CHAPTER 11: INFORMATION OVERLOAD

3.7K 101 23
                                    

ALTHEA’S POV

Tanghali na nang magising ako kaya agad akong bumangon at nilantakan ang pagkaing nakahain sa side table na sa hinuha ko ay si Sara ang naghanda. Pagkatapos kong kumain ay agad na akong naligo at nag-ayos ng aking sarili. Ngunit dahil wala akong damit pamalit ay nakatapis lang akong lumabas ng paliguan.

Nakalimutan ko palang magbihis kagabi. Wala akong kamalay-malay na ipinangtulog ko na pala ang magarang damit na suot ko kahapon.

Hanggang ngayon ay malaking katanungan pa rin sa akin kung paano napunta sa akin ang damit na iyon at kung saan na napunta ang damit ko na suot ko bago ako pumunta sa mundong ito. Talaga ngang nababalutan ng hiwaga ang lagusan na dinaanan namin. Nagawa nitong baguhin ang damit at ayos ko gayong hindi ko naman naramdaman ang pagbabagong iyon.

Mabuti na lang pala at kahit nagbago ang ayos ko ay hindi pa rin nawala ‘yong bag na dala-dala ko nang pumunta ako rito dahil kung pati ‘yon nawala‚ iisipin ko talagang magnanakaw ang portal na ‘yon.

Itinago ko na lang muna sa drawer ang tiara na basta na lang lumitaw sa ulo ko kahapon para hindi ito masira. Sayang naman. Ang gara kasi. Mukha ring mamahalin dahil gawa ito sa purong ginto.

Ngayon ko lang din nalaman na asul na pala ang kulay ng mata ko. At dahil dito ay mas lalo lang tuloy akong nahihiwagaan sa lagusang dinaanan namin. Para lang kasi akong nagpaayos ng buhok at nagpalagay ng contact lens gayong wala naman akong nilalabas na pera.

Nang matapos na akong mag-ayos ng aking sarili ay saka ko lang ulit naalala iyong naging pag-uusap namin ni Kaiden kahapon bago kami makarating sa palasyo nila. Ang sabi niya sa akin ay sasagutin na niya lahat ng katanungan ko. Ang tanong lang ay kung nasaan na siya ngayon. Marami akong gustong itanong sa kaniya magmula kahapon at ni isa ay wala pa siyang nasasagot kaya marami siyang utang sa akin na sagot at sisingilin ko siya ngayon din. Magtutuos kami.

Tatayo na sana ako mula sa pagkakaupo ko sa upuang katapat ng dressing table para lumabas ng aking silid nang saktong may kumatok sa pinto kung kaya nanatili na lamang akong nakaupo.

“Who’s there?” may kalakasan kong tanong sa kumatok nang bigla kong maalala ang sinabi sa akin ni Sara kahapon. Hindi raw sila nakakaintindi ng English dahil hindi naman sila lumalabas ng palasyo at hindi pa sila kailanman nakapunta ng mundo ng mga tao. Hindi rin naman daw sila nagkainteres na pag-aralan ito dahil hindi naman daw kailangan. Saka 10 years ago lang din naman daw napasama sa mga itinuturo sa paaralan nila ang pag-aaral magsalita at umunawa ng salitang English. 10 years ago lang daw kasi nila napagtanto ang kahalagahan na matututo sila nito dahil noon lang din naman sila nangailangang makisalamuha sa mga taga-ibang mundo.

“Sino ‘yan?” pag-uulit ko sa tanong ko sa lengguwaheng mauunawaan ng sinumang nasa labas ng silid.

“Mahal na prinsesa‚ ako po ito‚ si Sara‚” magalang na tugon ni Sara mula sa labas ng silid.

Napailing-iling na lamang ako dahil sa itinawag sa akin ni Sara. Sinabihan ko na siya kahapon na huwag akong tatawaging prinsesa dahil hindi naman ako prinsesa pero hayan at balik na naman siya sa pagtawag sa aking mahal na prinsesa.

“Sige‚ tuloy ka‚” pagbibigay pahintulot ko kay Sara para tuluyan na siyang pumasok ng silid.

Marahang itinulak ni Sara pabukas ang pinto saka siya pumasok ng silid na may dala-dalang mga damit. Dumiretso siya sa kama at maingat niyang inilapag sa ibabaw nito ang mga damit na dala niya.

“Suutin daw po ninyo ang damit na ‘yan‚” nakayukong tugon ni Sara na nakaharap nga sa akin ngunit nasa sahig naman ang kaniyang tingin.

Hindi na ako nagsalita pa at kinuha ko na lang ang damit na dinala ni Sara at muli akong pumasok ng paliguan upang magbihis. Ngunit bago ako tuluyang makapasok ng paliguan ay nakita ko si Sara na inililigpit ang pinagkainan ko. Bigla tuloy sumagi sa alaala ko ang pag-aalagang ginagawa noon sa akin ni Nanny Gina kaya mapait akong ngumiti at isang butil ng luha ang tumulo mula sa kaliwang mata ko pagkapasok ko ng paliguan.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon