THIRD PERSON’S POV
Isang lalaki ang nakaupo sa napakalaki ngunit nakakakilabot na trono. Nakasuot ito ng napakagarang damit na katulad ng kasuotan ng mga hari ng iba’t ibang kaharian. Ngunit higit na nangingibabaw ang napakaitim nitong kapa na may talukbong at hanggang talampakan ang haba. Natatakpan ng talukbong nito ang kaniyang buong mukha at tanging bibig lamang nito ang nakalabas. At dahil dito ay wala pa ni isa man sa kaniyang mga kawal ang nakakita ng kaniyang misteryosong mukha. Tanging ang kaniyang kinikilalang ina na siyang nag-alaga sa kaniya mula pagkabata ang nakakaalam ng kaniyang mukha sa likod ng kaniyang talukbong.
Walang sinuman ang makatingin sa hari nang diretso sa kaniyang mga mata dahil sa nakakatakot nitong awra na magpapatigil sa iyong paghinga at magpapangatog sa iyong tuhod. Kung kaya nakayuko lamang sa kaniyang harapan ang isang babaeng nakasuot ng itim na kapang may talukbong at hindi nito magawang mag-angat ng tingin sa hari.
“Isang babaeng natatangi
Kapangyarihang taglay ay hindi mawari
Nakatakdang tumapos sa iyong paghahari.Sa kabilugan ng buwan‚
Magaganap ang kinatatakutan.
Babaeng makapangyarihan
Maghahari sa sanlibutan‚” sambit ng babaeng nakasuot ng itim na kapa sa nakakakilabot na tinig ngunit hindi man lamang natinag sa kaniyang nakakakilabot na tinig ang hari. Mas napako ang atensyon nito sa kaniyang winika.Dahil sa narinig ay agad na nagalit ang hari at tumayo ito mula sa kaniyang pagkakaupo.
“Umalis ka na! Wala kang silbing gabay!” galit na galit na sigaw ng hari sa babaeng nasa kaniyang harapan na binabalot na ng labis na takot dahil sa kaniyang inasal.
Agad na naging itim na paruparo ang babae at unti-unting naglaho sa harapan ng hari.
“Jayda!” tawag ng hari sa isa sa mga pinagkakatiwalaan niyang kawal.
“Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo‚ mahal na hari?” magalang at nakayukong tanong ng babaeng tinawag na Jayda ng hari.
Muling naupo ang hari sa kaniyang trono bago ito muling nagsalita.
“Ano na ang balita sa pinagagawa ko sa ‘yo?” maawtoridad na tanong ng hari kay Jayda sa kalmado nang boses.
“Hindi ko pa rin po siya nakikita. Ngunit mayroon po akong nabalitaan mula sa aking paglalakbay‚” pag-uulat ni Jayda habang nakayuko pa rin siya sa harapan ng hari.
Bigla namang nangunot ang noo ng hari. Hindi niya maiwasang magtaka sa kung ano ang balitang tinutukoy ni Jayda.
“Anong balita?” puno ng kuryusidad na tanong ng hari sa seryosong boses.
Agad namang nag-angat ng tingin si Jayda dahil nais niyang makita ang magiging reaksyon ng kanilang hari sa balitang dala niya sa kabila ng talukbong na nakatakip sa mukha nito.
“Kasalukuyan pong nasa mundo ng mga tao ang prinsipe ng Sapience Kingdom‚” walang paligoy-ligoy na sagot ni Jayda.
Napangiti nang makahulugan ang hari na ikinahinga nang maluwag ni Jayda. Hindi maiwasang matuwa ni Jayda dahil sa kabila ng pagkabigo niyang mahanap ang pinahahanap nito ay nagawa pa rin niyang mapasaya ang hari sa dala niyang balita.
“Tch! Hindi pa rin siya nagbabago. Gagawin ang lahat masunod lamang ang nais‚” nakangising sambit ng hari habang nakatingin sa kawalan na tila ba may naalala ito mula sa nakaraan.
Nagtaka si Jayda sa naging reaksyon ng kanilang hari ngunit hindi na lamang niya ito pinansin dahil wala siya sa lugar para magtanong sa hari. Isa lamang siyang kawal at lubha niya itong kinatatakutan dahil isang kumpas lamang ng kamay nito ay maaari na siyang bawian ng buhay sa mismong kinatatayuan niya.
Ibinalik ng hari ang kaniyang tingin kay Jayda habang nakapaskil pa rin sa mukha niya ang nakakakilabot na ngisi.
“Makakaalis ka na‚” utos ng hari kaya agad na yumuko si Jayda bilang paggalang bago tuluyang umalis.
“Hindi ka pa rin talaga nagbabago‚ Kaiden.” Muling gumuhit ang isang malademonyong ngisi sa labi ng hari na tila ba may kung ano itong binabalak na masama.
“Ulises!” tawag ng hari sa isang lalaki na nakatayo lamang sa isang sulok kausap ang ilan sa mga kawal ng kastilyo.
Agad na nagpaalam si Ulises sa kaniyang mga kausap at matikas na naglakad patungo sa harapan ng hari.
“Mahal na hari‚” puno ng paggalang na sambit ni Ulises habang nakayuko bilang tanda ng pagbibigay galang sa kanilang hari.
“Pamunuan mo ang lahat ng kawal at sanayin mo sila para sa napipintong digmaang magaganap sa kabilugan ng buwan sa mismong kaarawan ng pinakamamahal na prinsesa ng Ardor Kingdom‚” mahabang pahayag ng hari.
“Masusunod po‚ mahal na hari. Asahan po ninyong gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang maging mahusay sa pakikipaglaban ang lahat ng ating kawal‚” puno ng determinasyong sagot ni Ulises nang nakayuko pa rin.
“Mahusay‚ Ulises. Talagang maaasahan ka. Ngayon din ay simulan mo nang sanayin ang mga kawal‚” utos ng hari.
Dali-daling umalis si Ulises at agad tinipon lahat ng kanilang kawal upang umpisahan na ang pagsasanay para sa napipintong digmaan sa pagbabalik ng prinsesang nakasaad sa propesiya.
“Kaunting panahon na lang at magkikita na rin tayong muli‚ mahal kong prinsesa. At kapag nangyari ‘yon ay mapapasaakin na rin ang kapangyarihan mo. Hahahahaha!”
Dumagundong sa buong kaharian ang malademonyong tawa ng hari na naghatid ng kilabot sa lahat ng nakarinig nito.
“Mahal kong anak‚” nakangiting bati ng isang babae sa hari. Ito’y mahigit tatlumpung taong gulang at nakasuot ng itim na gown na nakasayad sa sahig na hapit na hapit sa kaniyang katawan.
Dali-daling bumaba sa trono ang hari at sinalubong ng isang napakainit na yakap ang babaeng nasa kaniyang harapan.
“Ina‚ nagbalik kayo‚” nakangiting salubong ng hari sa babae na ilang araw na ang nakalilipas nang huli niyang masilayan.
“Aalis din ako kaagad upang puntahan ang isang kaibigan. Nagbalik lamang ako upang alamin kung may balita ka na ba sa prinsesa‚” agad na pahayag ng babae sa kaniyang sadya na tila ba may hinahabol siyang oras.
Bakas sa mukha ng babae ang pagkapanabik sa maaaring ibalita sa kaniya ng kaniyang anak. Matagal nang inaasam ng ginang na makitang muli ang prinsesa upang maisakatuparan ang matagal na niyang nais—ang mapatay ng itinuturing niyang anak ang prinsesa ng Ardor Kingdom at mapasakanila ang kapangyarihang taglay nito at maging ang pamumuno sa buong Fantasia.
“Hindi pa rin namin siya nahahanap pero mukhang mapapadali na ang paghahanap sa kaniya ni Jayda dahil maging ang prinsipe ng Sapience Kingdom ay nasa mundo na rin ng mga tao. Maaaring siya ang makapagdala sa atin palapit sa prinsesa‚” masayang balita ng hari sa kaniyang ina.
“Magaling. Hindi talaga ako nagkamali sa pagpili sa ‘yo upang pamunuan ang ating kaharian. Sa ngayon ay hindi na ako mababahala kahit nasa malayo ako dahil alam kong nariyan ka upang itaguyod ang ating kaharian at isakatuparan ang matagal na nating pinakaaasam‚” puri ng ginang sa kaniyang anak na labis na ikinatuwa ng hari.
Nais pa sana ng hari na pahabain ang kanilang usapan ngunit hindi na niya nagawa pa ang kaniyang nais dahil pinutol na ng ginang ang kanilang usapan.
“Naisin ko mang manatili sa tabi mo ngunit hindi maaari dahil marami pa akong dapat gawin na naaayon sa ating hangarin. Ngunit babalik ako ilang araw matapos ang kabilugan ng buwan upang ipagdiwang ang ating tagumpay. Hahahahaha!”
Unti-unti nang naglalaho ang babae ngunit ang tawa nito ay dumadagundong pa rin sa buong kaharian.
“Hanggang sa muli‚ mahal kong anak!” pahabol pa ng ginang.
Wala na sa kaharian ang ginang ngunit narinig pa rin ng hari ang huling sinabi nito.
Napangiti na lamang nang mapait ang hari dahil maiiwan na naman siyang mag-isa sa kaniyang trono. Ilang araw‚ gabi‚ linggo at buwan na naman ang lilipas bago niya muling masisilayan ang mukha ng kaniyang pinakamamahal na ina.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...