ALTHEA’S POV
Kasalukuyan akong nasa isang tagong hardin sa likod ng isang palasyo‚ nakikipaghabulan sa kung sinong batang lalaki na hindi ko makita ang mukha. Ngunit sa kabila nito ay pilit ko pa ring inaninag ang mukha ng kalaro ko. Iyon nga lang ay masyado itong malabo at tanging boses niya lang ang malinaw sa ‘kin.
“Ang bagal mo naman! Daig mo pa ang pagong sa bagal mong tumakbo!” tumatawang pang-aasar sa akin ng kalaro ko habang patuloy pa rin siya sa pagtakbo at palingon-lingon sa direksyon ko.
“Kaysa naman sa ‘yo‚ daig mo pa ang tikbalang sa laki ng mga hakbang mo!” ganting pang-aasar ko sa kalaro ko habang patuloy ko pa rin siyang hinahabol.
Sa halip na gumanti ay tinawanan lamang ako ng kalaro ko. At habang patagal nang patagal ay palakas nang palakas ang tawa niya kasabay ng pagbagal ng takbo niya‚ dahilan para maabutan ko siya.
“Huli ka!” masayang sigaw ko nang maabutan ko ang kalaro at mahigpit ko pa siyang niyakap sa baywang mula sa kaniyang likuran para hindi na siya makatakas pa.
Dahil sa ginawa kong pagyakap sa kalaro ko ay hindi na nito nagawa pang kumilos sa kinatatayuan niya.
“Napagod ako ro’n ah‚” humihingal niyang sambit na naging dahilan para pagtawanan ko siya.
Sa gitna ng aking tawa ay pinakawalan ko ang kalaro ko‚ at nang magkaroon ng distansya sa aming pagitan ay maingat akong naupo sa damuhan na agad namang sinundan ng kalaro ko na pumuwesto sa harapan ko.
“Buti nga sa ‘yo! Ang daya mo kasi!” sikmat ko sa kalaro ko at mahina kong pinitik ang kanang tainga niya.
“Aray naman!” reklamo niya kasabay ng paghimas niya sa kanang tainga niya. “Anong madaya ro’n? Ang sabihin mo‚ sadyang makupad ka lang talaga. Nabibigatan ka kasi sa katawan mo‚” pahabol na pang-aasar niya sa ‘kin.
“Ah... Gano’n ah?” nakangisi kong tanong saka mabilis akong tumayo at lumapit sa kalaro ko saka walang tigil ko siyang kiniliti sa kili-kili‚ tagiliran at leeg niya‚ dahilan para umalingawngaw sa buong paligid ang malakas niyang tawa.
“Hahaha! Tama na—haha! Sige ka‚ isusumbong kita kina ina. Hahaha!” pananakot sa akin ng kalaro ko sa gitna ng walang humpay niyang pagtawa.
Sa halip na matakot ako sa pagbabanta ng kalaro ko ay mas lalo ko pa siyang kiniliti.
“Edi magsumbong ka. Samahan pa kita—” Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko nang may sumigaw mula sa aming likuran.
“Yana! Kai! Halina kayo rito! Maggagabi na!” sigaw ng isang babae sa malambing na boses.
Dahil sa sigaw na aming narinig ay mabilis kaming nag-unahang tumakbo ng kalaro ko patungo sa direksyon ng nagsalita na nakatayo sa tabi ng isang puno kasama ang isang lalaking sa tingin ko ay asawa nito. Ngunit katulad ng kalaro ko ay hindi ko rin magawang maaninag ang mukha mg mga ito.
“Ina! Ama!” masayang tawag namin ng kalaro ko sa tumawag sa amin at sa kasama nito habang patakbo kaming lumalapit sa kanilang direksyon.
Nang makalapit kami sa kinaroroonan ng mag-asawang tinawag naming ina at ama ay mabilis akong kinarga ng tinawag kong ina habang ang kalaro ko naman ang kinarga ng kasama nito.
Pagkakarga sa akin ng tinawag kong ina ay muli kong tinangkang aninagin ang mukha nito. Ngunit muli lamang akong nabigo dahil masyado talagang malabo ang mukha nito na tipong pati mata niya ay hindi ko makita.
“Ano na naman bang pinaggagagawa ninyong mga bata kayo? Ang dudungis na ninyo‚” dismayadong wika ng lalaking kumarga sa kalaro ko saka maingat nitong pinunasan ang pawisang noo ng kalaro ko gamit lamang ang kamay niya.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
