CHAPTER 51: FIGHT OFF

1.7K 47 0
                                        

ALTHEA’S POV

Maaga pa lamang ay nakahanda na ako sa pagpasok‚ hindi dahil excited ako sa magaganap na tagisan ng lakas kundi dahil sa naiilang ako kay Kaiden at gusto kong pumasok nang maaga para hindi kami magpang-abot. Sino ba naman kasing hindi maiilang na humarap sa lalaking tinulugan mo matapos mong iyakan at pakiusapang huwag kang iwan? Kahit sino naman siguro ay maiilang. Saka hindi lang naman kasi ordinaryong lalaki si Kaiden. Prinsipe siya ng kaharian kaya mas lalong nakakahiya ang pinaggagagawa ko kagabi.

“Thea‚ nakahanda na ang almusal‚” imporma sa akin ni Sara na nagpalingon sa akin sa direksyon niya.

Nakatayo lamang si Sara malapit sa pinto ng silid habang diretsong nakatingin sa direksyon ko. Tila pumunta lamang siya sa silid upang sunduin ako at ihatid ako sa dining room kung saan ay tiyak kong naghihintay na sa akin ang buong pamilya nina Kaiden.

“Salamat na lang‚ Sara. Pero sa akademya na lang ako mag-aalmusal‚” maagap kong tugon saka agad na rin akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sa upuang nasa tapat ng dressing table.

Nang makatayo ako at maisukbit ko sa balikat ko ang bag ko ay muli kong hinarap si Sara para maayos na magpaalam.

“Sige‚ una na ako‚” paalam ko kay Sara saka agad na akong nag-teleport patungong akademya nang hindi na binibigyan pa si Sara ng pagkakataong sumagot para hindi na niya ako magawa pang pigilan sa pag-alis ko.

Nang marating ko ang tapat ng tarangkahan ng akademya ay kusa na lamang sumilay sa labi ko ang masayang ngiti nang biglang sumagi sa isipan ko ang dahilan kung bakit ako maagang papasok ngayon. Hindi ko alam pero ang kaninang pagkailang na nararamdaman ko ay bigla na lamang napalitan ng hindi maipaliwanag na saya matapos kong makalayo sa palasyo. Ngunit anuman ang dahilan ng ngiti ko ay hindi na mahalaga. Ang mahalaga ay nagawa kong iwasan si Kaiden. Tama! Iyon ang tanging mahalaga!

Matapos kong makumbinsi ang sarili ko sa kung ano nga bang mas mahalaga ngayon ay nakangiti akong nagpakawala ng malalim na buntong-hininga bago ako masayang naglakad patungong classroom.

Sa paglalakad ko ay hindi mawala-wala ang ngiting nakapinta sa labi ko. At ang ngiti kong ito ay sinabayan pa ng pagtalon-talon ko at pag-swing ng kamay ko na para bang namamasyal ako sa isang park. Ngunit agad na naputol ang pagpapatalon-talon ko nang may kung sinong umakbay sa ‘kin na nakaagaw ng atensyon ko at nagpalingon sa akin sa gawing kanan ko kung saan bumungad sa akin ang nakangiting si Yael na siya palang umakbay sa ‘kin.

“Ang saya mo yata ah‚” komento ni Yael.

Bago ko pa man maibuka ang bibig ko para tugunin ang sinabi ni Yael ay bigla na lamang may pumulupot sa kaliwang braso ko na nakakuha ng atensyon ko.

“Ikaw ah. May hindi ka ba sinasabi sa ‘min?” tanong naman ni Flor na mahigpit nang nakahawak sa kaliwang braso ko.

“H-Huh? A-Ako? May hindi sinasabi? W-Wala! Kayo talaga‚ kung ano-anong iniisip ninyo. Masaya lang ako‚” nahihirapang sagot ko para lamang hindi na magpumilit pa sina Flor na alamin ang dahilan ng ngiti ko.

“Okay. Sabi mo e. Pero seryoso‚ ano ngang mayro’n?” muling pang-uusisa ni Flor at tinusok-tusok pa niya ang tagiliran ko para lamang paaminin ako.

“Wala nga‚” mariing tanggi ko. “Excited lang ako para sa magaganap na battle‚” dagdag ko nang mapansin kong may balak na namang mangulit si Flor.

“Ako rin!” pagsegunda ni Flor saka ipinatong niya sa balikat ko ang baba niya at nakangiti niyang sinalubong ang tingin ko. “Suportahan mo ako ah‚” nakangiting dagdag niya.

“Huwag kang mag-alala‚ susuportahan ka namin. Siguraduhin mo lang na hindi mo kami ipapahiya‚” pabirong wika ni Yael na bigla na lang nagkandahaba-haba ang braso dahil maging si Flor ay nagawa na rin niyang akbayan na panay ang reklamo dahil sa bigat daw ng braso niya.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon