CHAPTER 78: THE OWNER OF THE MYSTERIOUS VOICE

1.4K 49 0
                                    

ALTHEA’S POV

Sa nakalipas na mga araw ay wala akong ibang ginawa kundi ang mag-ensayo at maghanda para sa magaganap na digmaan sa pagitan ng kasamaan at kabutihan. At dahil nga matindi ang paghahandang ginagawa ko ay halos nabasa ko na lahat ng aklat na may kinalaman sa mga charm at ability at nasubukan ko na rin lahat ng mga nabasa at natutunan ko sa mga ito. Ngunit hindi lamang ako ang panay ang ensayo. Lahat ng kasamahan ko ay panay rin ang ensayo sa mga nakalipas na araw at sa nakikita ko ay mukhang handa na ang lahat para sa magaganap na digmaan.

Sa mga nakalipas na araw ay walang palya ang pagpasok namin ng akademya kahit pa todo ensayo kaming lahat. Gustuhin man kasi naming huwag nang pumasok sa akademya ay hindi namin magawa dahil ayaw naming maghinala ang mga kalaban na may nangyayaring hindi naaayon sa kanilang plano at hindi rin namin mababantayan ang kilos ng impostor kung wala kami sa akademya.

Araw na ngayon ng Sabado ngunit sa halip na magpahinga ay puspusan pa rin ang pagsasanay at paghahanda naming lahat dahil ilang araw na lang ang mayroon kami para magsanay at maghanda. Sa Lunes na kasi ang kaarawan ko kung kaya abala ang lahat sa kani-kanilang gawain. Si Ali ay sinasanay pa rin hanggang ngayon ang mga kawal ngunit suot na nila ang kanilang mga bagong gawang baluti at kalasag. Ang Trio naman ay abala sa pag-asikaso ng mga dekorasyon at iba pang may kinalaman sa pagdiriwang. Sina Luca at Yael naman ay sinusukat ang kakayahan ng isa’t isa at ganoon din sina Nikolai at Luna habang si ate naman ang nagboluntaryong subukan ang kakayahan ni Flor.

Sa aming lahat ay ako lang itong walang ginagawa. Katatapos ko lang kasing puntahan si Leo sa piitan para paaminin siya kung sinong nag-utos sa kaniyang makipagkaibigan sa amin pero ayaw niyang magsalita. Ginamitan na rin siya ni ate noong nakaraang araw ng kapangyarihan niyang mapasok ang isip ng isang nilalang ngunit wala pa ring nangyari. May kung anong pwersa raw kasi na pumipigil kay ate na mapasok ang isip ni Leo. At dahil nga nabigo akong makuha ang pakay ko kay Leo ay bagsak ang balikat kong tinungo ang hardin sa likod ng palasyo na matagal ko nang hindi napupuntahan upang magpahinga at kalimutan ang lahat ng gumugulo sa ‘kin kahit saglit lang. Ngunit tila mali ang naging desisyon kong magtungo ng hardin dahil pagtapak pa lamang ng paa ko sa hardin ay agad na akong nilamon ng lungkot at pangungulila.

‘Kai‚ I know you’re alive. I can feel it. But why can’t I find you? Where are you? Are you in good hands? I miss you so bad‚ Kai... Please be safe... I promise‚ after this‚ I’m going to find you wherever you are and even though how long it takes. I’m willing to spend my whole life searching for you‚’ isip-isip ko habang diretso lamang akong nakatingin sa harding nasa aking harapan at namalayan ko na lamang ang pamamasa ng aking pisngi dahil sa luhang hindi ko na namalayan pa ang pagtulo.

Mula sa kinatatayuan ko ay kitang-kita ang napakalinis at napakagandang hardin na halatang alagang-alaga pa rin kahit matagal ng walang naglalaro o napapasyal dito.

Oo‚ hardin nga ang kinaroroonan ko ngunit hindi ito basta hardin lang na pwedeng puntahan ng kahit na sino. Tanging kaming pamilya lamang at ang mga pinagkakatiwalaang tagapagsilbi ng palasyo ang nakakaalam na may hardin sa likod ng palasyo at tanging kami lamang din ang nakakapunta ng hardin bukod sa tagapagsilbi ng palasyong nakatalagang alagaan ito. Mahigpit kasing ipinagbabawal ang pagpunta sa hardin dahil ginawa ito para lamang sa amin ni Kaizer at hindi para maging pasyalan o pahingahan ng kung sino lang. At ang nakakatawa pa ay maging si ate ay hindi rin alam ang tungkol kay Kaizer kahit pa siya na ngayon ang namumuno sa buong kaharian.

Ang hardin sa likod ng palasyo ay higit na mas maganda kaysa sa harding nasa harapan ng palasyo. Kahit kasi hindi ito ganoong kalawak ay sagana pa rin ito sa naggagandahang bulaklak na si ina pa ang pumili at nag-alaga noong nabubuhay pa siya. Marami ring nagkalat na makukulay na mga paruparo at walang kahit isang puno ang makikita sa paligid. May kakaiba ring liwanag na taglay ang mga halaman at maging ang mga paruparu. At ang damong nasa may paanan mo ay maaari mong higaan nang walang kahit anong tela dahil sa lambot nito na parang minamasahe ang iyong likuran. Ngunit kahit na napakagandang pagmasdan ng paligid at napakakulay ng mga bulaklak at paruparo ay wala pa rin itong buhay sa paningin ko. Masyado kasi itong tahimik at wala na ang tawanan namin ni Kaizer na dati-rati ay siyang bumubuhay rito.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon