ALTHEA’S POV
Pagkatapos magkapatawaran at magkaayos nina mommy‚ daddy at ate ay niyakap ko pa muna sila isa-isa bago ako nagpaalam sa kanila para makapag-usap sila nang sila lang. At sa pag-alis ko ng throne room ay isinama ko sa paglabas sina Yael‚ Flor‚ Ali‚ Luna at maging si Leo na wala pa ring malay. At dahil nakabantay pa rin sa magkabilang gilid ng pinto ang dalawang kawal na kasama naming dumating kanina ay sa kanila na namin ipinagkatiwala ang pagdala kay Leo sa piitan habang nagpaalam naman na sina Ali‚ Luna‚ Yael at Flor na uuwi na muna sila sa kani-kanila nilang tahanan dahil tiyak daw na nag-aalala na sa kanila ang kanilang mga magulang. Ngunit nangako naman silang babalik sila ng palasyo bukas upang pag-usapan namin ang susunod naming hakbang at para din dalhin ni Ali ang mga gamit ko na naiwan sa kanila. Hindi na kasi ako makakapagpaalam pa kay Tita Wendy nang maayos dahil marami pa akong kailangang asikasuhin.
Nang makaalis ang mga kaibigan ko ay dinalaw ko na muna sina Luca at Nikolai sa silid kung saan sila nagpapahinga. At dahil nagamot naman na sila at hindi naman sila gaanong napuruhan ng hindi inaasahang pag-atake sa kanila ni Leo ay nakausap ko rin sila saglit bago ako nagpaalam para puntahan ang mga kaibigan ko sa palasyo na tiyak kong matutuwa sa pagbabalik ko bilang Kiana.
Dahil nga nagbalik na ang alaala ko ay hindi ko na kinailangan pang magtanong sa mga kawal o tagapagsilbi ng palasyo kung nasaan ang mga sadya ko. Isa lang naman ang maaari nilang tambayan dito sa palasyo at iyon ay ang silid sa palasyo kung saan kami madalas maglaro noon. At hindi nga ako nagkamali dahil agad na bumungad sa akin ang mga sadya ko pagkabukas na pagkabukas ko ng silid. Mga nagtataka at gulat ang kanilang mga ekspresyon habang nakatingin sa akin na tila ba nakakita sila ng alien na naligaw sa kanilang planeta.
“Thea?” nagtataka at gulat na tanong ng Trio nang sandaling mapako ang kanilang tingin sa akin.
Oo‚ ang Trio ang sadya ko at sila rin ang tinutukoy kong mga kaibigan ko sa palasyo. Una ko silang naging kaibigan kaysa kina Jane o Athena dahil nga nasa iisang kaharian lamang kami. At mas lumalim pa ang aming pagkakaibigan noong alukin nina ama at ina ang pamilya ng Trio na sa palasyo na tumira para daw may makalaro ako sa palasyo. Sila ang kasama ko noong maglaro o mamasyal kapag wala sina Jane. At tungkol naman kina Luca at Nikolai‚ minabuti rin nina ama noon na sa palasyo na sila patirahin kasama ang mga pamilya nila para daw may magbabantay sa ‘kin.
“Maaari ko ba kayong makausap?” tanong ko sa malumanay na boses at tipid kong nginitian ang Trio nang makita kong hindi pa rin nawawala ang pagkakakunot ng kanilang mga noo dahil sa labis na pagtataka.
“Anong ginagawa mo rito? At paano mo nalamang nandito kami?” nagtataka pa ring tanong ni Ember na nahihimigan ko sa boses na tila hindi niya nagustuhan ang bigla-bigla kong pagsulpot sa lugar na espesyal para sa aming apat.
“Wala naman kayong ibang tambayan sa palasyo kung hindi dito‚ hindi ba?” kibit-balikat kong tugon habang hindi pa rin mabura-bura ang tipid na ngiting nakapinta sa mga labi ko.
“P-Paano mo nalaman ang tungkol sa bagay na ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong ni Penelope na may nanlalaki nang mga mata habang nakatingin sa ‘kin at nakaabang sa magiging sagot ko.
Ang tipid na ngiting nakapinta sa mga labi ko ay unti-unting lumawak hanggang sa ito’y maging ngisi.
“Dahil dito tayo madalas maglaro noon. Minsan nga ay dito pa tayo natutulog nang magkakatabi‚ hindi ba?” nakangising tugon ko saka ko itinuon ang tingin ko kay Vera na halos lumuwa na ang mga mata sa gulat dahil sa mga sinabi ko na marahil ay hindi niya inaasahan.
“Dito rin ako inaayusan ng buhok ni Vera habang si Penelope naman ang naghahanda ng damit na isususot ko‚” pagpapatuloy ko habang ramdam ko na ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Ngunit sa halip na tumigil ako sa pagsasalita ay nakangiti ko pang ibinaling ang tingin ko kay Ember na nakaupo sa gitna ng kama katapat ni Penelope habang nasa bandang kanan niya naman si Vera.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasiaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
