CHAPTER 44: FAIRYLAND

1.8K 54 0
                                        

ALTHEA’S POV

Kasalukuyan akong nasa labas ng palasyo sa Mesh Kingdom kasama si Jane at hinihintay ko na lang ang karwaheng susundo sa ‘kin. Inabot lang kasi ng dalawang araw ang pagsasanay namin ni Jane dahil sa unang araw pa lang ay halos itinuro na niya lahat sa ‘kin. Kaya naman noong sumunod na araw ay panay lang ang lipad namin ni Jane para daw masanay na ako sa paggamit ng pakpak ko. Tinulungan niya rin akong sanayin ang iba ko pang abilidad.

Habang naghihintay kami sa karwaheng susundo sa ‘kin ay hindi ko naiwasang mapatanong sa aking sarili kung bakit kailangan pa ng karwahe gayong kaya ko namang mag-teleport kahit saan ko gusto. At para saan pa ang pagtulong sa akin ni Jane na sanayin ang kakayahan kong mag-teleport kung hindi ko rin naman ito magagamit?

May ilan pang katanungan ang biglang lumitaw sa isipan ko ngunit pinili ko na lamang na hindi na ito pansinin pa. Kung tutuusin kasi ay mabuti na rin siguro ito para sa ‘kin. Baka kasi manghina lang ako kapag sinagad ko ang paggamit ng kapangyarihan ko.

Nang sa wakas ay makita ko na ang karwaheng susundo sa ‘kin na papalapit na sa kinaroroonan namin ay agad na akong nagpaalam kay Jane. Mabilis namang nakalapit sa akin ang kutsero na agad-agad na bumaba mula sa kabayong sinasakyan nito upang alalayan akong sumampa sa karwahe.

Nang makasakay na ako ng karwahe ay matamis ko pang nginitian si Jane bago kami tuluyang umalis ng kaharian nila.

Inabot nang halos dalawang oras ang paglalakbay namin pabalik ng Sapience Kingdom dahil magkalayo pala ang palasyo nina Kaiden at Jane.

Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit hindi ako pinayagan ni Jane na mag-teleport. Hindi ko pa nga pala alam ang daan pabalik ng Sapience Kingdom dahil tuwing pupunta ako sa kaharian nila ay nag-te-teleport lang siya kasama ako. Kaya baka kung saang lupalop pa ako napunta kung sinubukan kong mag-teleport kanina.

Sa pagdating namin ng palasyo ng Sapience Kingdom ay agad na sumalubong sa amin ang tumatakbong si Kamila na abot-tainga ang ngiti. Pero bago pa man siya makalapit sa ‘min ay agad na akong bumaba ng karwahe at nakangiti kong hinintay na makalapit siya sa ‘kin.

“Ate Thea!” masayang tawag sa akin ni Kamila nang makalapit siya sa ‘kin saka mahigpit niya akong niyakap na para bang isang taon kaming hindi nagkita.

“Miss ba ako ng baby girl ko? Hmm?” naglalambing kong tanong habang ginugulo ko ang buhok ni Kamila.

Kagat-labing tumango si Kamila bilang sagot sa tanong ko na mas lalong nagpangiti sa ‘kin. Ngunit ang ngiting nakapinta sa labi ko ay agad ding naglaho nang bigla na lamang akong hilahin ni Kamila papasok ng palasyo.

Habang patuloy pa rin ang paghila sa akin ni Kamila patungo sa kung saang parte ng palasyo ay nakasalubong namin si Kaiden na panay lamang ang iling sa ginagawang paghila sa akin ng kapatid niya. Maging sina Tita Selena at Tito Rohan ay nakasalubong din namin at panay lamang ang tawa nila habang nanonood sa ginagawang pagkaladkad sa akin ng bunso nilang anak.

Tumigil lang si Kamila sa paghila sa ‘kin nang marating na namin ang silid niya. At nagulat na lamang ako nang bigla niyang ilahad sa harapan ko ang nakabukas niyang kamay na para bang may hinihingi siya sa ‘kin.

“Regalo ko?” tanong ni Kamila matapos niyang ilahad sa harapan ko ang nakabukas niyang kamay.

Hindi ko na napigilan pa ang matawa dahil sa pagiging atat ni Kamila na makuha ang ipinangako kong regalo sa kaniya.

“Ikaw talaga‚” naiiling kong sambit saka ko inalis sa pagkakasukbit sa balikat ko ang backpack na naglalaman ng lahat ng bahay na pinag-su-summon ko noong isang araw sa palasyo nina Jane at nakangiti ko itong iniabot kay Kamila. “O‚ ito.”

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon