ALTHEA’S POV
Nang iuwi namin kagabi sa palasyo si Kaizer ay dumiretso kami ni Ali sa silid ni Kaizer na nasa tagong bahagi ng palasyo. At ilang oras lamang matapos naming maihiga si Kaizer sa kama niya habang nakakulong pa rin siya sa yelong gawa ko ay wala na akong naramdaman pang sakit o kirot sa katawan. Ramdam ko ring bumalik na ang lakas ko. Kaya naman ay agad kong pinatakan ng sariwa kong dugo ang yelong pinagkulungan ko kay Kaizer. At nang gumana na sa wakas ang kakayahan kong manggamot at nang maghilom na ang sugat ni Kaizer ay nanghihina na lamang akong napaupo sa upuang nasa gilid ng kama habang nag-uunahan na sa pagtulo ang mga luha ko. At nanatili ako sa ganoong ayos sa loob nang ilang minuto bago ko pinahid ang mga luha ko at bago ko malungkot na pinagmasdan ang natutulog na si Kaizer.
Lumipas ang mga oras na wala akong ibang ginagawa kundi ang titigan lang si Kaizer habang tahimik lang namang nakaupo at nakatayo sa iba’t ibang sulok ng silid ang Trio‚ sina ate‚ Ali‚ Luca‚ Nikolai‚ Yael‚ Flor‚ Luna‚ Kaiden‚ Kaleb at Jane na pare-pareho ring walang tulog at pahinga tulad ko. At habang tinititigan ko ang maamong mukha ni Kaizer ay hindi ko maiwasang makaramdam ng awa sa kaniya.
Naaawa ako sa kapatid ko dahil buong buhay niya ay nagtago siya mula sa lahat para lamang maging ligtas. Naaawa rin ako sa kaniya dahil mukhang wala siyang alam sa nangyari kina ina at ama dahil maging sa kaniyang pagtulog ay paulit-ulit niyang tinatawag sina ina at paulit-ulit din siyang humihingi ng tawad sa kanila sa hindi ko malamang dahilan.
Oo‚ naaawa ako sa kapatid ko pero mas nangingibabaw sa akin ang sakit at galit. Nasasaktan ako para kay Kaizer dahil masyado na siyang maraming hirap na pinagdaanan. At nagagalit ako dahil ginamit siya ng mga kalaban laban sa ‘kin. Ang masaklap pa ay hindi lang siya basta ginamit ng mga kalaban. Ginawa pa siyang pinuno ng mga ito na lubha kong ikinagagalit. Sino ba naman kasing hindi magagalit kung malalaman mo na iyong kapatid mong napakabait at napakamasayahin ay pinalaki ng kung sino sa kasamaan? Pero hindi pa naman siguro huli ang lahat‚ hindi ba? Maaari ko pa namang itama at ilagay sa ayos ang lahat. At para gawin iyon ay kailangang ipagkaloob ko kay Kaizer ang kalayaang dapat ay matagal na naming ibinigay sa kaniya. At kasabay ng pagkakaloob ko sa kaniya ng kalayaan niya ay sisikapin ko ring iparanas sa kaniya ang normal na buhay pagkagising na pagkagising niya. At para mangyari ‘yon ay kailangan kong ibunyag sa lahat kung sino talaga siya. Iyon lang ang paraan para maging malaya siya. Iyon lang ang paraan para hindi na niya kailangan pang magtago.
“Yana?” halos pabulong na sambit ng kung sino na nakapukaw ng atensyon ko‚ dahilan para ilang ulit akong mapakurap.
Matapos ang ilang ulit kong pagkurap ay bigla akong natauhan at doon ko lamang napansing gising na si Kaizer. Kaya naman ay dali-dali kong iniusog ang upuan ko palapit sa kama at maingat kong hinawakan ang kaliwang kamay ni Kaizer gamit ang dalawa kong kamay saka puno ng pag-aalala ko siyang tiningnan.
“Ayos ka na ba‚ Kai? Wala bang masakit sa ‘yo? May kailangan ka ba? Anong gusto mo?” sunod-sunod kong tanong kay Kaizer dahil sa labis na pag-aalala at pagkataranta.
“Thea‚ paano sasagot ‘yan‚ e ang dami ng tanong mo‚” natatawang wika ni Ali na kanina pa nakatayo sa gilid ko.
Agad ko namang naitikom ang bibig ko dahil sa sinabi ni Ali at pinili ko na lamang na manahimik nang mapansin kong parang may sasabihin si Kaizer.
“Sina ama at ina?” agad na tanong ni Kaizer na mas lalong ikinatikom ng bibig ko.
Dahil sa tanong ni Kaizer na hindi ko napaghandaan ay ilang segundo akong nawalan ng imik. Ngunit nang mapansin kong inaabangan ni Kaizer ang sagot ko ay napahugot na lamang ako ng malalim na hininga bago ko sinagot ang tanong niya.
“Ikinalulungkot ko ngunit matagal na silang wala. Nagbuwis sila ng buhay sa naganap na digmaan sampung taon na ang nakararaan‚” malungkot kong tugon habang inihahanda ko na ang sarili ko sa biglang pag-iyak ni Kaizer. Ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay hindi nangyari ang inaasahan kong reaksyon niya. Sa halip kasi na umiyak siya o malungkot ay kumunot ang noo niya na para bang may nasabi akong hindi niya maintindihan.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
Viễn tưởngIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
