CHAPTER 66: TEAMWORK

1.4K 53 0
                                        

NIKOLAI’S POV

Maaga pa lang ay nagtipon-tipon na kaming lahat sa bahay nina Ali sa kanilang sala upang pagplanuhan ang pagbabalik ni Thea sa mundo ng mga tao upang makita ang mga magulang niya.

“So‚ ano nang plano?” tanong ni Luca matapos naming lahat makapagpakilala sa bawat isa at isa-isa pa niya kaming tinapunan ng nagtatanong na tingin.

Awtomatikong kumilos ang kaliwang kamay ko para batukan ang baliw kong pinsan na madali ko lang namang nagawa dahil nasa harapan ko lang naman siya. Nakaupo siya sa sahig at nakasandal sa pang-isahang upuang kinauupuan ko.

“Aray ko naman‚ insan. Bakit ka ba nambabatok? Nagtatanong lang e‚” reklamo ng may sapi kong pinsan na nakasimangot pang nag-angat ng tingin sa ‘kin.

“Kaya nga tayo nandito para magplano‚ hindi ba? Tapos magtatanong ka kung ano na ang plano‚ e wala pa nga tayong napag-uusapan. At talagang wala tayong mapag-uusapan kapag hindi mo tinikom ‘yang bibig mo. Kaya pwede bang huwag ka na munang mag-ingay? Nag-iisip pa ako‚” may pagkairitang tugon ko kay Luca bago ako nagsimulang mag-isip ng pupuwede naming gawin para malayang makatawid si Thea sa lagusan.

Ang malaking problema lang naman namin sa binabalak ni Thea na pagtawid sa lagusan ay ang mga bantay ng lagusan. At isang paraan lang ang naiisip ko para makatawid si Thea sa kabilang mundo nang hindi nila namamalayan.

Kaagad na sumilay ang ngiti sa mga labi ko nang agad akong makabuo ng plano nang walang kahirap-hirap.

“Alam ko ‘yang ngiting ‘yan ah. Anong naiisip mo?” ngiting-asong tanong ng baliw kong pinsan na hindi mapirmi ang bunganga.

Sa halip na patulan ang kabaliwan ng pinsan ko o pagsabihan siyang itikom ang matabil niyang bunganga ay mas pinili ko na lamang na ituon sa iba pa naming kasama ang atensyon ko para ibahagi sa kanila ang planong nabuo ko.

“Hahatiin ko ang grupo natin sa tatlong pares‚” panimula ko na ikinakunot ng noo ng mga kasama ko.

“Para saan?” naguguluhang tanong ni Yael.

“Para paghati-hatian ang mga gagawin. Dahil hindi pupuwedeng lahat tayo ay sasama kay Thea sa pagtawid niya sa kabilang mundo‚” maikling paliwanag ko na agad namang naintindihan ni Ali.

“Tama si Nikolai‚” mabilis na pagsang-ayon ni Ali sa sinabi ko. “Mas makakaagaw tayo ng pansin kung lahat tayo sasama kay Thea sa pagtawid ng lagusan. Saka kailangan pa ring may maiwan sa ating mundo upang bantayan ang lagusan nang sa gayon ay mapipigilan natin ang sino mang kaaway o kawal na magtatangkang sundan si Thea sa kabilang mundo upang siya’y kunin o dakpin‚” dagdag pa ni Ali na tumutugma sa planong naisip ko kaya hindi na ako nagkomento.

“Kung ganoon ay anong binabalak ninyo?” pagtatanong ni Luna na mukhang wala pa ring ideya sa magiging takbo ng aming usapan samantalang halos ang lahat ng kasama namin sa sala ay tila nakukuha na ang gusto kong sabihin.

“Ilan lamang sa atin ang sasama kay Thea at ‘yon ay ang unang pares. Ang ikalawang pares naman ang kukuha ng atensyon ng mga kawal. At ang huling pares ang siyang magbabantay ng lagusan‚” paglalahad ko sa magiging tungkulin ng bawat pares na bubuuin namin.

“Kung ganoon ay kami na ang bahala ni Yael sa mga kawal‚” agad na pagprisinta ni Flor matapos kong magsalita.

“Ngunit hindi sapat na makuha lamang ninyo ang atensyon nila. Kailangang gumawa kayo ng gulo upang hulihin nila kayo at dalhin sa Ardor Kingdom upang litisin dahil doon kami papasok ni Luca‚” mahabang saad ko sa dapat gawin nina Flor.

“Habang nagkakagulo kayo ng mga kawal ay papasok kami sa eksena ni Nikolai para kami ang papalit sa pagbabantay ng lagusan nang sa gayon ay malaya nila kayong madadala sa Ardor Kingdom. Hindi naman na magiging problema sa amin ang kumbinsihin silang iwan ang lagusan sa pangangalaga namin dahil maaari naming gamitin ang aming katayuan sa palasyo upang ipasa nila sa amin ang pagbabantay ng lagusan habang wala sila‚” may himig ng pagyayabang na paliwanag ni Luca.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon