CHAPTER 20: THE TRIO

2.5K 77 12
                                        

ALTHEA’S POV

Isang buwan na ang lumipas na nangangahulugan lamang na isang buwan na rin akong nananatili sa mahiwagang mundong pinagdalhan sa akin ni Kaiden. Sa isang buwang iyon ay wala namang kakaibang nangyari bukod sa mas nakikilala ko si Kaiden at aminin ko man o hindi ay alam kong unti-unti na akong nahuhulog sa kaniya nang hindi ko namamalayan. Isa sa mga dahilan kung bakit mas naging malapit ako kay Kaiden na umabot na sa puntong palagay na ang loob ko sa kaniya ay ang madalas naming pag-alis ng palasyo kasama si Kamila upang bisitahin si Ayesha. Isa kasing prinsesa si Ayesha sa kanilang tagong kaharian kaya hindi siya maaaring magtungo sa malayo sapagkat maaari siyang kailanganin sa kanila o maaari siyang hanapin ng mga kauri niya.

Sa isang buwang inilagi ko sa Fantasia ay marami na akong nalaman tungkol sa kasaysayan nito at iba pang bagay na may kinalaman dito. Pero kahit na isang buwan na ako rito ay wala pa rin akong gaanong kakilala dahil hindi naman ako iyong tipo na nakikipag-usap kung kani-kanino maliban na lang kung sila ang lalapit sa akin. Mahirap na kasi kung ako ang lalapit sa kanila. Baka masamain pa nila ito at isipin nilang masyado akong nagsusumiksik sa mundo nila at pilit akong nakikibagay sa kanila.

Katatapos lang ng klase namin at katulad ng nakasanayan ay sabay na naman kaming kakain ni Kaiden sa Mystical Park. Ewan ko nga sa lalaking ‘yon kung bakit ayaw niya sa canteen kumain kahit minsan lang. Ilang beses ko nang sinubukang yayain siyang sa canteen kami kumain pero palagi niya akong kinokontra kaya hindi ko na ulit tinangka pang yayain siyang sa canteen kumain matapos ang ilang beses kong pagkabigo.

Pinauna ko na si Kaiden sa Mystical Park dahil kanina pa nanlalagkit ang mukha ko at kailangan ko nang pumunta ng banyo para maghimalos. Nagpupumilit nga siyang samahan ako pero mariin akong tumanggi dahil nakakahiya naman sa kaniya at ayoko ring abalahin siya.

Kasalukuyan kong hinahanap kung saang parte ng akademya matatagpuan ang banyo. Ngunit dahil sa nakalimutan kong tanungin si Kaiden kung nasaan ito ay kanina pa ako paikot-ikot. Wala naman akong mapagtanungan dahil wala akong nakakasalubong na estudyante. Sana pala ay nagpasama na lang ako kay Kaiden. Wala sana akong problema ngayon.

Sa kabila ng ilang ulit kong pagpapaikot-ikot ay hindi pa rin ako tumigil sa paghahanap ng sadya ko hanggang sa may makasalubong akong dalawang lalaking estudyante. Iyong isa ay may itim na itim na buhok habang iyong isa naman ay kulay abo ang buhok.

“Hi. Hindi ba ikaw iyong bagong estudyante na nagmula pa sa mundo ng mga tao?” tanong ng lalaking may itim na buhok na nakaturo pa sa akin ang hintuturo.

Pinaningkitan ko ng mata ang aking mga kaharap at pilit kong pinag-aralan ang kilos nila at maging ang ekspresyon ng kanilang mga mukha upang alamin kung may panganib ba silang dala‚ mayroon silang hindi magandang pakay o kung ano pa man. Habang pinag-aaralan ko ang ekspresyon ng mga mukha nila at ang paraan ng pagtitig nila sa akin ay wala naman akong naramdamang panganib sa kanila. Sa halip ay ramdam ko ang malinis nilang hangarin kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa na kausapin sila.

“Ako nga‚” nakangiti kong sagot.

“Kung ganoon ay maligayang pagdating sa Majestic Academy. Ako nga pala si Luca‚” pagpapakilala ng lalaking nagtanong kanina at nakangiti niyang inilahad ang kaniyang kanang kamay sa aking harapan.

“I’m Althea‚” pagpapakilala ko rin sa aking sarili at nakangiti kong tinanggap ang kamay ni Luca na nakalahad.

“Ako naman si Nikolai‚” pagpapakilala naman ng lalaking may kulay abong buhok at katulad ni Luca ay inilahad din niya ang kamay niya na mabilis ko namang tinanggap matapos kong bitiwan ang kamay ni Luca.

Ilang segundo lamang ang itinagal ng pakikipagkamay ko kay Nikolai dahil agad din akong bumitiw.

“Ikinagagalak ko kayong makilala‚” nakangiting wika ko.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon