ALTHEA’S POV
Maayos na ang lahat. Nagkapatawaran na sina ama‚ mommy at daddy. Sa nakikita ko nga ay mukhang unti-unti nang bumabalik ang tibay ng kanilang samahan. Kung hindi ko nga lang sila kilala ay iisipin kong magkapatid sina daddy at ama sa sobrang lapit nila sa isa’t isa.
Dahil sa mga nangyari ay pakiramdam ko ako na siguro ang pinakamasayang anak sa mundo dahil ang kinilala at tunay kong mga magulang ay muli nang nagkaayos. Sa katunayan ay kasalukuyan kaming nasa dining hall at salo-salong kumakain bilang isang buong pamilya— ako‚ sina ina‚ ama‚ daddy‚ mommy‚ ate at Kaizer.
Umuwi na muna sa kani-kanilang kaharian ang royalties at kasama ni Jane sina Tita Claire at Tito Chris. Pero syempre ay nagkadramahan muna sa pagitan namin nina mommy‚ daddy‚ Jane‚ tita at tito dahil ngayon na lang ulit kami nagkasama-sama. Hindi nga rin sina mommy makapaniwala na buhay sila dahil ngayon ko lang din pala naipakita sa kanila si Jane sa pagiging abala ko.
Sina Ali‚ Yael‚ Flor at Luna ay umuwi na rin sa kani-kanila nilang mga tahanan kasama ang kanilang mga pamilya.
Alam kong may pangako pa ako kay Kaizer na dapat kong tuparin at isasakatuparan ko ‘yon sa lalong madaling panahon. Pero sa ngayon ay gusto ko munang i-enjoy ang moment na ito dahil hindi pa rito natatapos ang lahat. Simula pa lamang ito at maaaring hindi na ako makaligtas sa ikalawang laban.
“Ang sarap pala ng ganito. Buo tayong pamilya at sabay-sabay tayong kumakain‚” natutuwang sambit ko.
Noon kasi ay minsan lang kami magkasabay-sabay kumain dahil nga sa sitwasyon ni Kaizer na kailangan pa namin siyang itago. Kaya madalas ay ako lang ang nakakasabay niyang kumain dahil kasingtigas ng bakal ang ulo ko. Kahit na pinagbabawalan kasi ako nina ina na puntahan si Kaizer ay panay ang takas ko. Minsan nga ay kinukumutan ko ang mga unan ko na ginawa kong korteng tao para isipin nilang natutulog ako pero ang totoo ay nasa silid ako ni Kaizer at nakikipagkulitan sa kaniya at madalas ay doon na rin ako natutulog. Halos hindi na nga ako mapirmi sa sarili kong kwarto noon dahil kung wala ako sa silid ni Kaizer ay nasa Trio naman ako. At kung wala ako ro’n ay na kina Kaiden‚ Jane o Kaleb ako.
“Ako man‚ anak‚ ay natutuwa. Buong akala ko ay mabubulok na kami sa kulungang iyon ng ama mo ngunit dumating kayo ni Kaizer at iniligtas ninyo kami‚” natutuwa ring wika ni ina na malambot ang ekspresyon ng mukha habang nakatingin sa amin ni Kaizer.
“Kiana‚ anak‚ mabuti na lamang at napalaya mo na ang kapatid mo mula sa kasamaan dahil kami ng ina mo ang nasasaktan tuwing nakikita namin siyang nasa ilalim ng kapangyarihan ng kadiliman‚” may bahid ng lungkot na wika ni ama.
Dahil sa sinabi ni ama at sa lungkot na mababakas sa boses niya ay bigla kong naisip na marahil ay nakita nila noon si Kaizer na nasa ilalim ng kasamaan at maaaring isa rin ito sa nagpahirap sa kanila sa loob ng kulungan. At maaaring iyon ang dahilan kung bakit may takot at pag-aalangan akong nakita sa mga mata ni Kaizer nang nasa tapat na kami ng pinto ng pinagkulungan kina ina. Kung hindi pa nga siya tinawag ni ama ay hindi pa siya kikilos mula sa kinatatayuan niya.
“Wala po iyon‚ ama. Lahat ay handa kong gawin para kay Kai kahit na puro pang-aasar lang ang alam niyang gawin sa buhay‚” natatawang sagot ko na sinadya kong iparinig sa katabi kong si Kaizer.
“Aba‚ nagsalita ang isa pang mahilig mang-asar. E ikaw kaya ang palaging nauuna. Ipinagtatanggol ko lang ang sarili ko‚” mariing pagtatanggol ni Kaizer sa kaniyang sarili saka agad niyang ibinaling ang tingin niya kay ina na nasa katapat na upuan ng katabi kong si ate. “Hindi ba‚ ina?” tanong pa ni Kaizer kay ina na para bang gusto niyang kampihan siya ni ina.
“Naku! Naku! Nagtuturuan na naman kayo. Kumain na nga lang kayo at baka sa kilitian pa mauwi ‘yang asaran ninyo‚” tumatawang pag-awat sa amin ni ina.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
