CHAPTER 91: THE ONLY SOLUTION

1.4K 47 0
                                    

ALTHEA’S POV

Ilang saglit lamang matapos kong makatulog ay muli na naman akong nagising sa Kingdom of Athens. Ngunit ang kaibahan lang ay walang mga diyos at diyosa na sumalubong sa akin kaya napilitan pa akong magliwaliw para lang hanapin kung saang lupalop ng napakalaking palasyo sila naroon. At dahil sa laki ng palasyong kanilang tinitirhan ay natagalan akong mahanap sila. Laking pasasalamat ko na lang talaga at nasa dining hall lang pala silang lahat at masayang nagsasalo-salo sa napakahabang mesa na puno ng sari-saring pagkain kaya hindi ko na kinailangan pang hanapin sila isa-isa.

“Oh. Kiana‚ narito ka pala. Halika‚ saluhan mo kami‚” masayang alok sa akin ng goddess of beauty.

“Hindi na ho. Salamat na lang‚” pagtanggi ko sa alok ng goddess of beauty dahil hindi naman pagkain ang ipinunta ko sa kanilang kaharian.

Sinadya ko ang mga diyos at diyosa sa Kingdom of Athens para humingi sa kanila ng tulong dahil sila lang ang tanging makakatulong sa ‘kin. At wala akong panahong makisalo pa sa kanila dahil anumang oras ay maaaring kumilos si Luciana para humanap ng bago niyang mabibiktima.

“Sige na‚ Kiana‚ maupo ka na. Saluhan mo kami. Masama ang tumatanggi sa grasya‚ sige ka‚” muling alok sa akin ng god of wealth sa nagbibirong tono.

Saglit akong nawalan ng imik at isa-isa kong tinapunan ng tingin ang mga diyos at diyosang kaharap ko. At nang makita kong lahat sila ay sinisenyasan akong saluhan sila ay hindi na ako nakatanggi pa sa alok nila dahil mukhang hindi naman nila ako tatantanan hangga’t hindi ako pumapayag. Saka ayoko rin namang lumabas na feeling VIP o pa-hard to get kaya ayos lang naman siguro kung saglit kong isantabi ang dahilan kung bakit ako nagpunta sa kanilang kaharian. At para pagbigyan ang mga diyos at diyosa ay agad akong lumapit sa hapag-kainan at inokupa ko ang isa sa tatlong bakanteng upuan sa gilid nito.

Pinili kong okupahin ang upuang nasa kaliwang panig ng mahabang mesa sa tabi ng god of love.

Nang makaupo ako sa tabi ng god of love ay agad na kaming nagsalo-salo. Noong una ay tahimik lamang kaming lahat na kumakain ngunit nang magtagal ay nagkakatawanan na kami habang panay ang aming kuwentuhan. In-enjoy ko na lang din naman ang aming salo-salo kahit na medyo naiilang na ako dahil masyadong mahinhing kumilos ang mga kasalo ko. At para hindi ako maging outcast at dahil nakakahiya rin namang hindi makisabay sa kanila ay binagalan ko na rin lang ang pagkain ko.

Nang matapos kaming kumain ay niyaya ako ng mga diyos at diyosa patungo sa throne room kung saan may labing-isang trono ang magkakahilera. Ngunit bukod-tangi sa lahat ang nasa pinakagitnang trono. Purong ginto rin ito tulad ng sampung tronong kahilera nito ngunit higit na mas nakakaakit itong tingnan dahil sa mga disenyo nitong kumikinang na kristal sa itaas na bahagi ng sandalan na hindi ko na mabilang kung ilan sa dami nito. Samantalang ang sampung trono naman na nasa magkabilang gilid nito ay tig-iisang kristal lang ang disenyo at ang mga kulay nito ay nagtutugma sa kulay ng mga mata ng mga diyos at diyosa.

Teka... Hindi kaya kapangyarihan ang isinisimbolo ng mga makukulay na kristal na nasa sandalan ng upuan? Bigla ko lang kasing naalala na ang kulay ng mata at buhok ng isang charmer o deity ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay niya. Kaya hindi malabong ito rin ang sinisimbolo ng mga kristal sa upuan dahil kakulay rin naman ito ng mga mata ng mga diyos at diyosa. Pero kung iyong sampung upuan ay para sa mga diyos at diyosa na kasama ko ngayon‚ kanino naman iyong isa? At bakit napakaraming kristal ang nakadisenyo rito? Ibig bang sabihin nito ay mas makapangyarihan sa mga diyos at diyosa ang may-ari ng upuang nasa gitna ng sampung upuan?

“Ano nga palang ipinunta mo rito?” tanong ng god of fire na nakapukaw ng atensyon ko at nagpakurap-kurap sa akin nang ilang ulit bago ko hinanap ang may-ari ng boses na natagpuan kong nakaupo na sa isa sa mga tronong nasa aking harapan.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon