ALTHEA’S POV
Pitong taon na ang nakalilipas magmula nang magbalik ako sa piling ng mga mahal ko.
Oo‚ nakabalik na ako sa Fantasia sa tulong ni Erasmus. Tinulungan niya kasi akong makumbinsi ang lahat ng mga diyos at diyosa. At tulad ng napagkasunduan ay hindi ko pa rin tinatalikuran ang aking tungkulin bilang kanilang reyna.
Madalas akong dinadalaw ng mga diyos at diyosa sa aking mga panaginip katulad ng dati. Ngunit kung may mahalagang bagay kaming dapat na talakayin na kinakailangang personal naming pag-usapan ay pumupunta ako ng Kingdom of Athens.
Isa akong kahalating diyosa at kalahating charmer kaya nagagawa kong magpabalik-balik sa dalawang magkahiwalay na mundo na matagal bago namin natuklasan. At tanging ako pa lamang ang nakagagawa nito dahil sa buong kasaysayan ay ako pa lamang ang tanging may dugong diyosa na nahaluan ng dugo ng isang charmer.
Sa pitong taong lumipas ay nagkaroon na kami ng sarili naming pamilya ni Kaiden at kami na ang kasalukuyang namumuno ng Sapience Kingdom kasama ang aming dalawang anak na sina Kylie at Kenjie. At katulad namin ni Kaizer ay kambal din sila at magkamukhang-magkamukha na parang pinagbiyak na bunga. Ngunit hindi nila sinapit ang sinapit namin ng kakambal ko dahil hindi na nila kailangan pang magtago dahil nabura na sa isipan ng lahat ang tungkol sa sumpa ng pagkakaroon ng kakambal.
Bago ako bumalik sa Fantasia ay nalaman ko na kaya lamang ako nagkaroon ng kakambal kahit hindi ito nakasulat sa propesiya ay para ipakita sa lahat na hindi totoong may sumpang kaakibat ang pagkakaroon ng kakambal. Kasama rin pala kasi sa tungkulin ko ang itama ang maling paniniwalang ito ng lahat tungkol sa pagkakaroon ng kakambal. Ngunit ito’y hindi naisulat sa propesiya dahil ang tinalakay lamang sa propesiya ay ang pagiging itinakda ko at ang nakatakdang wakas ng kasamaan.
Katulad ko ay kambal din ang naging anak nina Kaizer at Agua ngunit ito’y kapwa lalaki na pinangalanan nilang Kobe at Ace.
Marahil ay nasa dugo na talaga naming magkapatid ang pagkakaroon ng kambal na anak lalo pa’t kambal kaming isinilang. Ngunit ang nakakatawa lang ay may pagkakahawig ang aming mga anak dahil malaking porsyento ng kanilang mukha ay nakuha nila sa amin. Minsan nga ay pinagsama-sama namin ang aming mga anak sa iisang lugar at inakala ng lahat na magkakapatid ang mga ito at quadruplets. Ngunit mabuti na lamang at kahit papaano ay may pagkahawig din ang aming mga anak sa aming mga asawa kaya may ilang anggulo o detalye ng kanilang mga mukha na magkakaiba.
Ang anak naming si Kylie ay may kulay hazel brown na buhok habang ash gray naman ang kay Kenjie. Ngunit ang mga mata nila ay parehong golden yellow. At naniniwala akong sa pagsapit ng kanilang ikalabing-walong kaarawan ay magiging ginto rin ang kulay ng kanilang mga mata at buhok dahil nananalaytay sa kanilang mga ugat ang dugo ng pinakamakapangyarihang diyosa sa buong kasaysayan.
Ngayon ay araw ng aming pagsasama-samang lahat kaya kumpleto kami ngayong magbabarkada sa Ardor Kingdom kasama ang aming mga anak. Naglalaan pa rin kasi kami ng oras para magkasama-sama kami sa kabila ng aming pagiging abala sa aming mga sariling pamilya at sa pamumuno ng kani-kaniya naming kaharian.
Kaming mga magulang ay nasa loob ng palasyo sa dining hall at masayang binabalikan ang aming mga napagdaanan sa loob ng mahabang panahon habang masaya kaming nagsasalo-salo sa napakahabang mesa na puno ng samut-saring pagkain. Ang aming mga anak naman ay nasa labas at masayang naglalaro nang magkakasama.
Pasalamat na lamang talaga ako na hindi namana ng kahit sino sa mga anak ko ang pagiging cold ng ama nila kaya nagagawa nilang makisalamuha sa anak ng mga kaibigan ko.
Dahil matagal-tagal na rin mula noong huli kaming magkasama-samang magkakaibigan ay napasarap ang aming kuwentuhan at hindi na namin namalayan pa ang oras. Naputol lamang ang aming pagkukuwentuhan nang humahangos na pumasok ng dining hall ang mga bata na mga takot na takot na para bang may nangyaring hindi maganda.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasiIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...