ILANG linggo ang lumipas…
Inihilamos ni Raffy ang kamay sa mukha. Pagod na pagod na siya. Napakarami ng nangyari nitong nakaraang mga araw. Nalaman ng ama ni Ashlee ang relasyon nito at ni Rafael at wala siyang nagawa para pigilan ang nangyari. Umakto na lang siya na hindi niya alam ang tungkol sa relasyon ng mga ito. Nasaktan niya pa ang sariling kapatid dahil sa galit niya, hindi para dito kundi para sa sitwasyon at para sa sarili.
At isa pa, sa tingin niya ay buntis si Ashlee. Hindi siya tanga para hindi iyon mahalata sa inaakto nito. Alam niyang kinamumuhian na siya nito ngayon.
Bumuntong-hininga siya at tumingala sa madilim na kalangitan. Nakatayo siya sa isang parte ng malaking garden ng bahay ng mga Fortich sa Greenhills, pansamantalang doon tumutuloy si Ashlee dahil nais ng ama nitong mabantayan ito at masigurong hindi na ito muli makikipagkita kay Rafael. Kahit gusto niyang pumunta sa kuwarto ni Ashlee at kausapin ito ay hindi niya naman alam kung ano ang sasabihin dito.
Siya lang ang dapat na sisihin sa paglala ng sitwasyong ito. Napaka-makasarili niya. Ni minsan ay hindi siya naging fiancé para dito kaya nalipat ang nararamdaman nito para sa kapatid niyang si Rafael, mas inuna niya pa ang negosyo niya kaysa dito.
Ilang sandali lang ay may narinig siyang kaluskos sa isang bahagi ng garden na iyon. Nagulat pa siya nang makita si Ashlee na maingat na tumatakbo, alerto rin ang mga mata nito kung sakaling may makakita dito. Sigurado siyang tatakas ito.
Marahan siyang lumakad para salubungin ito. Dahil sa hindi ito nakatingin sa unahan ay nabangga pa ito sa kanya at napaupo sa damuhan.
Napatingala ito at ganoon na lang ang pagkagulat nang makita siya. “R-Raffy…” maingat itong tumayo. Iniiwas nito ang tingin sa kanya.
“Pupuntahan mo ba si Rafael?” tanong niya.
Hindi ito sumagot. Alam niyang ayaw pa rin siya nitong kausapin. Kinuha niya ang cell phone na nasa loob ng sariling pantalon at iniabot dito. “Call Thaddeus,” wika niya dito nang tumingin ito sa kanya. “Magpahatid ka sa kanya.”
Hindi makapaniwala ang tingin na ibinigay nito.
“Come on, take it, this is my personal phone. I’ll just buy a new one,” dugtong niya. Nakapag-desisyon na siya, palalayain niya na ito. Kung si Rafael ang kasiyahan nito, ibibigay niya iyon. Ayaw niya na rin namang masira ang buhay ng kapatid dahil lang sa pagiging makasarili niya. Nagmamahalan ang mga ito, wala na siyang magagawa para mabago pa iyon. Ito na ang pinaka-magandang paraan para putulin ang lahat ng paghihirap nila.
Nanginginig pa ang mga kamay nito nang abutin ang cell phone sa kanya.
“Go now, I’ll watch the guards for you,” sabi niya.
Nakita niya ang namuong luha sa mga mata nito, marahan itong tumango. “T-Thank you…” bulong nito bago lumakad palayo.
Tiningnan niya ito at muling tinawag. “Ashlee…”
Tumigil ito at lumingon sa kanya.
“Be careful, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin kapag sinaktan ka ni Rafael. I think it’s better kung lumayo na kayo, that’s the only way to protect him from your father. Siguradong hindi niya palalampasin ito.”
Yumuko ito. “I will protect him, Raffy. I’m very sorry, sa lahat ng nagawa ko sa’yo.”
“No, I’m sorry,” tugon niya. “I started this, at ako ang nagkulang sa’yo.”
Muli itong tumingin sa kanya bago tumalikod at lumakad palayo. Pinanood niya lang ito hanggang sa makaalis ito. Ma-mi-miss niya rin ito, kahit papaano ay matagal din ang pinagsamahan nila at para na itong isang nakababatang kapatid niya. Bata pa lang sila ay ito lang ang nag-tiyagang manatili sa tabi niya at unawain ang ugali niya. Gusto niyang maging masaya ito, ito at ang kakambal niya.
Bumuntong-hininga siya at muling tumingin sa kalangitan. I’m sorry, Arrhea.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romance"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...
![[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi](https://img.wattpad.com/cover/191419619-64-k8401.jpg)