THIRD PERSON'S POV
"Nasaan ang prinsesa?" masayang tanong ng hari habang nakatingin sa kaniyang mga alagad na kaniyang inutusan upang kunin ang prinsesa sa mundo ng mga tao.
Nanatili lamang na nakayuko si Ulises sa harapan ng hari. Hindi nito magawang tingnan ang hari dahil bigo sila sa kanilang misyon.
"Binalikan po namin ang kanilang tirahan at hinalughog ang bawat sulok nito ngunit wala na po roon ang prinsesa‚" kinakabahang sagot ni Ulises habang nakayuko at inihahanda ang sarili sa nag-aapoy na galit ng kanilang hari.
Agad na napatayo ang hari sa kinauupuang trono dahil sa kaniyang narinig.
"Ano? Mga inutil! Iisang babae lang ay natakasan pa kayo!" puno ng galit na sigaw ng hari at kasabay nito ay ang pagdilim ng kalangitan at ang pagkidlat. Naging purong itim na rin ang kaninang kayumanggi niyang mga mata.
"Makukuha na po sana namin siya ngunit hindi po namin inasahang gagamitan niya kami ng kaniyang kapangyarihan. Marami po sa ating kawal ang nasawi‚" pagbibigay-alam ni Ulises sa hari.
"Imposible! Hindi pa sumasapit ang ikalabing-walong kaarawan niya kaya wala pa siyang kapangyarihan!" galit na sigaw ng hari kay Ulises dahil inakala niyang gumagawa lamang ito ng kuwento para pagtakpan ang kapalpakan nito.
Sasagot pa sana si Ulises nang bigla silang makaramdam ng malakas na ihip ng hangin. Kasabay nito ay bigla na lang ding sumulpot sa tabi ni Ulises ang itim na gabay-ang gabay ng kadiliman.
"Tunay na makapangyarihan.
Habang papalapit nang papalapit ang kaniyang kaarawan‚
Palakas nang palakas ang taglay na kapangyarihan.
Ang nakatakda ay malapit nang maisakatuparan‚" pahayag ng gabay sa kaniyang nalalaman saka bigla rin itong naglaho na parang bula.
"Hanapin ninyo ang prinsesa at huwag na huwag kayong babalik dito hangga't wala kayong magandang balita!" pasigaw na utos ng hari sa mga alagad niya pagkaalis na pagkaalis ng kanilang gabay.
Mabilis pa sa alas kuwatro na nagsialisan ang mga alagad ng hari dahil na rin sa takot na baka sila ang mapagbuntunan nito ng galit.
"Malapit na tayong magkaharap‚ mahal kong prinsesa. Hahahaha!" tumatawang sabi ng hari sa nakakakilabot na boses.
Muling naupo ang hari sa kaniyang trono at kasabay nito ay ang pagbalik sa normal ng kalangitan at maging ang kulay ng kaniyang magagandang mata na palaging natatakpan ng suot niyang talukbong ay bumalik na rin sa normal.
☆•☆•☆•☆•☆
KAIDEN'S POV
Kanina pa kami naglalakad sa loob ng masukal na kagubatan na tanging lagusan papasok sa aming mundo. Kung pwede lang sanang mag-teleport ay kanina ko pa ginawa. Pero mabilis nila kaming matutunton kapag gumamit kami ng kahit na anong kapangyarihan. Kaya mas mabuting maglakad na lang kami upang matiyak ko ang kaniyang kaligtasan lalo na't batid na ng mga kalaban kung gaano kalakas ang taglay niyang kapangyarihan.
"Saang planeta mo bang balak pumunta? Kanina pa tayo naglalakad!" reklamo ni Thea na ngayon ay kasalukuyang nakahawak sa laylayan ng damit ko at matalim na nakatingin sa akin.
Lihim naman akong natuwa sa inaasal niya. Napakamainipin pala ng isang 'to. Mabuti naman pala at kahit papaano ay nabawasan na ang sakit na nararamdaman niya. Mukhang tanggap na niya na wala na ang mga magulang niya.
"Staring is rude. Kung wala kang balak magpahinga‚ pwes‚ maglakad ka mag-isa mo!" inis na sabi ni Thea saka siya naglakad palapit sa isang puno at naupo sa mismong ugat nito.
"Fine! You may rest for a while. Maghahanap lang ako ng pagkain mo, your highness‚" sarkastikong sabi ko habang nasa kaniya pa rin ang buo kong atensyon.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
