ALTHEA’S POV
Unti-unti akong nagising mula sa pagkakahimbing ko nang may marinig akong bulungan sa paligid ko. At habang unti-unti kong iminumulat ang mga mata ko ay bigla na lamang lumakas ang mga boses na naririnig ko na bahagya kong ikinangiwi.
“Nagigising na ang panauhin!”
“Ipagbigay-alam ito sa reyna!”
Narinig ko pa ang pagmamadaling umalis ng kung sinong inutusang magbigay-alam sa reyna na nagising na ako bago ko tuluyang maimulat ang mata ko. Ngunit sa pagmulat ko ay nabigo akong maaninag agad kung sino-sino ang mga nasa harapan ko dahil medyo nag-a-adjust pa ang paningin ko sa liwanag na bumungad sa akin at idagdag pang wala akong kain at panay pa ang iyak ko.
Ilang segundo pa ang hinintay ko bago luminaw ang paningin ko at kasabay ng paglinaw ng paningin ko ay ang pagbalikwas ko ng bangon at bahagya kong pag-atras dahil sa bumungad sa akin.
“Sino kayo?” agad kong naitanong saka wala sa sariling sinuyod ko ng tingin ang paligid para alamin kung nasaan ako at kung sino-sino o ano-ano ang mga nilalang na nasa magkabilang gilid ko.
Sa pagsuyod ko ng tingin ng aking paligid ay doon ko lamang napagtanto na ang kanina palang kinahihigaan ko na kasalukuyan ko nang inuupuan ay isang parihabang bato na nilagyan lamang ng kulay gintong unan at malambot at makapal na kulay gintong tela upang magsilbing comforter. Napapalamutian ito ng iba’t ibang uri ng naggagandahang bulaklak sa palibot nito. Sa paligid naman ay may mga nakahanay na matatayog na puno na gumawa ng malaking parisukat na hugis. Dikit-dikit ang mga punong ito na tila ba bakod ngunit may malaking puwang sa bandang harapan at likuran ko na tila ba doon ang daan palabas at papasok ng kinaroroonan ko na tanging malawak na damuhan lamang ang makikita. Ngunit hindi lamang mga ordinaryong damuhan o puno ang nasa paligid ko. Ito’y sobrang kikinang na para bang binudburan ito ng kung anong diyamante‚ ginto o hiyas. Hitik din sa bunga ang mga puno at sobrang tatayog ng mga ito. Ngunit sa halip na mamangha ako sa nakikita ko ay takot ang naramdaman ko dahil sa iba’t ibang uri ng nilalang na nasa magkabilang gilid ng batong kinauupuan ko katulad ng duwende‚ ogre‚ centaur at marami pang iba na hindi ko malaman kung ano dahil sa itsura nilang hindi ko mawari kung ano na buong akala ko ay sa fantasy books o movies lang nag-e-exist. Mayroon ding mga nagliliwanag na paruparo at mga katulad ni Ayesha na nagliliparan sa paligid. Ngunit ang higit na nakakuha ng atensyon ko ay ang iilang charmers na nakangiting nakatitig sa akin na tila ba nasiyahan silang makakita ng kauri nila.
“Huwag kang matakot. Hindi kami kaaway at wala kaming tangkang saktan ka kung iyon ang inaalala mo‚” wika ng isang babaeng duwende sa matinis na boses. Nakaupo ito sa kaliwang balikat ng isang lalaking charmer na nasa kanan ko.
“Nasaan ako? Anong ginagawa ko rito? Saka bakit ako nandito?” sunod-sunod kong tanong para malinawan ako sa kung nasaan ako ngayon.
“Nasa isang lugar ka sa loob ng Fantasia na walang ibang nakakaalam maliban sa aming mga narito. Natagpuan ka naming nakahiga rito at walang malay kung kaya binantayan ka namin hanggang sa ika’y magising‚” tugon ng centaur na nasa kaliwa ko.
“Kung ganoon ay ibalik na ninyo ako sa akademya. Hinahanap na ako ng mga kaibigan ko‚” agad kong wika at sa hindi ko malamang dahilan ay wala akong naramdaman kahit kirot man lang matapos kong mabanggit ang salitang ‘kaibigan’ at matapos kong maalala kung paano ako binalewala at tinapon na parang basura ng mga taong tinuring kong kaibigan. Sa katunayan ay magaan na ang pakiramdaman ko magmula paggising ko na para bang walang nangyari.
Wait! Hindi kaya nasa loob ako ng isang panaginip kaya biglang magaan na ang pakiramdam ko? At kung tama ako‚ maaaring panaginip lang din iyong nakita kong liwanag!
“Hindi ka na namin kailangan pang ibalik sa akademya sapagkat nasa loob ka pa rin naman ng akademya‚” sagot ng babaeng duwende na awtomatikong nagpalingon sa akin sa kaniyang direksyon nang may naguguluhang ekspresyon.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasiIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
