ALTHEA’S POV
Gaya ng napag-usapan ay sabay kaming pumasok ni Ali. Ngunit hindi sa magkahiwalay na silid-aralan kundi sa iisang silid. Nakausap na kasi ni ate kahapon ang konseho matapos naming magpulong at naging maayos naman ang pag-uusap nila kung kaya ngayon ang unang araw ko sa huling antas kung saan magiging kaklase ko ang magpinsang baliw‚ ang malditang Trio‚ si Ali‚ sina Jane‚ Kaleb‚ Kaiden at Miss Carbon Copy. At dahil ito ang unang araw ko sa huling antas ay agad na nabaling sa amin ang atensyon ng aming mga kaklase nang sandaling makapasok kami ng silid.
Hindi ko naman sila masisisi kung mapalingon sila sa aming direksyon dahil agaw-pansin naman talaga ang pagpasok namin. E ikaw ba naman may kasamang gwapong nilalang tapos bitbit pa lahat ng gamit mo. At hindi lang ‘yon. Pati ang isang kamay ko ay bitbit niya rin at kahit pa pinagbubulungan na kami ay ayaw pa rin niyang bitiwan ang kamay ko.
‘Hindi ba siya ‘yong Thea?’
‘Anong ginagawa niya rito?’
‘Yieee! Ang sweet naman ni Ali!’
‘Sila na ba?’
‘Magiging kaklase na ba natin siya?’
Marami pa akong narinig na bulung-bulungan at mga impit na tili ngunit mas pinili ko na lamang na hindi na ito pansinin lalo na’t may naramdaman akong dumaan sa gilid ko na sa hinuha ko ay ang aming guro. At nang sundan ko ito ng tingin ay hindi nga ako nagkamali dahil agad itong pumuwesto sa unahan at humarap sa buong klase matapos niya kaming sabihan ni Ali na maupo na.
Dahil sa pagdating ng aming guro ay agad na kaming dumiretso ni Ali sa upuang inookupa niya na bankante ang dalawang katabing upuan na kung hindi ako nagkakamali ay dating inuupuan nina Luca at Nikolai. Pero ngayon ay nasa likuran na ang magpinsan habang nasa unahan naman namin sina Vera. Ang umuokupa naman sa katapat naming upuan ay sina Kaiden‚ Jane at Kaleb habang nasa harapan naman nila si Miss Carbon Copy na ang samang makatingin sa ‘kin.
‘Tch! Agaw-eksena!’ rinig kong bulong ni Miss Carbon Copy na may kasama pang pag-irap bago niya itinuon sa harapan ang tingin niya dahil nagsisimula nang magturo ang aming guro.
Maging ako ay itinuon ko na rin sa harapan ang tingin ko. Ngunit kahit pa diretso lamang ang tingin ko ay hindi pa rin nakaligtas sa paningin ko ang malagkit na tinging ipinupukol sa akin ni Kaiden at ang nagtatakang tingin nina Kaleb at Jane. Pero sa halip na pansinin ko pa ito ay umakto na lamang akong hindi ko napapansin ang mga titig nila at nagkunwari na lamang akong nakikinig sa aming guro kahit pa wala naman talaga roon ang atensyon ko. Sa halip kasi na makinig sa aming talakayan na maaari ko namang matutunan sa ibang paraan ay minabuti ko na lamang na gumawa ng mind link sa pagitan naming pito—ako‚ si Ali‚ ang Trio at ang magpinsan—para maaari kaming mag-usap-usap nang walang nakakapansin o nakakarinig. Bukod kasi sa hindi pwedeng malaman ng iba ang pinaplano namin ay hindi rin ako maaaring makitang nakikipag-usap sa Trio dahil iyon ang maglalaglag sa ‘kin at sisira ng plano.
‘K‚ gusto mo dukutin ko na ang mata ng impostor mo? Wagas makairap e. Akala mo naman kung sinong maganda‚’ iritang sabi ni Vera na hindi na makapagtimpi at panay na ang irap sa direksyon ni Miss Carbon Copy.
Mahina na lamang akong natawa sa inasal ni Vera habang iiling-iling kong pinanonood kung paano niya patuloy na iniirapan si Miss Carbon Copy.
‘Let her be. Saka‚ Vera‚ baka nakakalimutan mong mukha ko ‘yong nakikita mo sa kaniya ngayon. Hindi ako kagandahan gano’n?’ mataray kong tanong kay Vera para asarin siya.
Rinig ko ang mahinang pagtawa nina Ali‚ Luca‚ Nikolai‚ Penelope at Ember matapos kong tarayan si Vera samantalang saglit namang napaisip si Vera bago siya natauhan.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasíaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
