SOMEONE’S POV
“Ano’t narito ka? May dala ka bang magandang balita?” salubong kong tanong kay Ulises nang bigla na lamang siyang pumasok ng throne room.
“Kamahalan‚ narito ako upang ipabatid sa inyo na muntik nang mapahamak ang prinsesa—”
“Ano?! Hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yo na huwag na huwag mong hahayaang mapahamak siya dahil kailangan ko siya ng buhay!” galit kong sigaw kay Ulises bago pa man niya matapos ang kaniyang sinasabi dala ng labis na pagkadismaya ko sa kaniyang ibinalita.
Ang simple-simple na nga lang ng ipinag-uutos ko‚ hindi niya pa magawa nang tama. Paano na lang kung napahamak ang prinsesa? Kung nagkataong napahamak nga ang prinsesa ay mauuwi sa wala ang lahat ng plano ko dahil lang sa kapalpakan ng inutusan kong alagad.
“Batid ko po iyon ngunit wala na kayong dapat ipangamba o ikabahala sapagkat ligtas na ang prinsesa. Nagawa niyang talunin ang mga nanakit sa kaniya. Nais ko rin pong ibalita sa inyo na napag-alaman kong hindi na siya sa unang antas papasok simula bukas kaya hindi ko na siya mababantayan bawat segundo‚” nakayukong sagot ni Ulises na hindi ko man lamang mabakasan ng takot sa kabila ng ginawa kong pagsigaw. Tila inaasahan na niya ang naging reaksyon ko kung kaya napaghandaan na niya ito.
Kaagad naman akong kumalma at mabilis na naglaho ang aking galit dahil sa tinuran ni Ulises. Mabuti naman at ligtas na ang prinsesa. Kung nagkataon na may nangyaring masama sa prinsesa ay mananagot ang lahat ng dapat managot. Sa akin lang ang kapangyarihan niya at ako lang ang pwedeng umagaw ng buhay niya! Nasa akin ang pagpapasya kung kailan‚ saan at paano ko siya papatayin. Walang dapat makialam at walang dapat na sumira ng lahat ng plano ko.
Matapos ang mahaba kong pananahimik ay muli kong binalingan ng tingin si Ulises upang sambitin sa kaniya ang ilang pagbabago sa aming mga hakbangin.
“Huwag mo nang intindihin ‘yon. Si Jayda na lamang ang ipadadala ko. Sa ngayon‚ ikaw na muna ang magsanay sa mga kawal‚” pagtatalaga ko kay Ulises sa bago niyang tungkulin.
Mas pinili kong pagpalitin ng tungkulin sina Jayda at Ulises dahil hindi na magagawa pa ni Ulises na gampanan nang maayos ang tungkuling una kong iniatas sa kaniya dahil sa pagkakalipat ng prinsesa sa ibang antas. Hindi ko naman siya maaaring pasunurin sa lilipatang antas ng prinsesa dahil makakahalata na ang mga kaaway kapag ginawa ko ‘yon na siyang hindi ko hahayaang mangyari dahil sa sandaling matunugan ng mga kalaban ang aming ginagawang hakbang ay tiyak na maaalarma sila at gagawa sila ng paraan upang pigilan kaming magtagumpay sa aming mga balakin.
“Masusunod po‚ kamahalan‚” nakayukong sagot ni Ulises saka siya muling nagbigay-galang bilang tanda ng kaniyang pamamaalam.
“Unti-unti na palang lumalabas ang kapangyarihan mo. Mainam kung gano’n‚” nakangising sambit ko nang mawala na sa aking paningin si Ulises at maiwan akong mag-isa.
☆•☆•☆•☆•☆
ALTHEA’S POV
Nagising ako na masakit ang katawan ko dulot marahil ng pagkakabugbog ko kahapon kung kaya naging maingat ako sa bawat kilos ko.
Nang magawa kong makaupo sa kama ay tuluyan na sana akong babangon ngunit hindi ko na nagawa pang kumilos pababa ng kama nang bumukas ang pinto at iluwa nito si Sara na may bitbit na bed table kung saan nakapatong ang inihanda niyang agahan para sa ‘kin.
“Gising ka na pala‚” nakangiting bungad sa akin ni Sara.
Tipid na ngiti na lamang ang itinugon ko kay Sara dala ng bahagya pa ring pananakit ng aking katawan. Idagdag pang tila hindi pa tuluyang bumabalik ang lakas ko kung kaya mabigat pa rin ang pakiramdam ko at hirap akong gumalaw nang maayos.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasíaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
