CHAPTER 38: DEPRIVED OF TRUTH

2.1K 63 0
                                        

ALTHEA’S POV

Nagising ako mula sa pagkakahimbing ko nang makarinig ako ng ingay sa paligid ko. Ngunit pinanatili ko pa ring nakapikit ang mga mata ko dahil sa labis na panghihinang nararamdaman ko.

“Kal‚ ano ba! Ang takaw-takaw mo talaga! Sinabi na ngang kay Gwyn ‘yan e!” sigaw ng isang boses na alam kong galing kay Jane.

Kahit nakapikit pa rin ako ay ramdam na ramdam ko ang apat na presensyang nasa loob ng silid na kilala ko na rin kung sino-sino kahit pa hindi ako magmulat ng mata. Isa ito sa mga abilidad ko na bigla na lamang tumalas sa paglipas ng mga araw.

“Ang damot mo naman‚ Athena‚ baby. Para isang mansanas‚ lang ayaw mo pang ibigay sa mapapangasawa mo‚” madramang sabi ni Kaleb.

Lihim ko na lamang na nakagat ang ibabang labi ko para pigilan ang sarili kong matawa sa kadramahan ni Kaleb.

“Baby mo mukha mo! Hindi ako sanggol kaya huwag mo akong matawag-tawag na baby kung ayaw mong gawin kitang yelo!” singhal ni Jane kay Kaleb na halatang pikon na.

Hindi naman na nakakagulat pa ang inaasal ni Jane lalo’t noon pa man ay maikli na talaga ang pasensya niya. Kaya nga kami palaging napapaaway noon e. May marinig lang kasi siyang hindi maganda tungkol sa ‘min o may makita lang siyang masamang nakatingin sa ‘min ay agad nang kukulo ang dugo niyan at kokomprontahin pa niya ang sinumang mahuli niyang pinagtsitsismisan o tinitingnan kami nang masama.

“Baby‚ naman... Maaatim mo bang gawing yelo itong puso kong ikaw lang ang itinitibok?” muling pagdadrama ni Kaleb na naramdaman ko pang lumapit sa kinaroroonan ni Jane.

Kung tama ang hinala ko ay malamang na nakayakap na si Kaleb kay Jane. Base kasi sa presensyang nararamdaman ko ay wala ng distansya pa sa pagitan nila.

“Tss! Corny mo!” walang emosyong sambit ni Kaiden na naramdaman ko pang may kinuha na kung ano sa bandang kanan ko na basta na lamang niyang ibinato sa direksyon ni Kaleb na nasa kaliwa ko.

“Iyan! Iyan ang bagay sa ‘yo! Ang dami mo kasing alam!” pigil ang tawang pang-aasar ni Jane kay Kaleb.

“Baby‚ naman. Hindi mo man lang ba ako ipagtatanggol sa cold prince na ‘yan na hindi marunong ngumiti?” pagpapaawa ni Kaleb na sa hinuha ko ay panay na ang pa-cute sa harapan ni Jane.

Dahil sa sinabi ni Kaleb ay naramdaman ko na lamang ang muling pagbato sa kaniya ni Kaiden ng kung ano.

Nang magtagal pa ay panay bangayan na lang nina Kaiden at Kaleb ang naririnig ko kaya naman ay napagpasyahan kong dumilat na bago pa ako mabingi sa sigawan nila o matamaan ng kung anong ibinabato nila. Ngunit hindi ko pa man tuluyang naididilat ang mata ko ay isa-isa na silang nagsilapitan sa ‘kin at lahat sila ay puno ng pag-aalalang nakatingin sa ‘kin.

Pagkalapit nilang apat sa ‘kin ay kusang nagbigay-daan sina Kaleb at Jane kina Kaiden at Ali na magkatulong akong inalalayan upang iupo at isandal sa pader na nasa likuran ko. Nang makaupo na ako at maayos na nila akong maisandal sa pader na nilagyan pa nila ng unan ay sabay-sabay na nila akong binato ng napakaraming tanong.

“Gwyn‚ kumusta na ang pakiramdam mo?”

“May masakit ba sa ‘yo?”

“Thea‚ anong gusto mo? May gusto ka bang kainin?”

“Nanghihina ka pa rin ba?”

“Anong ginawa nila sa ‘yo?”

“Ba’t ka ba nawalan ng malay?”

“Nakapagpahinga ka ba nang maayos?”

“My Gosh‚ Gwyn! Sumagot ka! Mas lalo mo kaming pinag-aalala!” nag-hy-hysterical na bulyaw sa akin ni Jane na siyang pinakanakakuha ng atensyon ko.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon