CHAPTER 21: HEALING

2.5K 83 10
                                        

KAIDEN’S POV

Kanina pa ako naghihintay kay Thea sa Mystical Park pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dumarating gayong halos isang oras na ang lumipas. Hindi ko tuloy maiwasang mag-isip ng hindi maganda dahil kanina pa masama ang kutob ko. Nagpaalam lang kasi siyang magbabanyo kaya dapat ay kanina pa siya nandito.

Sa kabila ng pagkabahala ko ay mas minabuti ko na munang palipasin ang oras sa pag-asang darating din si Thea at sadyang natagalan lamang siyang bumalik. Ngunit habang lumilipas ang oras ay mas lalo lamang akong nababahala. Malinaw ko na ring nararamdamang may hindi magandang nangyari kaya agad akong nagpunta ng banyo para sundan siya. Ngunit hindi pa man ako tuluyang nakakarating ng banyo ay agad na akong napatigil sa aking paglalakad dahil sa mga nagkakagulong estudyante na nakaharang sa pasilyo. Ito’y walang iba kundi ang Trio na mukhang may napagtripan na namang estudyante na kasalukuyan nilang pinagtutulungan.

Hindi ko makita kung sino ang kawawang estudyante na pinagtutulungan ng Trio. Ang nakikita ko lang ay ang Trio mula sa Ardor Kingdom na sina Vera‚ Ember at Penelope. Si Vera ay nakadagan sa isang babaeng nakahiga sa sahig habang sinasampal niya ito habang si Penelope naman ay sinasabunutan ito at si Ember ay panay ang sipa sa babae.

Hindi ko magawang makita ang mukha ng babae kahit anong pilit ko dahil natatakpan ito ng Trio at idagdag pang nakatabing sa mukha nito ang nagulo nitong buhok.

Nang hindi na ako makatiis na nanonood lang sa nangyayaring gulo sa aking harapan na siyang dahilan ng pagkaantala ng pagpunta ko sa kinaroroonan ni Thea ay napagpasyahan kong awatin na ang Trio upang mawala na sila sa aking landas at upang matigil na ang pambubugbog nila sa kanilang biktima. Ngunit bago ko pa man maihakbang ang aking paa ay bigla na lamang tumilapon sa ere ang Trio kasabay ng malakas na pagsigaw ng babaeng kanilang pinagtutulungan. Ngunit sa kabila ng kanilang pagtilapon sa ere ay hindi pa rin sila tuluyang bumagsak sa damuhan dahil tumigil sila kasabay ng pagtigil ng mga dahong nahuhulog mula sa puno na makikita sa paligid.

Dahil sa kagila-gilalas na pangyayaring aking nasaksihan ay wala sa sariling nabaling ang tingin ko sa babaeng kanina lamang ay pinagtutulungan ng Trio upang alamin kung sino ang babaeng nasa likod ng biglang pagiging estatwa ng Trio. Ganoon na lamang ang pamimilog ng aking mga mata nang makilala ko kung sino ang babaeng kasalukuyang nakahiga sa sahig. Ito’y walang iba kundi si Thea na kanina ko pa hinahanap.

Dala marahil ng gulat ay hindi ako kaagad nakapag-isip ng dapat kong gawin at nanatili lamang akong nakatingin sa direksyon ni Thea. At dahil nasa kaniya ang aking atensyon ay nakita ko kung paano niya pinilit na tumayo mula sa pagkakahiga sa kabila ng panghihina niya.

Nang tuluyang makatayo si Thea ay doon ko lamang napagmasdan ang ayos niya. Marumi at gusot-gusot na ang suot niyang uniporme. Gulong-gulo rin maging ang kaniyang buhok at pulang-pula ang magkabilang pisngi niya dulot ng paulit-ulit na pagsampal sa kaniya ni Vera.

Hindi ako kaagad nakakilos upang daluhan si Thea dahil tila nanlambot ang tuhod ko at nanikip ang dibdib ko sa kaniyang ayos. Hindi ko magawang siya’y lapitan lalo pa’t hindi ko siya magawang tingnan nang diretso sa ayos niya ngayon na tunay na nakakapagngitngit.

Pinili ko na lamang na panoorin si Thea habang pilit kong sinasanay ang aking sarili sa kaniyang ayos nang sa gayon ay magawa kong lapitan siya nang hindi ako kinakain ng halo-halong emosyon na hindi ko magawang pangalanan at matukoy kung ano-ano.

Nakita ko kung paano ni Thea pinilit na maglakad. Ngunit tila hindi niya kaya ang maglakad dala ng labis na panghihina at labis na pagkabugbog dahil unang hakbang pa lamang niya ay napatigil na siya kasabay ng bahagyang pagpikit ng kaniyang mga mata na tila ba magsasara na ang talukap ng kaniyang mga mata anumang oras. Kaya bago pa man tuluyang pumikit ang mga mata niya ay agad na akong lumapit sa kaniya na siyang dahilan kaya nagawa ko siyang masalo bago pa siya tuluyang bumagsak sa damuhan. At kasabay ng kaniyang pagbagsak sa aking mga bisig ay ang siya ring sabay-sabay na pagbagsak ng Trio sa malamig na sahig.

The ProphecyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon