SOMEONE’S POV
“Patawarin ninyo ako‚ kamahalan. Hindi ko po sinasadyang saktan siya. Nadala lang ako ng emosyon ko‚” nakayukong paghingi ng tawad ng isa sa aking mga alagad na si Jayda.
Si Jayda ang naatasan kong manmanan ang bawat kilos ng prinsesa upang matiyak ang kaligtasan nito ngunit sinuway ni Jayda ang utos ko at inilagay niya sa alanganin ang prinsesang pinababantayan ko sa kaniya. Sa pagsuway na ginawa niya ay maaaring ito pa ang maging mitya ng buhay ng prinsesa na hindi maaaring mangyari dahil sa oras na may nangyaring masama sa prinsesa ay masisira ang lahat ng plano ko dahil kasama niyang maglalaho ang kapangyarihang matagal ko nang inaasam.
“Isa kang hangal! Hindi ba’t malinaw ang utos ko sa ‘yo na huwag mo siyang sasaktan o huwag mo siyang hayaang masaktan dahil kailangan natin siya ng buhay!” nanggagalaiting sigaw ko sa aking alagad na siyang bukod-tanging may lakas ng loob na suwayin ang utos ko.
“Patawarin ninyo ako. Pangako‚ hindi na po mauulit‚” kinakabahang sagot ng aking alagad na bakas na ang takot dahil sa bahagyang panginginig ng kaniyang boses.
“Talagang hindi na mauulit dahil magmula ngayon ay hindi ka na muling papasok ng akademya! At bilang parusa sa ginawa mo ay ipapatapon kita sa piitan upang ikaw ang mamuno sa pagbabantay sa ating mga bihag. At sa oras na hindi mo nagawa nang tama ang ipinag-uutos ko at nakatakas ang ni isa sa mga bihag ay mananagot ka sa ‘kin!” pagtatalaga ko kay Jayda sa bago niyang tungkulin na may kasamang babala upang sa pagkakataong ito ay gawin na niya nang tama ang tungkuling iniatas ko sa kaniya.
Walang lugar ang pagkakamali sa mga plano ko kung kaya makabubuting ilagay ko si Jayda sa isang lugar kung saan hindi na niya masisira pa ang mga plano ko. Kaunting panahon na lang ang aming hihintayin kung kaya mas lalong kailangan naming maging maingat at hindi maaaring pumalpak ang sino man sa mga alagad ko. Maging ako ay hindi maaaring makampante at maupo na lang sa isang sulok dahil habang papalapit nang papalapit ang kaarawan ng prinsesa ay paubos din nang paubos ang aming oras.
“Masusunod po‚ kamahalan‚” nanginginig na sagot ni Jayda saka ito dali-daling umalis sa aking harapan upang sundin ang ipinag-uutos ko.
Nang mawala sa aking harapan si Jayda ay agad kong tinawag ang aking kanang-kamay upang siya naman ang aking kausapin at bigyan ng tungkulin nang sa gayon ay hindi maiwang bakante ang tungkuling iniwan ni Jayda na lubhang napakahalaga dahil ito lang ang tanging paraan para masubaybayan namin ang prinsesa at malaman namin ang bawat kilos niya.
“Ulises!” tawag ko sa isa sa aking mga pinagkakatiwalaang alagad na siyang tanging maaasahan ko.
Wala pang limang segundo ay bigla na lamang sumulpot sa aking harapan si Ulises na kaagad na nagbigay-galang sa akin.
“Ano pong maipaglilingkod ko‚ kamahalan?” nakayuko at magalang na tanong ni Ulises.
“Patuloy mong subaybayan ang prinsesa at huwag na huwag mong aalisin ang paningin mo sa kaniya. Maliwanag ba?” mariin kong utos upang tumatak ito sa isipan ni Ulises at mabatid niya na seryosong bagay ito at hindi siya maaaring pumalpak.
“Masusunod po‚ kamahalan‚” maagap na tugon ni Ulises.
“Makakaalis ka na‚” pagpapaalis ko kay Ulises dahil wala naman na akong kailangan pa sa kaniya.
Kung gaanong kabilis na lumitaw si Ulises nang siya’y tawagin ko ay ganoon din siya kabilis na naglaho.
Nang maiwan akong mag-isa sa aking trono ay kusang nanariwa sa aking isipan ang ibinalita sa akin ni Jayda matapos ang naging laban nila ng prinsesa. Nabanggit niya sa akin lahat ng naganap at sa lahat ng nabanggit niya ay doon ako mas humanga sa sinabi niya tungkol sa dugo ng prinsesa na ayon sa kaniya ay nagiging ginto.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasíaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...