THIRD PERSON’S POV
Dalawang taon na ang nakalilipas magmula nang magbuwis ng kaniyang buhay si Thea. At sa dalawang taong lumipas ay marami na ang nagbago. Naging masaya at mapayapa na ang lahat. Wala ng kaguluhan. Wala na ring hindi pagkakaintindihan. At higit sa lahat ay wala ng kasamaan.
Malaya na ang lahat mula sa anumang puwersa o espiritu ng kadiliman ngunit walang nakakaalam sa kanila kung nasaan na ang kambal na diyosa dahil bigla na lamang naglaho ang magkapatid kasama ng iba pang mga diyos at diyosa. Ngunit hindi man nila tiyak ang kinaroroonan ng dalawa ay panatag naman ang kanilang kalooban na hindi na muli pang magbabalik ang dalawa upang maghasik ng kasamaan dahil naputol na ang sumpa at ang kasamaan ay nawakasan na katulad ng nakasaad sa propesiya.
Sa dalawang taong nagdaan ay marami na ang mga nangyari sa buhay ng bawat isa. Si Kaizer na ang namumuno sa Ardor Kingdom. Noong una ay ayaw pang tanggapin ni Kaizer ang tungkulin na pamunuan ang Ardor Kingdom dahil para sa kaniya ay walang ibang karapat-dapat na magmana ng kanilang kaharian kundi ang kaniyang kakambal na matagal nang wala dahil naniniwala siyang sa kanilang dalawa ay ito ang nagtataglay ng katangiang dapat taglayin ng isang pinuno. Ngunit nabago ang pasya ni Kaizer nang magpakita sa kaniyang panaginip ang kaniyang kakambal at sabihan siya nitong tanggapin ang alok ng kanilang mga magulang dahil masaya itong makita siyang nakaupo sa trono katabi ang kaniyang reyna na si Agua.
Tama‚ sina Kaizer at Agua nga ang nagkatuluyan sa huli na siyang ikinagulat ng lahat dahil magkapatid na ang turingan ng dalawa. Ngunit marahil ay lumawig pa ang kanilang relasyon sa paglipas ng panahon kaya ito’y nauwi sa kanilang pag-iibigan.
Dalawang buwan nang kasal sina Kaizer at Agua. Masaya na sila ngayong nagsasama sa iisang bubong at magkatulong nilang pinamumunuan ang Ardor Kingdom.
Katulad sa Ardor Kingdom ay iba na rin ang namumuno sa Fray Kingdom. Ito’y walang iba kundi si Kaleb. Ngunit hindi siya nag-iisa sa trono dahil katabi niya ang kaniyang reyna na si Athena.
Mas pinili ni Athena na huwag tanggapin ang alok ng kaniyang mga magulang na pamunuan ang kanilang kaharian dahil kapag ginawa niya iyon ay malabo na silang magkasama ni Kaleb lalo na’t may kani-kaniya silang tungkuling gagampanan sa kani-kanilang kaharian. Pumayag naman sina Reyna Aurora at Haring Isaiah sa kagustuhan ng kanilang nag-iisang anak dahil kaligayahan lamang nito ang kanilang nais. Kaya sa kasalukuyan ay sila pa ring mag-asawa ang namumuno sa Mesh Kingdom dahil wala naman silang ibang tagapagmana bukod sa kanilang anak na si Athena na ngayon ay masaya na sa piling ng kaniyang asawa at kanilang munting anghel na si Alexa na kasisilang pa lamang.
Tulad ng dalawang kaharian ay hindi na rin ang dating hari at reyna ang namumuno sa Sapience Kingdom. Ito’y pinamumunuan na ni Kaiden. Ngunit sa kasamaang palad ay wala siyang reyna dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabalik ang kaniyang pinakamamahal. Ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil lumipas man ang dalawang taon ay hindi nagbago ang nararamdaman niya para kay Thea. At hanggang ngayon ay naniniwala pa rin siyang muling magbabalik ang kaniyang pinakamamahal.
Sa ngayon ay si Kamila ang katuwang ni Kaiden sa pamumuno ng kanilang kaharian. Wala pa si Kamila sa tamang edad ngunit kung umasta at magsalita ito ay daig pa nito ang isang matanda kaya pinagkatiwalaan siya ng kaniyang nakatatandang kapatid sa pamumuno ng kanilang nasasakupan.
Masaya na ring nagsasama sina Leo at Luna sa iisang bubong kasama ang kanilang isang taong gulang na anak na lalaki na pinangalanan nilang Levi. Ngunit ang mas nakatutuwang balita sa lahat ay nagkatuluyan din sa bandang huli sina Flor at Yael na walang ibang ginawa noon kundi ang mag-asaran at magbangayan. At kasalukuyan nang ipinagbubuntis ni Flor ang kanilang panganay na ayon sa gabay ay isang babae kaya balak nila itong pangalanang Florida.
