ALTHEA’S POV
“Kiana‚” pagtawag ng isang boses na nakaagaw ng atensyon ko.
Dali-dali kong inilibot ang tingin ko sa paligid upang hanapin ang pinagmulan ng boses na aking narinig. Ngunit kahit halos mahilo na ako sa kaiikot ko para lamang ilibot ang tingin ko sa paligid ay bigo pa rin akong mahanap ang may-ari ng boses na narinig ko. Wala naman kasi akong makita ni aninong nakakalat sa paligid. Tanging mga ulap lamang ang nakikita ko na nasa may paanan ko at tinatapakan ko. Bukod dito ay may natatanaw rin akong gintong palasyo hindi kalayuan sa akin na sobrang taas at kinang.
Muli ko pang inilibot ang tingin ko sa paligid‚ hindi para hanapin ang nagsalita kanina kundi para alamin kung nasaan ako. Ngunit katulad kanina ay bigo rin akong masagot ang tanong sa isipan ko. Ni wala nga akong ideya kung paano ako napadpad sa lugar na ngayon ay kinaroroonan ko.
Teka... Nasa langit ba ako? Kung oo‚ ibig bang sabihin nito ay patay na ako? Pero paano? Wala naman akong matandaang namatay ako. Ang huling naaalala ko ay nag-ensayo kami ni Ali buong magdamag at pagkatapos ay dumiretso na ako sa silid ko para matulog. Kaya imposibleng...
“Tumuloy ka sa aming kaharian. Halika‚ lumapit ka‚” sambit ng kung sino sa nakahahalinang boses na pumutol sa pag-iisip ko.
Hindi ko alam kung anong kapangyarihan mayroon ang nagmamay-ari ng tinig na narinig ko pero namalayan ko na lamang ang sarili ko na tinatahak ang daan patungo sa gintong palasyong nasa aking harapan.
“Sige‚ lumapit ka. Pasok. Pumasok ka sa aming kaharian‚” muling sambit ng tinig na kanina ko pang naririnig‚ dahilan para mas bilisan ko pa ang paglapit ko sa palasyong gawa sa ginto.
Nang sandaling makalapit ako sa palasyo at tumigil ako sa mismong tapat ng pinto nito ay ganoon na lamang ang gulat ko nang kusang bumukas ang gintong pintong nasa aking harapan na napapalamutian ng mga makikinang na hiyas. Ngunit sa kabila ng pagkabigla ko at pagkalito ko sa kung bakit kusang bumukas ang pinto at kung bakit hindi kita ang loob ng palasyo mula sa labas kahit pa nakabukas na ang pinto ay walang pag-aalangan pa rin akong pumasok ng palasyo kung saan ay isang nakakasilaw na puting liwanag ang bumungad sa akin pagtawid ko sa kung anumang mahikang bumabalot sa entrance para ikubli ang loob ng palasyo.
Agad naman akong napaiwas ng tingin at napatakip ng mga mata ko dahil sa nakakasilaw na liwanag na sumalubong sa akin sa pagpasok ko ng palasyo.
“Maligayang pagdating sa aming kaharian‚” sambit ng maraming tinig na sabay-sabay na nagsalita.
Dahil sa narinig kong mga boses ay agad kong ibinaba ang kamay kong nakatakip sa mga mata ko at salubong ang kilay kong hinanap ang kinaroroonan ng mga nagsalita. Agad namang nahanap ng mga mata ko ang pinagmulan ng mga boses na narinig ko at ganoon na lamang ang pag-awang ng bibig ko at pamimilog ng mata ko nang mga naggagandahan at nagguguwapuhang nilalang ang nasilayan ko. Sa bilang ko ay sampu silang lahat. Pare-pareho silang nakaupo sa mga magkakahilerang trono na nakapuwesto sa isang mahabang elevated stage. Ngunit sobra ng isa ang tronong naroon sa entablado hindi kalayuan sa akin dahil sa gitna ng sampung upuan ay may isang bakanteng trono na higit na mas elegante at mas malaki kumpara sa sampung tronong kahilera nito.
Hindi naman mahirap bilangin kung ilan ang lalaki at ilan ang babae sa mga nakaupo sa trono dahil magkahiwalay ang mga lalaki at mga babae. Nasa kanang bahagi ng bakanteng trono ang mga babae at nasa kaliwa naman ang mga lalaki. Bale lima ang babae at lima rin ang lalaki at lahat sila ay nakasuot ng puting mahabang kasuotan at gintong sinturon. Pare-pareho din silang nakasuot ng koronang gawa sa ginto.
Lahat ng lalaki ay nakasuot ng puting kasuotan na hanggang talampakan ang haba. Nakatali sa kanilang kanang balikat ang isang parte nito habang ang kabila naman ay nakalaylay lamang sa may bandang kili-kili nila. Ang kanila namang mga sapin sa paa ay kulay ginto. May suot din silang gintong pulseras sa magkabilang kamay na kung hindi ako nagkakamali ay kayang salagin ang anumang matulis na bagay.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
