CHAPTER 97: THERE IS STILL HOPE

2.1K 52 0
                                        

ALTHEA’S POV

Dalawang taon na ang lumipas magmula nang ialay ko ang sarili kong buhay sa ritwal. At dalawang taon na rin mula noong mangako ako sa lahat na magbabalik ako pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito natutupad.

Sa dalawang taong lumipas ay nasa Kingdom of Athens lamang ako kasama ang mga diyos at diyosa. At walang araw na hindi ako umisip ng paraan kung paano ko tutuparin ang pangakong binitiwan ko. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong maisip at magawang paraan para makabalik sa mundo ng mga buhay. Sinubukan ko na ring hingin ang pahintulot ng mga kasama kong mga diyos at diyosa pero ayaw nila akong payagan sa hindi ko malamang dahilan. Pero sa kabila ng pagkabigo kong makahanap ng paraan para makabalik sa loob ng dalawang taon ay hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na makababalik ako sa mundong iniwan ko. Saka nangako ako sa lahat ng naiwan ko kaya kailangan ko itong tuparin kahit na anong mangyari.

Noong maglaho ako sa paningin ng lahat matapos ang ritwal ay napunta ako sa Kingdom of Athens. Noong una ay naguguluhan pa ako kung bakit ako napunta sa kaharian ng mga diyos at diyosa noong maglaho ako dahil buong akala ko ay iyon na ang katapusan ko. Pero sa paglipas ng panahon ay nalaman at naunawaan ko rin ang dahilan kung bakit ako napadpad sa kaharian ng mga diyos at diyosa sa halip na sa mundo ng mga kaluluwa. Hindi raw kasi talaga ako totoong namatay. Ang katawang-lupa ko lamang ang kinuhang alay. At dahil wala na akong katawang-lupa ay malamang na hindi na rin naman ako mabubuhay. Saan ka ba naman kasi nakakita ng buhay na walang katawan?

So‚ ayon nga. Hindi ako namatay. Binawi lang ang hiram kong katawang-lupa at napunta lamang ang kaluluwa ko sa Kingdom of Athens nang mawalan ako ng katawang-lupa. At ayon sa mga diyos at diyosa ay napunta ako sa Kingdom of Athens upang tulungan sila sa pangangalaga sa mga charmer. Ngunit ang nakakagulat sa lahat ay ang rebelasyon nilang para pala sa akin ang magarang trono na nasa pinakagitna ng sampung trono. Pero nang ipaalala nila sa akin na may dugo ako ng isang diyosa dahil kay ina at taglay ko ang mga kapangyarihang taglay ng mga diwata at ng mga diyos at diyosa ay bigla ko ring napagtanto na maaari ngang isa rin akong diyosa. Pero kahit na gano’n ay hindi ko pa rin mapaniwalaang itinuturing nila akong higit na nakakataas sa kanila para ilaan nila sa ‘kin ang magarang trono bago pa man ako isilang.

Sa kasalukuyan ay ako ang itinuturing ng mga diyos at diyosa na pinuno nila dahil ako nga raw ang makapangyarihan sa lahat. At syempre‚ tutol ako ro’n dahil wala naman akong balak na manatili sa kanilang kaharian. Ngunit wala akong nagawa kundi ang tanggapin na lang din ang tungkuling ibinibigay nila sa ‘kin dahil wala rin namang saysay kung kumontra ako. Para kasi silang konseho sa Kingdom of Athens at sa kanilang pagpapasya ay isinasaalang-alang nila ang opinyon at desisyon ng lahat o ng nakararami. At ang lagay ay lahat sila sang-ayon dito at ako lang ang hindi kaya wala akong laban.

Kasama rin namin sa Kingdom of Athens si Lucy‚ ang goddess of light‚ dahil buong-puso siyang tinanggap ng mga diyos at diyosa na katulad niya—namin. Wala naman kasing dahilan para hindi siya tanggapin ng mga diyos at diyosa dahil isa rin siyang diyosa at matagal na niyang pinagsisihan ang nagawa niyang pagkakamali.

Ang kakambal naman ni Lucy na si Luciana ay pinatawan ng mabigat na parusa dahil sa kasamaang pinaggagagawa niya lalong-lalo na sa pangdadamay niya sa mga inosenteng nilalang. Mabigat ang parusang ipinataw sa kaniya dahil malaking kasalanan ang ginawa niya dahil bilang isang diyosa ay tungkulin niya na pangalagaan ang Fantasia at ang mamamayan nito. Ngunit siya pa mismo ang naging dahilan ng pagkasawi ng marami at hinati pa niya sa dalawang grupo ang mga mamamayan ng Fantasia. Kaya bilang parusa ay inalisan siya ng kapangyarihan kaya hindi na siya maituturing pang isang diyosa. Ngunit hindi nagtatapos doon ang parusang ipinataw sa kaniya sa laki ng kasalanan niya.

Hindi lamang basta inalisan ng mga diyos at diyosa ng kapangyarihan si Luciana. Inalisan din siya ng alaala‚ ipinatapon sa mundo ng mga tao at ginawang mortal. Ngunit sa kabila ng lahat ng nagawa ni Luciana ay isa pa rin siyang mamamayan ng Fantasia na dapat ay pinangangalagaan naming mga diyos at diyosa. Saka naniniwala kaming lahat ng mga nasa Kingdom of Athens na lahat ng makasalanang nilalang ay may pagkakataon pang magbago gaano man ito kasama. Kaya sa halip na bigyan si Luciana ng miserableng buhay bilang isang mortal ay binigyan namin siya ng pagkakataong mabuhay nang masaya. Kaya naman ay masaya na siya ngayong namumuhay bilang isang mortal sa mundo ng mga tao kasama ang kaniyang pamilya at ang kaniyang kambal na anak na babae na mortal din katulad niya.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon