ALTHEA’S POV
Pagkatapos ng klase namin ay napagpasyahan kong magtungo ng Mystical Park. Ngunit hindi ko na nagawa pang dumiretso ng Mystical Park dahil sa kumpulan ng mga estudyante na nakaharang sa daan.
Ayoko sanang makiusyoso sa kung anong pinagkakaguluhan ng mga estudyanteng nagkukumpulan ngunit dahil wala akong ibang madadaanan ay nakisali na rin ako sa kumpulan ng mga ito. Nakipagsiksikan ako sa kumpulan at pilit akong sumusubok na makadaan. Ngunit masyadong marami ang estudyanteng nagkukumpulan kung kaya nahihirapan akong makadaan kahit pa anong subok ko.
‘Kawawa naman siya. Hindi kasi nag-iingat e.’
‘Talagang nakakaawa siya. Baka maputulan pa siya ng dila.’
‘Huwag naman sana. Kasi naman e. Bakit ba ang daldal-daldal niya. Ayos lang sana kung iba na lang i-tsismis niya.’
Malinaw kong naririnig ang bulungan ng mga estudyante sa paligid ko lalo pa’t medyo nakakasingit na ako sa kumpulan nila. Ngunit hindi ko na ito pinansin pa at itinuon ko na lamang ang buo kong atensyon sa pakikipagsiksikan para malaya akong makapunta sa Mystical Park.
Noong medyo nakakausad na ako ay mas lalo pa akong ginanahang makipagsiksikan sa kumpulan ng mga estudyante. Ngunit tila isang bulang bigla na lamang naglaho ang kagustuhan kong makatawid sa kumpulan at wala sa sariling napahinto ako sa paglalakad nang marinig kong magsalita ang babaeng nasa kaliwa ko.
‘Malas niya at sa dami ng pagtsitsismisan ay ang Trio pa ang napili niya.’
Pagkarinig ko pa lamang sa salitang “Trio” ay agad nang nawala sa isip ko ang balak kong magpunta ng Mystical Park at agad na nabuhay sa dugo ko ang kuryusidad sa kung ano na naman ang ginawa ng Trio. Kaya naman ay ginawa ko ang lahat para makadaan sa kumpulan at makapunta ako sa harapang bahagi kung saan malaya kong makikita kung ano ang pinagkakaguluhan ng lahat at kung ano ang pinalilibutan nila.
Nang sa wakas ay makapunta ako sa harapang bahagi ng kumpulan ay agad na nagtagis ang bagang ko nang makita ko kung paanong pinagtutulungan ng Trio ang isang kawawang babae na buhaghag na ang buhok‚ gusot-gusot na ang uniform at pulang-pula na ang pisngi.
Hawak ng dalawa sa Trio ang kawawang babae sa magkabilang braso nito habang nasa harapan naman ng babae ang tumatayong lider ng Trio.
“Sinong nagbigay sa ‘yo ng karapatan para pag-usapan at siraan kami?” pasigaw na tanong ng lider ng Trio na hindi na maitago pa ang galit sa babaeng kaharap niya.
“Patawad kung naglakas ako ng loob na pag-usapan kayo. Pero hindi ko intensyon na siraan kayo. Sinabi ko lang kung anong nakita ko. Kinuwento ko lang naman sa kaibigan ko ang nakita kong pagtalo sa inyo ni Thea noon‚” humihikbing katuwiran ng kawawang babae na mas lalong nagpaliyab ng galit ng Trio‚ dahilan upang malakas siyang sampalin ng tumatayong lider ng Trio.
Mag-asawang sampal ang iginawad ng lider ng Trio sa kawawang babae dahil sa pangangatuwiran nito na nagpakuyom ng kamao ko at nagpainit ng dugo ko.
“May lakas ka pa talagang mangatuwiran!” galit na sigaw ng lider ng Trio saka muli niya na namang sinampal ang kawawang babae.
“Nagsasabi lang ako ng totoo!” muling pangangatuwiran ng babae na hindi na napigilan pang magtaas ng boses.
Nakita ko kung paanong umigting ang panga ng lider ng Trio dahil sa ginawang pagsigaw ng kawawang babae. Kaya naman ay hindi na ako nagulat pa nang makita ko ang tangka niyang pagsampal muli sa babae. Pero bago pa man lumapat ang palad niya sa namumula nang pisngi ng kawawang babae ay agad na akong nag-teleport patungo sa pinangyayarihan ng gulo at taas-noo kong sinalag ang kamay ng lider ng Trio gamit ang kanang kamay ko.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasiIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
