KAIDEN’S POV
Kanina pa ako tahimik na nakatanaw sa Magical Falls at mag-isang pinanonood ang pagbagsak ng tubig mula sa mataas na parte ng talon patungo sa mababang parte. Hindi ko na sinundan pa si Thea papuntang Enchanted Garden kahit pa alam kong doon siya nagpunta dahil alam kong kailangan niya ng space matapos ang nangyari sa kaniya kahapon. Alam ko rin namang nainis siya sa ginawa kong paghalik sa kaniya nang walang pahintulot. Pero ginawa ko lang naman ‘yon para patahimikin siya. Ngunit hindi ko rin naman siya masisisi kung mainis o magalit siya sa ‘kin dahil tumagal din ng ilang minuto ang halik na iyon.
Hindi ko naman intensyon na patagalin ang halik na iyon. Hindi ko lang talaga nagawang dumistansya kaagad sa kaniya dahil sa kakaibang emosyong naramdaman ko nang sandaling maglapat ang mga labi namin. Hindi ko matukoy o maipaliwanag kung ano ang emosyon na iyon. Ang alam ko lang ay biglang tumigil ang oras nang mga sandaling iyon at wala akong ibang makita kundi siya na tila ba kami lang ang taong nag-e-exist sa mundong aming nilikha.
Hindi ko rin ikakailang muntik ko nang hawakan ang likod ng ulo ni Thea para palalimin ang halik na pinagsaluhan namin. Mabuti na lamang talaga at agad akong nakadistansya sa kaniya bago pa man lumalim ang halik na kapwa hindi namin inaasahan.
Nang tumagal pa ang pananatili ko sa Magical Falls ay unti-unti na akong nakaramdam ng pagkainip at doon ko lamang napagtantong mag-iisang oras na palang wala si Thea.
Luminga-linga ako sa paligid sa pagbabaka sakaling makikita ko si Thea na pakalat-kalat malapit sa kinaroroonan ko ngunit wala ni anino niya. Marahil ay naroon pa rin siya sa Enchanted Garden hanggang ngayon.
Napagpasyahan kong puntahan na si Thea sa Enchanted Garden sa halip na maghintay lamang ako sa pagdating niya sa Magical Falls.
Nilakad ko lamang ang daan patungo sa kinaroroonan ni Thea sa halip na mag-teleport ako. Sa ganitong paraan kasi ay hindi ko magugulat si Thea sa bigla kong pagsulpot at madadagdagan pa ang oras niya nang mag-isa na tiyak kong kailangang-kailangan niya. Ngunit ako pa ang nagulat sa sumalubong sa akin pagdating ko sa Enchanted Garden. Hindi kalayuan sa akin ay naroon sina Kaleb at Thea. Magkaharap sila at hawak nila ang kamay ng isa’t isa.
Hindi ko na napigilan pa ang pagkuyom ng kamao ko sa hindi ko malamang dahilan kasabay ng unti-unting pag-iinit ng mata ko na senyales na nagiging pula na ang kulay ng mata ko.
‘D*mn that jerk. He doesn’t have the right to hold Thea’s hand!’ sigaw ng isang bahagi ng isip ko na hindi ko na malaman pa kung anong pinanggagalingan.
Kahit na gustong-gusto kong sugurin si Kaleb at ihilaway ang braso niya sa katawan niya ay pinili ko na lamang na magpigil at panoorin sila mula sa malayo. Tiyak ko kasing mas lalo lang lalala ang pagkayamot sa akin ni Thea kung basta na lang akong susugod upang guluhin sila.
“Ikaw pala si Thea‚ ang transferee na kauna-unahang tumalo sa Trio na naninirahan sa Sapience Kingdom‚” may himig ng paghangang wika ni Kaleb na hindi ko na ikinagulat pa dahil sa akin niya mismo nalaman ang tungkol sa bagay na iyon.
“Paano mo nalaman ang tungkol do’n?” puno ng pagtatakang tanong ni Thea na halatang walang kaide-ideya na maaaring kumalat ang balita tungkol sa ginawa niyang pagtalo sa Trio.
“Sabihin na lang natin na may kakilala akong charmer na walang ibang bukambibig kundi ang pangalan mo‚” nakangising tugon ni Kaleb at saka lamang niya binitiwan ang kamay ni Thea na hindi ko malaman kung sinadya niya bang hindi bitiwan agad o sadyang hindi niya lang namalayan na kanina pa niya hawak ang kamay ni Thea.
Alinman sa dalawang nabanggit ko ang dahilan ni Kaleb sa kung bakit matagal bago niya binitiwan ang kamay ni Thea ay hindi pa rin nito mapapawi ang pagkayamot ko at wala pa rin siyang karapatan na hawakan ang kamay ni Thea.
![](https://img.wattpad.com/cover/130714319-288-k387130.jpg)
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...