ALTHEA’S POV
Kinabukasan ay tinanghali na ako ng gising dahil sa labis na pagod at panghihina. Kaya naman ay hindi ko na nagawa pang mag-unat ng kamay. Agad akong pabalikwas ng bangon at natataranta akong tumakbo palapit sa pinto ng aking silid para bumaba para sa aming pagpupulong. Ngunit nang hahawakan ko na sana ang hawakan ng pinto para hilahin ito pabukas ay bigla akong natigilan nang bigla kong mapagtantong may kakaiba sa repleksyon ko sa malaking salamin malapit sa pinto nang madaanan ko ito.
Hindi ako maaaring magkamali sa nahagip ng paningin ko. Parang... Parang may napansin akong kakaiba kanina sa repleksyon ko. Parang... may nagbago...
‘May kakaiba nga ba sa repleksyon mo o namalikmata ka lang dahil kagisising mo lang?’ tanong ng isang maliit na boses sa isip ko na nagpaisip sa ‘kin. Ngunit sa halip na sagutin o kontrahin ko pa ang boses na iyon sa isip ko ay pinili ko na lamang na dahan-dahang maglakad paatras para balikan ang malaking salaming nadaanan ko kanina na nasa pagitan ng pinto at dressing table.
Habang panay ang atras ko para balikan ang salaming nadaanan ko ay unti-unti kong naramdaman ang biglang pagkabog nang malakas ng dibdib ko sa hindi ko malamang dahilan. Kaya naman ay kinailangan ko pang pumikit at huminga nang malalim para kalmahin ang puso kong ayaw paawat sa pagkabog na para bang nakikipagkarerahan ito.
Nanatili lamang akong nakapikit kahit na noong tumigil na ako sa tapat ng salaming sadya ko. Ngunit kahit na narating ko na ang sadya ko ay hindi pa rin ako kaagad dumilat. Nagpakawala pa muna ako ng malalim na buntong-hininga bago ko dahan-dahang iminulat ang mga mata ko.
Nang sandaling imulat ko ang mga mata ko at matuon ang tingin ko sa sarili kong repleksyon sa salamin ay agad na namilog ang mga mata ko kasabay ng pag-awang ng bibig ko.
‘Totoo ba itong nakikita ko? O nananaginip pa rin ako hanggang ngayon?’ naitanong ko na lamang sa aking sarili habang halos lumuwa na ang mata ko dahil sa bumungad sa akin pagkamulat ko.
Habang nagtatalo pa rin ang isip ko kung totoo ba ang nakikita ko o ito’y panaginip lang ay nanatili lamang akong nakatitig sa repleksyon ko sa salamin na halos hindi ko na makilala dahil sa naging pagbabago nito. Ang dati kasing kulay abo kong mga mata ay biglang naging kulay ginto at ganoon din ang buhok ko. Ang nakakamangha pa ay kumikinang pa ang mga ito kaya sobrang nakakaakit itong pagmasdan.
“Ang ganda‚” wala sa sariling sambit ko habang hindi pa rin maalis-alis ang tingin ko sa repleksyon ko sa salamin.
Habang namamangha ko pa ring pinagmamasdan ang repleksyon ko sa salamin ay may bigla akong napagtanto. Ngayong sumapit na ang kaarawan ko at lumitaw na ang tunay na kulay ng mata at buhok ko ay naging malinaw na sa akin kung bakit sagana sa ginto ang aming mundo. Gold symbolizes power. At ito ngayon ang kulay ng mata at buhok ko dahil sa halo-halo kong kapangyarihan at kakayahan.
Matapos kong mapagtanto ang sinisimbolo ng ginto na siya ngayong kulay ng mata at buhok ko ay bigla na lamang sumagi sa aking isipan ang naging paghaharap namin ng mga diyos at diyosa kung saan ay sumabog ang inihandog nila sa aking regalo na sinundan ng biglang pagkirot at pagliwanag ng batok ko. At dahil dito ay biglang nabuhay sa dugo ko ang kagustuhang alamin kung ano ang bagay na nagliwanag sa batok ko. Kaya naman ay dali-dali akong lumapit sa salamin at nang makalapit ako rito ay agad akong tumalikod at maingat kong hinawi ang kulay ginto kong buhok na nakalugay na gayong naiwan ko itong nakapusod kagabi.
Nang sandaling mahawi ko ang buhok ko ay agad na tumambad sa salaming nasa aking likuran ang isang nagliliwanag na marka sa aking batok. Isa itong gintong espada na napapalamutian ng mga bulaklak.
Wait... Gintong espada na napapalamutian ng mga bulaklak?Bakit parang pamilyar? Bakit parang nabasa‚ nakita o narinig ko na ito? Pero saan at kailan?
Dahil sa reyalisasyong pamilyar sa akin ang nagliliwanag na markang nasa batok ko ay agad akong napaisip sa kung saan at kailan ko ito maaaring nakita‚ nabasa o narinig. At hindi naman ako nahirapang alalahanin iyon dahil agad na nanariwa sa aking isipan ang mga nakita at nabasa ko sa gintong aklat nang minsang pumunta ako ng library.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
