HERA’S POV
“Thara? Fabian?” gulat kong tanong nang makilala ko kung sino ang mga tinutukoy ni Kiana na kasama niyang nagbalik.
Tila naging hudyat naman ang pagsasalita ko upang magkahawak-kamay na maglakad sina Thara at Fabian palapit sa trono. At habang naglalakad sila palapit sa kinaroroonan namin ng pamangkin ko ay hindi ko magawang lubayan sila ng tingin. Hindi ko rin magawang kumilos mula sa aking kinatatayuan dahil hindi ko magawang paniwalaan ang nakikita ko. Hindi ko magawang paniwalaan na makalipas ang mahabang panahon ay muli kong makikita ang dalawang nilalang na nagawa akong lokohin at saktan sa kabila ng pagtitiwalang ibinigay namin sa kanila ng namayapa kong kapatid.
Habang sinusundan ko pa rin ng tingin sina Fabian at Thara ay hindi ko na napigilan pa ang biglang pagpasok ng mga tanong sa aking isipan. Bakit sila nandito? Anong ibig sabihin nito? Hindi ba’t wala silang maalala‚ kaya paanong nakarating sila rito? At bakit nila kasama ang pamangkin ko?
“Ate‚ sila ang mga nag-alaga at kumupkop sa ‘kin noong mga panahong wala akong maalala sa nakaraan ko. Sila ang nakakita sa akin sa kakahuyan na walang malay‚” wika ni Kiana na tila ba ay nababasa niya ang iniisip ko.
Matapos masagot ng sinabi ni Kiana ang tanong sa isipan ko ay mapait na lamang akong napangiti. Napakamapagbiro nga naman talaga ng tadhana. Kung sino pa iyong mga ipinatapon namin sa kabilang mundo para hindi na namin makita pa ay ang siya pang nag-alaga at nag-aruga sa aking pamangkin.
Talaga bang nananadya ang tadhana at gusto kami nitong paglaruan? O ito ang paraan ng tadhana upang muli kaming magkaharap-harap? Ngunit hindi na mahalaga pang masagot ang tanong ko. Anuman ang dahilan ng tadhana sa muling pagkakaharap-harap naming tatlo ay hindi ko na iniisip pa. Ang tanging nasa isip ko na lang ngayon ay kung paano lalabanan ang sakit sa loob-loob ko na bigla na lamang ulit nabuhay at nanariwa matapos kong makaharap ang mga dumurog sa puso ko.
“Hera‚” sambit ng isang baritonong boses sa pangalan ko na pumukaw ng atensyon ko.
Dahil sa baritonong boses na aking narinig ay napakurap ako nang ilang beses. At sa ikatlong pagkurap ko ay doon ko lamang napansing nasa harapan ko na pala sina Thara at Fabian‚ dahilan para bahagya akong mapaigtad dala ng gulat. Ngunit hindi ko ito ipinahalata sa kanila. Sa halip kasi na ipakita ko sa kanilang hindi ko namalayan ang kanilang paglapit ay taas-noo kong sinalubong ng malamig na tingin ang nangungusap na tinging ipinupukol nila sa ‘kin.
“Hera‚ nandito kami upang humingi ng tawad sa nagawa naming kasalanan sa ‘yo‚” wika ni Fabian sa mahinang boses na mukhang nagdadalawang-isip pang ungkatin ang nakaraan.
Dahil sa sinabi ni Fabian ay bigla akong may napagtanto. Ngayon ko lang napagtanto na hindi nga pala namin pinakinggan ang paliwanag nila noon dahil hindi namin sila hinayaang magsalita. At sa halip na pakinggan sila sa kung anumang maaari nilang sabihin ay pinarusahan namin sila noon agad-agad dahil sa labis na galit namin sa kanila. Kaya marahil ay ito na ang tamang pagkakataon upang pakinggan ko ang kung anumang sasabihin nila dahil tadhana na mismo ang gumawa ng paraan para makapag-usap kaming tatlo.
Minsan na akong nagpadala sa galit ko at buong buhay ko iyong pinagsisihan at hindi ako pinatahimik ng aking konsensya. Kaya ngayon ay itatama ko na kung anuman ang pagkakamaling nagawa ko sa nakaraan. Panahon na marahil para palayain ko ang sarili ko mula sa sakit at galit dahil oo nga’t nagkasala sila sa ‘kin dahil sa panlolokong ginawa nila pero siguro naman ay sapat na ang parusang iginawad namin sa kanila.
Ang gusto ko lang naman malaman magmula pa noon ay kung paano nila ako nagawang lokohin. Ngunit wala ako noong lakas ng loob na pakinggan sila dahil nga nagpadala ako sa galit at naging sarado ang isipan ko. Nagpadalos-dalos din ako sa desisyon kong parusahan sila na sa halip na maghatid sa akin ng tuwa ay naging dahilan pa para gabi-gabi akong bagabagin ng aking konsensya dahil sa pag-aalala ko kung ano na bang nangyari sa kanila at kung nasa maayos ba silang kalagayan.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasíaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
