ISANG buong nakakapagod na linggo ang dumaan, malamig na ang panahon sa labas – senyales na malapit na ang winter. Nasa apartment niya na siya ng mga oras na iyon at nagpapa-salamat dahil maagang natapos ang filming nila. Hindi niya gustong manatili sa labas sa panahong ito.
Agad siyang lumapit sa tapat ng microwave nang marinig ang pagtunog niyon. Pinapa-init niya ang hapunan niya ngayong gabi, hindi niya naman gustong magpa-deliver na naman dahil sawa na siya sa pagkain sa labas. Halos isang buwan na siyang kumakain ng ganoon.
Bumuntong-hininga siya. Gusto niyang mag-Christmas sa Pilipinas, para naman maiba. Pero naririto ang pamilya niya kaya kailangan niyang manatili dito. Wala naman siyang puwedeng puntahan kapag sa Pilipinas siya nag-Pasko. Siguradong nasa ibang bansa din ang Kuya Justin niya ng oras na iyon.
Kumakain na siya nang makarinig ng katok sa pinto. Uminom muna siya ng tubig bago lumakad papunta doon at binuksan iyon. Baka ang manager niya na naman ito.
Nagulat pa siya nang salubungin siya ng isang life-sized stuffed toy – it was Snoopy, to be exact. Pero mas nagulat siya nang makita kung sino ang may yakap noon.
Ngumiti si Raffy sa kanya. “Delivery for Ms. Arrhea Aguirre,” sabi nito.
Napangiti din siya. “Para saan ‘to?”
Nagsalubong ang maiitim at makakapal nitong mga kilay. “Sabi mo gusto mo ng pasalubong? Hindi mo nagustuhan?”
Nakangiti pa rin siya hanggang sa kunin niya ang stuffed toy. Napakalaki noon, muntik na itong hindi magkasya sa pinto ng apartment niya. “It’s kinda heavy but I like it,” nginitian niya ito ng matamis. “Thank you.”
Tumango lang ito at ngumiti. Lumakad siya patungo sa couch at inilagay doon ang stuffed toy. Napailing siya. Napakalaki talaga niyon para magkasya doon. Napalingon siya kay Raffy na nanatili sa may pinto. Lumapit siya dito.
“Hindi ka papasok?” tanong niya. “Naghahapunan ako. Nakakain ka na ba?”
Tumango ito. “Sige na, dumaan lang naman ako para idaan iyan dito. Kagagaling ko lang sa airport at kailangan ko ng umuwi dahil hinihintay ako nina Papa at Mama. May kailangan daw silang sabihin sa akin,” napailing pa ito.
“Oh,” napatango siya. Medyo nalungkot pa siya dahil hindi man lang ito mananatili, kahit saglit lang. Pero ayaw niyang makita nito iyon kaya mabilis siyang ngumiti. “Huwag mo sabihing bitbit mo si Snoopy sa airport?”
Ngumiti ito. “I have no choice. Pinagtitinginan nga ako ng mga tao doon,” sumbong pa nito.
Tumawa siya at muling nagpa-salamat dito. Pagkatapos ay umalis na ito. Pagkaalis nito ay muli siyang lumapit sa stuffed toy. Ngumiti siya at kinuha iyon para ilagay sa kama. Halos okupahin na nito ang kalahati niyon. Well, ayos lang – at least, hindi na siya mag-isa sa malaking kama niya. Umupo siya sa tabi niyon at niyakap ito. Ipinikit niya ang mga mata, naroroon pa rin ang amoy ni Raffy. It smelled so good.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Series Batch 1 Book 5: Raffy Choi
Romantik"Bakit kung anong pinaka-gusto mo ay hindi mo makuha?" tanong niya dito. Naparami na yata ang nainom niya kaya nagawa niyang makipag-usap sa taong ito. Arrhea Aguirre, a very famous model and actress in South Korea. Hindi niya kailangan ang pagigin...