t. Bakit siya umaakto ng ganito? Bakit ganito na lang kasakit sa kanya ang nakita? Mas masakit pa ito kaysa noong malaman niya ang tungkol sa relasyon nina Rafael at Ashlee. Ano ng nangyayari sa kanya?
Hindi kaya? Sinuri niya ang sarili. Hindi, imposible ‘yon. Isinubsob niya ang mukha sa dalawang kamay. “Damn this stupid heart,” hikbi niya. Bakit siya pa?! Of all people, why him?!

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy ChoiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon