CHAPTER 63: ARDOR KINGDOM'S COURSE OF ACTION

1.3K 57 0
                                    

THIRD PERSON’S POV

“Lady Hera‚ may kailangan po kayong malaman‚” nakayukong wika ng isang tapat na tagapaglingkod sa kaharian ng Ardor Kingdom matapos niyang magbigay-galang sa kasalukuyang namumuno sa Ardor Kingdom na walang iba kundi si Lady Hera‚ ang kapatid ng yumaong hari.

“Anong kailangan kong malaman?” tanong ni Lady Hera sa maawtoridad na boses habang komportable siyang nakaupo sa tronong kaniyang pinakaiingatan dahil ito na lamang ang magagawa niya para sa pumanaw niyang kapatid na hari na ibinuwis ang sariling buhay upang maprotektahan ang kaniyang nasasakupan.

“Magdaraos po ang konseho ng isang pagdiriwang sa akademya para sa pagbabalik ni Prinsesa Kiana‚” nakayuko pa ring pagpapahayag ng lalaki sa kaniyang nabalitaan na lubhang ikinagulat ni Lady Hera.

Dala ng pagkabigla ni Lady Hera sa kaniyang narinig ay marahas siyang napatayo at matalim niyang tiningnan ang lalaking nakayuko sa kaniyang harapan.

“Anong ibig mong sabihin?! Matagal nang patay ang pamangkin ko kaya paanong magkakaroon ng pagdiriwang para sa pagbabalik niya?!” galit na tanong ni Lady Hera sa pag-aakalang gumagawa lamang ng kuwento ang kaniyang kaharap upang lapastanganin ang alaala ng namayapa niyang pamangkin na parang sarili na rin niyang anak kung kaniyang ituring.

“Ngunit iyon po ang nabalitaan ko. Sa katunayan ay nagtanong-tanong na rin po ako sa ilang charmers na nag-aaral sa akademya upang tiyakin kung totoo nga ito at hindi po kayo maniniwala sa natuklasan ko‚” mahabang paliwanag ng lalaki bago pa siya maparusahan ni Lady Hera saka buong tapang siyang nag-angat ng tingin upang salubungin ang tingin ni Lady Hera at upang ipakita ritong tapat siya sa mga sinabi niya at wala siyang intensyong magsinungaling o gumawa ng anumang kuwentong ikasasama ng loob nito.

“Anong natuklasan mo?” kalmado nang tanong ni Lady Hera na hindi na naitago pa ang kaniyang kuryusidad sa maaaring sabihin sa kaniya ng kaniyang kaharap.

“Dalawang Kiana po ang nasa akademya at ang isa sa kanila ay impostor at pakawala ng mga kaaway‚” diretsahang sagot ng lalaki na naghatid ng samut-saring emosyon kay Lady Hera.

Matapos marinig ni Lady Hera ang tungkol sa pagkakaroon ng dalawang Kiana sa akademya ay agad siyang nabuhayan ng loob sa pag-asang buhay pa ang kaniyang pamangkin at hindi ito totoong namatay sa digmaan. Ngunit kalakip ng kaniyang galak ay ang kaniyang pagkadismaya sa kaalamang hindi lang iisa ang Kiana na nasa akademya kundi dalawa at pakawala pa ng mga kaaway ang isa.

“Sino sa kanila ang totoong Kiana?” nananabik na tanong ni Lady Hera sa pag-aakalang batid ng kaniyang kaharap kung sino sa dalawang Kiana na nasa akademya ang kaniyang pamangkin.

“Sa ngayon ay wala pong nakakaalam kung sino sa kanila ang totoong Kiana. Ngunit sa lahat ng napagtanungan ko ay iisa lamang ang itinuturo nila‚” maagap na tugon ng lalaki at sadya pa siyang tumigil para ihanda si Lady Hera sa sunod niyang sasabihin. Alam naman kasi niya na masyadong emosyonal si Lady Hera pagdating sa usapang pamilya kung kaya ayaw niya itong biglain lalo pa’t matinding hirap at lungkot ang pinagdaanan nito nang mangyari ang digmaan na ikinasawi ng kapatid nitong hari at ikinabagsak ng Ardor Kingdom.

“Lahat ng napagtanungan ko ay itinuturo ang babaeng nagmula sa mundo ng mga tao na kasamang dumating ng prinsipe ng Sapience Kingdom. Ngunit katulad ng prinsesa ng Mesh Kingdom ay wala rin itong maalala mula sa kaniyang nakaraan‚” pagpapatuloy ng lalaki na nakakuha ng atensyon ni Lady Hera.

Hindi na naiwasan pa ni Lady Hera ang mapaisip dahil sa kaniyang narinig patungkol sa tinutukoy ng kaniyang kausap na nagmula sa mundo ng mga tao. Kung totoo kasi ang sinabi nito na kasama itong dumating ni Prinsipe Kaiden ay malaki ang posibilidad na ito nga ang totoong Kiana dahil hindi naman ito dadalhin ng prinsipe sa kanilang mundo kung hindi ito si Kiana. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ni Lady Hera na noon pa man ay may kakaiba na sa pagtitinginan ng prinsipe at ng kaniyang pamangkin kaya maaaring nakilala ng puso nito si Kiana kahit pa nga walang maalala ang huli. Ngunit kahit na malaki nga ang posibilidad na ang babaeng nagmula sa mundo ng mga tao ang totoong Kiana ay hindi pa rin ito sapat para kay Lady Hera. Kakailanganin pa rin niya ng matibay na pruweba na magpapatunay na ito nga si Kiana lalo na’t may isa pang nagpapakilalang Kiana na maaari din namang siyang tunay niyang pamangkin.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon