MULING ibinalik ni Raffy ang cell phone sa loob ng suot na suit pagkatapos ng tawag ni Arrhea. Inaasahan niya ng mangyari ito at handa siyang harapin ang lahat ng konsekuwensiya.
Papalabas na siya ng Society Hotel nang marinig niya ang pagtawag sa pangalan niya. Napalingon siya sa likod at muling nakita si Matthew Azcarraga – isa sa mga kabarkada niya – na tumatakbo papalapit sa kanya.
“Pare,” anito nang makalapit. “May nakalimutan pala akong sabihin sa’yo.”
“Ano ‘yon?” tanong niya.
“Importante,” sagot nito. “Puwede ba tayong mag-usap sa ibang lugar?” napalingon pa ito sa paligid. “Medyo maraming guests ang hotel ngayon.”
Tumango na lang siya at sumunod dito hanggang sa makapasok sila sa private bar ng hotel. Isang malaking kuwarto iyon na punong-puno ng iba’t ibang wines at beers. The interior was more promising than other kinds of bars out there. Ang bar na ito ay para sa mga ‘breakers’ lamang. May isa pang mas maliit na bar kaysa dito na para naman sa mga guests ng hotel. Dito sa bar na ito nagsasama-sama ang lahat ng ‘breakers’ tuwing may okasyon at nag-iinuman.
Napatingin siya kay Matthew nang umupo ito sa bar stool na naroroon. Sumunod siya dito at hinintay itong magsimula. Nagtaka pa siya nang hindi kaagad ito nagsalita.
Ilang sandali bago niya narinig ang pagtikhim nito. “Alam mo kung gaano ko kamahal si Liezl, ‘di ba?” pagsisimula nito, tinutukoy ang asawa nitong si Liezl Castro.
Tumango siya.
“At alam mo kung sino ang dahilan kung bakit magkasama na kami ngayon,” pagpapatuloy nito, nakangiti na. “Kung hindi dahil sa kanya, hindi mapapasa-akin si Liezl. Kung hindi niya ito pinakawalan agad, siguradong aabot pa sa kung saan ang pakikipag-laban ko para lang makuha si Liezl. Utang ko sa kanya ang pag-unawa at pagtanggap kung bakit ko inagaw si Liezl sa kanya.”
Tinutukoy nito si Justin, alam niya iyon. Ngumiti siya. “At?” tinulak niya itong magpatuloy.
Napatawa ito at tinapik ang likod niya bago tumayo. “I’m sorry, dude. Humingi siya ng pabor, hindi naman puwedeng tanggihan ko siya,” napatingin sila sa may pinto ng bar nang bumukas iyon at pumasok si Justin. “Magkita na lang ulit tayo, pare. Good luck,” iyon lang at nagpaalam na ito. Nakita pa niya nang tapikin din nito ang balikat ni Justin bago tuluyang lumabas.
Tumayo siya nang lumakad si Justin palapit sa kanya. Handa na siyang harapin ito, ito ang kapatid ng babaeng mahal niya.
“Ikaw ‘yon, hindi ba?” nasa tono nito ang pinipigil na galit. Lumapit pa ito at marahas na hinigit ang kuwelyo ng polo na suot niya. May galit sa mga mata nito, ni minsan ay hindi ito nagpakita ng galit sa kanila. “How dare you touch my sister?!” sigaw nito. “Ano?! Isasama mo siya sa mga babaeng pinag-laruan mo?! Wala akong pakialam kung kaibigan kita o ano. Huwag na huwag mo siyang sasaktan! Tama na ang sakit na natanggap niya mula sa kapatid mo, huwag mo siyang paglaruan!” pagkatapos ay pinakawalan siya nito para lamang bigyan ng isang malakas na suntok sa mukha.
Nabangga siya sa bar stool na nasa likod at nahulog sa sahig. Nalalasahan niya na ang dugong nagmumula sa sugat niya sa gilid ng labi. Hindi siya tumayo at lumaban dito. Puwede siya nitong saktan kahit saan pero wala siyang pakialam.
Pero sa halip na suntukin ulit siya nito ay naupo ito sa isang bar stool at tumingin sa kanya. “Talk,” utos nito.
“Mahal ko siya, Justin,” pag-amin niya. “Mahal na mahal ko siya, higit pa sa buhay ko, higit pa sa kahit na ano. Kaya kong ibigay sa’yo ang lahat ng pag-aari ko ngayon, hayaan mo lang akong makasama siya,” huminto siya. “Ibinigay ko sa kanya ang susi ng private suite ko dito at alam mo kung anong ibig sabihin noon. Ibig sabihin ay may kontrol na siya sa akin, na isinusuko ko na ang lahat-lahat sa kanya. Kasama na ang puso ko.”
Ilang sandaling katahimikan. “Ang laki ng ipinagbago mo,” napailing pa ito. “Hindi mo sinasabi ang mga salitang iyan noon.”
Ngumiti siya. “Maybe it’s true that love changes a lot of things, even things you think that could never change. She even changed my habits. I never loved my business less until I love her. Ngayon wala na akong pakialam doon, basta makasama ko siya.”
Mukha namang kumalma na ito dahil sa sinabi niya. Bumuntong-hininga muna ito bago muling tumayo. May dinukot ito sa kaliwang bulsa ng pantalong suot at itinapon sa kanya. Susi niya iyon. “Alagaan mo siyang mabuti, Raffy. Ayoko na siyang makitang nasasaktan,” ngumiti ito at itinuro ang sugat sa labi niya. “Pasensiya ka na diyan,” pagkasabi niyon ay umalis na ito.
Napangiti siya at pinunasan ang dugo sa gilid ng labi. Tumayo siya at inayos ang damit. Masayang-masaya siya dahil naging maayos din ang lahat. Sana lang ay manatili ito habang-buhay.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romance"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...