Hanggang ngayon ay wala pa ring asawa o anak ang mga natitira pang kaibigan ni Thea ngunit nagkakamabutihan na ang mga ito katulad na lamang nina Vera at Ali. Hindi madali para kay Ali na palitan sa puso niya si Thea. Ngunit sa tulong ni Vera ay unti-unti na niyang natatanggap ang katotohanang hindi na niya dapat pang mahalin si Thea nang higit pa sa isang kapatid o kaibigan.
Si Vera ang nasa tabi ni Ali noong nagluluksa siya sa pagkawala ni Thea at hindi siya nito iniwan hanggang sa maging maayos na siya. Kaya naman ay hindi na nakakapagtaka na sila’y nagkamabutihan.
Sina Luca at Penelope naman ay nasa yugto pa lamang ng pagliligawan sa loob ng mahabang panahon dahil madalas silang magkasamaan ng loob lalo na kapag hindi nila nagustuhan ang biro ng isa. Ngunit kung titingnan mo sila ay para na silang magkasintahan lalo pa’t palagi silang magkasama at halos hindi na mapaghiwalay pa. Ngunit dahil sa pagiging palabiro ni Luca at dahil sa pagkamaarte ni Penelope lalo na sa pananamit na pinang-aasar sa kaniya ni Luca ay madalas silang hindi magkasundo kaya hindi pa rin umuusad hanggang ngayon ang kanilang relasyon. Samantalang sina Nikolai at Ember naman ay tatlong buwan nang magkasintahan at wala naman silang naging problema dahil matino naman si Nikolai kumpara sa pinsan niyang takas sa mental na walang ibang ginawa kundi asarin si Penelope. Ngunit kahit bago pa lamang ang relasyon nina Nikolai at Ember ay aakalain mong matagal na silang magkasintahan sa tatag ng kanilang relasyon.
Patungkol naman kay Mathilde‚ nasa Ardor Kingdom pa rin siya kasama ang kaniyang mga itinuring na anak at ang mga matalik niyang kaibigan.
Naibalik na sa dati ang samahan nina Uriel‚ Mathilde‚ Fabian at Thara na kailanman ay hindi na masisira ng kahit ano o sino dahil pinatibay ng kanilang mga naging karanasan ang kanilang pagkakaibigan na minsan nang nasira.
Sina Jayda at Ulises naman ay masaya nang nagsasama sa iisang bubong. Nakatira sila sa bayan ng Arton kapiling ang mga ordinaryong charmer na katulad nila. Ngunit kahit na malayo ang kanilang tirahan ay madalas pa rin nilang dinadalaw sa palasyo ang kaibigan nilang si Kaizer upang ito’y kumustahin.
Sa ngayon ay buntis na si Jayda at sa susunod na buwan na niya isisilang ang kanilang anak na lalaki na pinangalanan nilang Kian‚ mula sa pangalan ng itinakda na siyang dahilan kung bakit masaya sila ngayon at malaya mula sa kasamaan.
Maayos na ang lahat at masaya na ang lahat sa kani-kanila nilang buhay. Ngunit hindi pa rin nila nakakalimutan ang babaeng nagsakripisyo ng kaniyang buhay na nagkaloob sa kanila ng masaya at mapayapang buhay na may kalayaan.
Lumipas man ang dalawang taon at marami pang taon ay patuloy pa rin nilang panghahawakan ang pangakong binitiwan ni Thea na siya’y magbabalik sa piling nila. Sinunod lamang nila ang payo ni Thea na magpatuloy sila sa kanilang buhay kaya nagagawa nilang mamuhay nang masaya habang hinihintay ang pagbabalik nito.
Sa mundong kanilang ginagalawan‚ ang pangako ay kailanman hindi maaaring mapako. Kaya kahit abutin man sila ng dekada o siglo sa paghihintay kay Thea ay hindi pa rin sila mawawalan ng pag-asa na muli itong magbabalik sa piling nila. Dahil ang pangako ay pangako. And knowing Thea‚ gagawa at gagawa siya ng paraan para tuparin ang kaniyang pangako na siyang pinaghahawakan ng lahat.
✨✨✨
A/N: Walang paasa kung walang aasa😂
Kayo? Umaasa rin ba kayong magbabalik si Thea? Na-disappoint ba kayo? Kasi naman! Hindi ka naman ma-di-disappoint kung hindi ka nag-expect. Charot. Joke lang✌️Magbasa na lang kayo kasi may pasabog pang naghihintay sa inyo. Pasabog as in bomba😂
BINABASA MO ANG
The Prophecy
خيال (فانتازيا)Isang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...