CHAPTER 30: REUNITED

1.9K 64 4
                                    

KALEB’S POV

Kasalukuyan akong nasa Camelot Garden para magtago. Tinamad kasi akong pumasok sa klase namin na sobrang nakakabagot kung kaya palihim akong pumunta rito para dito magpalipas ng oras.

Ang Camelot Garden ay nasa loob lang din ng akademya ngunit iilan lamang ang nakakaalam nito. Nasa dulo at tagong bahagi na kasi ito ng akademya at medyo may kalayuan din mula sa aming silid-aralan.

Ang Camelot Garden ay maihahalintulad ko sa Mystical Park at Enchanted Garden. Napakaganda kasi ng tanawin dito. Napakaraming bulaklak ang dito ay nakatanim at maraming nagkalat na nagliliwanag na mga paruparo. Ayon din sa sabi-sabi ay marami rin daw ang nagkalat ditong mga fairy na nagkukubli lamang sa paligid. Matatayog‚ magaganda at makikinang din ang mga punong matatagpuan sa hardin. Ngunit ang talagang binabalik-balikan ko rito ay ang tree house na kasalukuyan kong pinagtataguan na isang daang taon na ang tanda ngunit wala pa ring kupas ang angking ganda.

Malaki ang tree house ngunit tanging kaming mga maharlika lang ang maaaring makapasok dito dahil nababalutan ito ng mahika. Masyadong mahiwaga at malakas ang mahikang bumabalot dito kaya maaaring mawalan ng kapangyarihan ang sinumang sumubok na pasukin ang tree house. Ngunit maaari ding mas malala pa ang sapitin ng sinumang mangahas na pumasok sa tree house lalo na kung hindi pa gaanong sanay gumamit ng kapangyarihan ang mangangahas.

Ayon sa narinig ko dati ay mga maharlika raw ang lumikha ng tree house sa Camelot Garden at sila rin ang naglagay ng kung anong mahika rito. Ito raw kasi ang nagsilbing tambayan at pahingahan ng mga maharlikang katulad namin noong nag-aaral pa sila sa akademya kung kaya tiniyak nilang walang ibang makakapasok dito kundi sila lamang at ang mga kalahi nila. Kung sino man sa mga maharlika ng bawat kaharian ang tinutukoy sa kuwentong narinig ko ay hindi ko na alam. Hindi na rin ako nag-abala pang alamin ang tungkol sa bagay na iyon dahil wala rin namang saysay kung aalamin ko pa iyon.

Dahil nga mga maharlika ang lumikha ng Camelot Garden ay hindi ito isang simpleng tree house lang. Kung titingnan sa labas ay maliit lang ito at tila hindi magkakasya ang tatlong tao. Ngunit sa oras na pumasok ka na sa loob ay mamamangha ka na lang sa kung anumang masasaksihan mo sa loob nito.

Ilang minuto pa akong nanatili sa tree house bago ko napagpasyang bumalik na sa aming silid-aralan para kulitin na naman si Athena na sa palagay ko ay abala na naman sa pangungulit niya kay Kaiden tungkol sa kagustuhan niyang makilala si Thea. Ewan ko nga kung bakit sobrang interesado si Athena kay Thea. Pero marahil ay gusto lamang niyang makita at makilala ang babaeng palaging bukambibig ni Kaiden.

Tinakbo ko na lamang ang daan patungong silid-aralan namin kahit pa medyo may kalayuan ito dahil ayokong lumabag sa kautusan ng konseho. Hindi rin naman ako natagalang marating ito kahit pa hindi ako gumamit ng anumang kapangyarihan o kakayahan. Kaya nga lang ay malayo pa lang ako sa aming silid-aralan ay napatigil na ako dahil sa eksenang naabutan ko. Mula sa malayo ay natanaw ko sina Athena at Kaiden na masayang nag-uusap malapit sa gusali ng ikaapat na antas.

“Sh*t! May balak pa yatang mang-agaw ang loko!” nasambit ko na lamang sa aking sarili saka muli akong nagpatuloy sa pagtakbo nang hindi ko inaalis ang tingin ko sa kanila upang bantayan ang bawat kilos ni Kaiden. Ngunit sa pagkakataong ito ay mas binilisan ko na ang pagtakbo ko para madali kong marating ang kanilang kinaroroonan.

Patuloy lamang ako sa walang tigil kong pagtakbo nang mabilis nang bigla na lamang akong may mabangga na tumama sa aking dibdib. At dahil sa lakas ng pagkakasalpok ko sa kaniya ay muntik pa siyang bumagsak sa sahig. Mabuti na lamang at agad ko siyang nahawakan sa baywang niya‚ dahilan para manatili siyang nakatayo.

Dali-dali naman akong tumungo upang kumustahin ang lagay ng nakabanggaan ko. Sa pagtungo ko ay saka ko lamang napagtantong nakayuko pala ang babaeng nakabanggaan ko na maaaring isa rin sa dahilan kung bakit namin nabangga ang isa’t isa kahit ang lawak naman ng daan.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon