CHAPTER 8: AN OATH

4K 116 16
                                        

THIRD PERSON’S POV

Umuwi si Thea sa bahay nila na basang-basa. Naglakad lamang siya pauwi dahil hindi siya sinundo ng kanilang driver sa hindi malamang dahilan. Tahimik lang siyang naglalakad pauwi habang nakayuko. Ang hindi niya alam ay nakasunod sa kaniya si Kaiden at binabantayan siya mula sa malayo. Nakaalerto rin ang binata kung saka-sakali mang may mangyaring hindi maganda dahil alam niyang alam na ng mga kalaban ang kinaroroonan ng dalaga dahil sa kapangyarihang ipinamalas nito na kayang maramdaman ng lahat ng charmers gaano man ito kalayo.

Nang marating ni Thea ang gate ng kanilang mansion ay laking gulat niya nang makita niya itong nakabukas at ang mga halamang pinakaaalagaan ng kaniyang mommy ay parang dinaanan ng bagyo sa sobrang gulo nito. Dahil sa kaniyang nasaksihan ay kinakabahan siyang pumasok ng mansion. Natatakot siya sa anumang aabutan niya sa loob lalo na’t sa labas pa lamang ay napakagulo na ng kaniyang nadatnan. Si Kaiden naman ay mas binilisan pa ang kaniyang lakad habang nakasunod kay Thea dahil may naramdaman siyang kakaiba mula sa loob ng mansion.

Napatakip na lamang si Thea ng kaniyang bibig at napahagulhol dahil sa kaniyang natunghayan pagkapasok na pagkapasok niya ng mansion. Nakabulagta sa gilid ng main door ang driver nila na duguan at wala ng buhay. Tadtad ito ng saksak at hiwa sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan.

Dahil sa nakita ni Thea sa main door pa lamang ay dali-dali siyang tumakbo patungo sa kanang bahagi ng main door. At habang siya ay tumatakbo ay may naririnig siyang mga boses na nanggagaling sa bandang kusina ng mansion na ngayon niya lamang narinig sa buong buhay niya.

“Nasaan ang prinsesa?” sigaw ng isang lalaki sa nakakakilabot na boses.

“Hindi namin alam at wala kaming alam sa sinasabi ninyo!” umiiyak na sigaw ng isang babae na alam ni Thea na nanggagaling sa kaniyang ina kung kaya mas lalo pa niyang binilisan ang kaniyang pagtakbo dahil alam niyang nasa panganib ang kaniyang ina.

“Ano ba! Tigilan na ninyo kami ng asawa ko! Wala kaming alam sa prinsesang sinasabi ninyo kung sino man siya!” galit na sigaw ng daddy ni Thea.

Natigil si Thea sa kaniyang pagtakbo nang sumalubong sa kaniya sa dining area ang nagkalat na katawan ng kanilang mga katulong. Isa-isa niyang sinipat ang mga ito kung may buhay pa at halos manlumo siya nang marating niya ang huling katawan na nakaharang sa daan patungong kusina kung nasaan ang kaniyang mga magulang.

Nanghihinang napasalampak sa sahig si Thea habang nag-uunahan sa pagtulo ang kaniyang mga luhang habang nakapako pa rin ang kaniyang tingin sa katulong nilang naging pangalawang ina niya. Gamit ang kaniyang nanginginig na kamay ay mahigpit niyang niyakap ang kaniyang Nanny Gina at pilit niya itong ginigising sa paniniwalang nawalan lamang ito ng ulirat.

“Nanny? Nanny‚ gumising ka! Nanny‚ huwag mo akong iwan. Nanny‚ please...” Patuloy ang iyak ni Thea habang inaalog-alog ang wala ng buhay na si Yaya Gina. Ngunit natigil siya sa kaniyang ginagawang pag-alog sa bangkay ng kaniyang ikalawang ina nang marinig niyang muling magsalita ang lalaking nasa kusina kasama ng kaniyang mga magulang.

“Nasaan ang prinsesa?! Saan ninyo siya tinatago?!” galit na galit nang tanong ng lalaking nasa harapan ng mag-asawang Gutierrez dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nito nakukuha ang sagot na gusto niya.

“Wala nga kaming alam‚” humahagulhol na sagot ng ina ni Thea.

“Ayaw talaga ninyong magsalita? Kung ganoon ay habambuhay ko na kayong patatahimikin.” Ikinumpas ng lalaki ang kaniyang kamay‚ dahilan upang may lumabas ditong isang itim na liwanag na mabilis niyang ibinato sa mag-asawang mahigpit na magkayakap.

“Aaaahhhhhh!” malakas na sigaw ng mag-asawa sa sobrang sakit na kanilang nararanasan sa kamay ng lalaking hanggang ngayon ay nakatutok pa rin sa kanila ang kamay na naglalabas ng itim na liwanag.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon