ALTHEA’S POV
Kanina pang ala una natapos ang klase namin dahil maaga kaming na-dismiss sa hindi ko malamang dahilan. Pero wala pa rin ni anino ni Kaiden kahit na kalahating oras na ang nakalilipas at kalahating oras na rin akong naghihintay sa pagdating niya sa aming silid-aralan upang ako’y sunduin.
“Thea‚ hindi ka pa ba uuwi?” tanong ni Luna na hindi ko na mabilang pa kung pang-ilang beses na niyang itinanong sa ‘kin.
Kanina pa ako kinukulit ni Luna at magmula rin kanina ay hindi na siya humiwalay sa ‘kin. At talagang lumipat pa siya sa katabi kong upuan para lang kulitin ako.
“Mamaya pa siguro. May hinihintay pa ako e‚” walang buhay kong tugon nang ni hindi man lamang tinatapunan ng tingin si Luna.
Hindi naman sa ayaw kong kausap si Luna o labag sa loob ko ang makipag-usap sa kaniya kaya ko siya hindi tinatapunan ng tingin. Abala lang talaga ako sa pagtanaw sa bintana ng mga estudyanteng dumadaan sa pagbabaka sakaling makita ko si Kaiden.
“Sino bang hinihintay mo? Sundo mo?” nang-uusisang tanong ni Luna at nakisilip na rin siya sa bintana para tingnan ang tinitingnan ko.
“Yeah‚” tipid kong tugon habang nasa labas pa rin ang tingin ko.
“Ganoon ba? Sige‚ samahan na lang muna kita rito habang hindi pa dumadating ang sundo mo‚” pagboluntaryo ni Luna na ikinalingon ko sa kaniya.
Muntik naman na akong matawa nang makita ko ang ayos ni Luna paglingon ko sa direksyon niya. Abala na siyang magbasa ng libro at kung titingnan ay para bang nasa bahay lamang siya dahil sa paraan ng pag-upo niya. Nakaupo kasi siya sa katabi kong upuan habang nakapatong ang dalawa niyang paa sa mesang nasa harapan namin at nakapatong naman ang ulo niya sa ibabaw ng sandalan ng upuan niya kaya para na siyang nakahiga.
“Ano na namang gimik ‘yan?” mataray kong tanong kay Luna at pinagtaasan ko pa siya ng kilay para mas lalo akong magmukhang mataray sa paningin niya.
Kaagad namang napalingon sa direksyon ko si Luna at binigyan niya ako ng nagtatakang tingin.
“Anong gimik ka riyan? Seryoso kaya ako. Tss!” mataray ring tugon ni Luna saka bigla na lamang niya akong inirapan at mas pinili na lamang niyang ituon ang tingin niya sa kisame.
“Sabagay ganiyan naman talaga kayo. Kung sino pa ‘yong seryoso‚ sila pa ‘yong hindi ninyo pinaniniwalaan dahil mas naniniwala kayo sa isang taong walang ibang alam gawin kundi ang lokohin kayo nang paulit-ulit‚” dagdag pa ni Luna na ikinaawang ng bibig ko.
Nang makabawi ako mula sa pagkagulat ay basta na lamang kumilos ang kamay ko upang batukan si Luna para alugin ang utak niyang inaamag na yata.
“Aray!” daing ni Luna saka kaagad siyang napaaayos ng upo at bumaling siya sa direksyon ko habang himas-himas niya ang parte ng ulo niya na tinamaan ng kamay ko.
“Ang sakit no’n ah‚” reklamo ni Luna habang himas-himas pa rin niya ang ulo niya.
“Sorry. Akala ko kasi tulog ka pa. Kaya inalog ko ‘yang utak mo baka sakaling magising ka na sa kabaliwan mo‚” puno ng sarkasmong tugon ko.
Kaagad namang humaba ang nguso ni Luna dahil sa sinabi ko.
“Tss! Ikaw na nga itong sinasamahan‚ ikaw pa ang galit‚” nakangusong maktol ni Luna saka humalikipkip siya sa kaniyang upuan.
“Bakit? Sinabi ko bang samahan mo ‘ko?” mataray kong tanong para ipaalala kay Luna na walang pumilit sa kaniya na manatili sa silid at samahan akong maghintay sa pagdating ni Kaiden.
“E gusto lang naman kitang samahan para hindi ka maiwang mag-isa rito‚” mangiyak-ngiyak at sumisinghot-singhot na sagot ni Luna at nagkunwari pa siyang nagpupunas ng luha kahit wala namang luha sa mga mata niya.

BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...