ALI’S POV
Dahil hindi pa naman ako dinadalaw ng antok ay naisipan kong pumunta sa balkonahe sa ikalawang palapag upang makalanghap ng sariwang hangin. At hindi naman ako nabigo dahil agad akong sinalubong ng malamig na simoy ng hangin pagtapak ko pa lang sa balkonahe kung kaya napapikit na lamang ako upang damhin ang sariwang hanging sumalubong sa akin.
Matapos kong ipikit ang mga mata ko ay nakaramdam ako ng kapayapaan. Ngunit agad ding naputol ang pakiramdam kong iyon nang biglang sumagi sa isipan ko ang sinabi noon ni Thea noong una kaming magkita sa Magical Forest.
‘Sa pag-ibig ay normal lang ang may nananalo at may natatalo dahil para itong isang sugal. Pero hindi na mahalaga kung matalo ka dahil ang tanging mahalaga lang ay natalo ka nang lumalaban kaysa naman matalo ka nang walang kahit anong ginagawa. Saka hindi naman ‘yan kompetisyon na kailangang palaging ikaw ang mananalo. Minsan ay kailangan mo ring magparaya. Kaya kung may mahal ng iba ang taong mahal mo ay kailangan mo itong tanggapin at hayaan siya kung saan siya masaya dahil ang taong tunay na nagmamahal ay handang magsakripisyo at magpaubaya para sa ikaliligaya ng taong mahal niya.’
Dahil sa biglang pagsagi sa isipan ko ng mga katagang binitiwan ni Thea sa akin noong magkausap kami sa Magical Forest ay agad akong napamulat nang wala sa oras. At sa pagmulat ko ay may bagay akong napagtanto... Tama lahat ng sinabi ni Thea sa akin noon. Hindi nga mahalaga kung manalo o matalo ako sa pagsugal ko sa pag-ibig. Mas mahalaga pa rin ang kaligayahan niya na tiyak kong kay Kaiden niya lamang makakamtan. Ngunit kung iisipin ay hindi naman talaga ako natalo dahil kahit hindi ako ang laman ng puso ni Thea ay masaya pa rin naman akong naging parte ako ng buhay niya kahit bilang isang kaibigan lang. At tanggap ko na ‘yon. Pero kahit na tanggap ko na ang papel ko sa buhay ni Thea ay siguro’y dapat ko pa ring sabihin sa kaniya kung gaano ko siya kamahal para hindi ko na ito kailangan pang ilihim at sarilinin.
Sana lang talaga ay hindi sayangin ni Kaiden ang gagawin kong pagpaparaya at sana’y hindi niya saktan si Thea dahil sa oras na paiyakin o saktan niya si Thea ay ako mismo ang makakalaban niya at hindi ako magdadalawang na ilayo sa kaniya ang babaeng mahal ko.
“Ali?” patanong na sambit ng isang boses mula sa aking likuran na nagpapihit sa akin paharap sa nagsalita.
Sa pagpihit ko paharap sa nagsalita ay agad na gumuhit ang masayang ngiti sa mga labi ko nang si Thea ang bumungad sa akin.
“Thea‚ ikaw pala‚” nakangiting salubong ko kay Thea ngunit agad ding nawala ang ngiti ko nang maalala kong malalim na nga pala ang gabi at dapat ay natutulog na siya. “Teka. Bakit gising ka pa?” nagtatakang tanong ko sa kaniya.
“Hindi ako makatulog e. Ikaw ba?” tugon ni Thea habang tinatawid niya ang distansyang aming pagitan. At nang makalapit siya sa kinaroroonan ko ay agad siyang tumabi sa ‘kin at nakakrus ang brasong humarap siya sa ‘kin kaya naman ay napapihit ulit ako paharap sa balustrada at ipinatong ko sa dalaydayan ang magkabila kong kamay ngunit naiwan kay Thea ang tingin ko.
“Hindi rin ako makatulog‚” sagot ko at tipid kong nginitian si Thea bago ko itinuon ang atensyon ko sa tanawing nasa aming ibaba.
“Ano na ang plano mo ngayong nakakaalala ka na?” pagbubukas ko ng usapan nang saglit kaming balutin ng katahimikan at agad akong lumingon kay Thea para abangan ang magiging sagot niya.
Malalim na napabuntong-hininga si Thea sa tanong ko at tumingala pa muna siya upang tanawin ang nagliliwanag na mga bituin sa langit bago siya sumagot.
“Gusto ko munang malaman kung sino ang impostor na nagpakilala bilang ako at kung sinong nagpadala sa kaniya. Gusto ko ring malaman kung bakit niya ito ginagawa‚” matamlay na tugon ni Thea habang tinatanaw pa rin niya ang mga bituing siyang nagsisilbing liwanag sa madilim na gabi.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
