ALAS-KUWATRO na ng umaga pero nakatigil pa rin ang sasakyan niya sa labas ng condominium place ni Rafael. Para siyang tangang naghihintay sa paglabas ni Ashlee doon. Alam niyang naroroon pa rin ito dahil nakikita niya pa ang sasakyan nito sa tapat ng flower boutique nito. Pagang-paga na rin ang mga mata niya sa kaiiyak.
Ilang sandali lang ay napilitan na siyang lumabas ng sasakyan at pumasok sa loob ng building. Pumunta siya sa unit ni Rafael at binuksan iyon. Hinang-hina na siya ng mga oras na iyon. Hindi niya na alam kung ano ang iisipin. Hindi niya alam kung bakit pa siya pumasok dito.
Humakbang siya papasok at iginala ang paningin sa paligid. Magulo pa rin ang buong living room. Tila gumuho ang buong mundo niya nang makita ang damit ng mga ito sa sahig. Pinilit niyang paniwalain ang sarili na mali at imposible ang iniisip niya.
Wala sa isip na lumakad siya patungo sa kuwarto ni Rafael, bahagyang nakaawang ang pinto niyon kaya pakinig niya ang usapang nangyayari sa loob. Tumigil siya, alam niyang mali ang makinig sa usapan ng iba pero hindi niya mapigilan ang sarili niya. Gusto niyang malaman kung ano ang nangyayari.
Narinig niya ang boses ni Rafael.
“Ilang linggo pa bago ang kasal ninyo. Hindi ko alam kung mauunawaan ng mga magulang natin but if you want, you can ask Raffy to break your engagement,” sabi nito. “Ask him to cancel the wedding, if you want to,” dagdag pa nito.
Natutop niya ang bibig para mapigilan ang pagsinghap sa narinig. Nagsimula na muling tumulo ang luha niya. Hindi niya narinig na nagsalita si Ashlee. Umiling siya. Huwag, please… Ashlee, huwag.
“Then, marry me,” pagpapatuloy ni Rafael. Namanhid ang buong katawan niya. Hindi niya alam kung humihinga pa ba siya ng mga oras na iyon.
Hindi niya pa rin narinig ang pagsagot ni Ashlee pero alam niya na kung ano iyon base sa sunod na sinabi ni Rafael.
“I love you so much, sweetheart,” sabi nito, punong-puno na ng saya ang boses nito ngayon.
“I love you too,” narinig niyang sagot ni Ashlee. She grimaced, mabilis na siyang lumayo sa lugar na iyon. Lumabas siya ng unit nito at tumakbo patungo sa elevator. Mabuti na lang at mag-isa siya doon, agad siyang sumandal sa dingding noon at hinang-hinang napaupo. Ubos na yata ang mga luha niya dahil tumigil na iyon sa pagpatak. Para siyang isang nasiraan ng bait na nakatulala na lang sa kawalan.
Ito na ‘yon. Ganito na lang ba ang kahahantungan niya? Hindi niya alam na ganito ang mangyayari. Bakit ganoon? Bakit sila lang ang masaya at siya ang nagdurusa? Ano bang nagawa niyang mali para maranasan niya ang paghihirap na ito?
Sobra na ito, hindi niya na kaya ang sakit sa puso niya. Si Rafael lang naman ang hiniling niya, ah? Bakit ipinagkait pa sa kanya?
Hindi niya alam kung kanino siya magagalit. Kay Rafael ba dahil hindi nito magawang pahalagahan ang nararamdaman niya? Kay Ashlee dahil tinugon nito ang pagmamahal ng kakambal ng fiancé nito? Kay Raffy dahil ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pagkakataong magkalapit ang dalawang iyon? O sa sarili niya dahil hindi niya magawang patigilin ang pusong mahalin si Rafael na patuloy na nananakit sa kanya?
Ang tanga-tanga niya. Siya ngayon ang kawawa dahil sa ginawa niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romantiek"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...