ALTHEA’S POV
Bigla akong nagising mula sa aking pagkakatulog nang may maramdaman akong presensya na palapit sa kinaroroonan ko. At upang alamin kung sino ang may-ari ng presensyang naramdaman ko ay dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko.
Pagkadilat ko ng mata ko ay muli rin akong napapikit nang mariin nang mabigla ako sa liwanag. Ngunit ilang segundo lamang ay nagawa ko nang magmulat nang tuluyan. Kaya naman ay dali-dali kong inilibot ang tingin ko sa paligid upang alamin kung nasaan ako bago ko alamin kung kaninong presensya ang naramdaman ko kanina.
Sa paggala ko ng aking tingin sa paligid ay agad kong napagtantong nasa bahay pa rin ako sa mismong tapat ng pinto‚ nakatali sa isang upuang sa palagay ko ay galing sa kusina habang may kung anong tela ang nakatakip sa bibig ko. Nakatayo si Luna sa bandang harapan ko habang nakatingin sa may pinto na para bang inaabangan niya ang pagsulpot ng may-ari ng presensyang aking naramdaman.
Matapos kong mapagtanto ang kasalukuyan kong sitwasyon ay wala sa sariling nagbaba ako ng tingin at ganoon na lamang ang tuwa ko nang mapansin kong maluwag ang pagkakatali ng lubid sa baywang at kamay kong nasa likuran ng upuan. Bukod dito ay wala ring kahit anong tali sa mga paa ko na nagpaisip sa ‘kin.
Ibig bang sabihin nito ay mas pinili ni Luna na pagkatiwalaan ako? Kahit naman kasi ginawa pa rin ni Luna ang balak niyang isuko ako sa mga kalaban kapalit ni Leo ay siniguro pa rin niyang makakatakas ako mula sa pagkakatali ko anumang oras ko naisin.
Hindi nga ako nagkamali ng tingin kay Luna. Isa siyang tunay na kaibigan at gagawin niya kung ano ang tama. Tiyak na nadala lamang siya ng emosyon niya noong una kung kaya naisipan niya akong traidorin.
Pinangunahan lang din siguro si Luna ng takot niya noon dahil ayaw niyang mawala si Leo. Ngunit kung tutuusin ay wala namang kailangang mawala. At sa sitwasyon ko ngayon ay tinitiyak kong walang magsasakripisyo sa amin ni Leo dahil pwedeng-pwede akong kumawala mula sa pagkakatali ko anumang oras. At kapag nakawala na ako ay madali lamang para sa akin ang labanan ang sinumang makakaharap ni Luna na siyang may hawak kay Leo. Madali na rin para sa amin ang magtungo sa lagusan gamit ang kakayahan kong mag-teleport. At kahit pa may humarang o pumigil sa amin na makabalik sa aming mundo o kahit pa may nag-aabang na kaaway sa aming pagbabalik ay madali lamang namin silang mapapabagsak dahil hindi na lang naman kami nina Luna at Ali ang makakalaban nila. Pati sina mommy at daddy ay tiyak kong makakalaban din nila lalo na’t dating kawal ng palasyo si daddy.
Wait... Speaking of mom and dad... where are they? Are they okay? And where’s Ali? Is he now awake?
Matapos sumagi sa isip ko sina mommy‚ daddy at Ali ay agad akong gumawa ng mind link sa pagitan namin ni Luna at siniguro kong hindi ito mapapasok ng lalaking papasok ng bahay na nakasuot ng itim na cloak na nakababa ang talukbong. Ngunit kahit na hindi natatakpan ang kaniyang mukha ay hindi ko pa rin magawang makilala ang lalaking papasok ng bahay dahil ito ang unang beses na nakita ko siya. Ngunit may pakiramdam akong hindi ito ang unang beses na nagkaharap kami na siyang hindi ko maintindihan. Pero sa halip na isipin ko pa kung bakit tila pamilyar siya sa akin ay mas pinili ko na lamang na kausapin si Luna sa pamamagitan ng mind link na ginawa ko.
‘Luna‚ nasaan sina mommy?’ tanong ko kay Luna gamit lamang ang aking isip habang nakatuon pa rin ang tingin ko sa lalaking naka-cloak na tuluyan nang nakapasok ng bahay at ngayon ay nakangisi na akong pinagmamasdan.
‘Huwag kang mag-alala‚ ligtas sila. Nasa pangangalaga sila ni Ali‚’ tugon ni Luna na ikinahinga ko nang maluwag.
Ngayong alam ko nang magkakasama sina mommy‚ daddy at Ali ay panatag na ako. Tiyak kasi na anuman ang mangyari ay hindi ni Ali pababayaan ang mga magulang ko at gagawin niya ang lahat para maprotektahan sila.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...