SOMEONE’S POV
Lihim na lamang akong napangisi habang walang imik kong nginunguya ang pagkaing nakahain sa aking harapan. Kasalukuyan kasi kaming nasa canteen ni Athena at hindi ko maiwasang mapangisi habang ninanamnam ko ang buhay na dapat ay kay Kiana.
Sobrang sarap pala sa pakiramdam na tinitingala ka ng iba. Ang taas-taas ng tingin nila sa ‘yo at para kang isang napakagandang tanawin na gustong-gusto nilang pinagmamasdan. May bonus pang napakagwapong prinsipe na palaging nasa tabi ko at dalawang kaibigang makapangyarihan at hinahangaan ng lahat.
Tch! Kawawang Kiana. Wala man lang siyang magawa para ipaglaban ang kung anong dapat sa kaniya. Pero kahit naman lumaban pa siya ay hindi na niya mababawi ang buhay na ‘to sa ‘kin. Akin na ang buhay na ‘to dahil ito ang kabayaran niya sa lahat ng hirap na ipinaranas sa akin ng angkan niya. Ngunit kung tutuusin nga ay kulang pa ‘tong kabayaran sa laki ng kasalanan ng angkan niya sa ‘kin kaya huwag na huwag siyang magtatangkang agawin mula sa ‘kin ang buhay na ngayon ay tinatamasa ko kung ayaw niyang buhay niya ang maging kabayaran.
“Kiana‚ ano? Handa ka na ba para bukas? May isusuot ka na ba? Gusto mo tulungan kitang maghanap?” sunod-sunod na tanong ni Athena na nakapukaw ng atensyon ko at nagpaangat ng tingin ko upang salubungin ang kaniyang tingin.
“Wala pa nga e. Magpapasama nga sana ako sa ‘yong bumili sa Bayan ng Arton. Nahihirapan kasi akong pumili‚” nakasimangot kong tugon.
“Walang problema. Samahan na kita. Punta na lang tayo ro’n mamaya pagkatapos ng klase‚” nakangiting pagboluntaryo ni Athena na agad na nagpangiti sa ‘kin.
Mabuti na lang pala na sa huling antas din ako ipinasok ng konseho dahil nakakasama ko sina Athena sa lahat ng oras. Pero nakakainis nga lang dahil wala ngayon sina Kaiden at Kaleb. Ewan ko nga kung nasaan ang mga ‘yon. Hindi naman kasi sila nagsabi sa ‘kin. Basta ang alam ko lang ay wala sila ngayon sa akademya.
“Ngayon na lang kaya tayo pumunta ng Bayan ng Arton?” suhestiyon ko nang maisip kong mas magandang ngayon na lang kami umalis dahil wala rin naman sina Kaiden.
“Nakakabagot dito e. Wala kasi sina Kaiden‚” pahabol kong saad na sinabayan ko pa ng pagsimangot para lamang mapapayag ko si Athena na ngayon na lamang kami magtungo ng Bayan ng Arton sa halip na hintayin pa naming matapos ang oras ng klase.
“Sige‚ payag ako. Pero magpaalam muna tayo sa konseho para payagan nila tayong makalabas ng akademya nang maaga‚” agad na pagpayag ni Athena na agad ko rin namang sinang-ayunan para malaya kaming makaalis ng akademya.
Gaya nga ng nais ni Athena ay dumaan na muna kami sa Council Chamber para magpaalam kay Sir Ahmir nang sa gayon ay hindi kami harangin ng mga kawal na nakabantay sa palibot ng akademya sa sandaling magtangka kaming lumabas nang maaga.
✨✨✨
ALTHEA’S POV
Tanghali na nang magising ako at ganoon din si Ali kaya nagkukumahog kaming kumilos para maghanda sa pagpasok. Hindi kasi kami ginising ni Tita Wendy dahil ayaw niya raw kaming abalahin sa aming pagpapahinga ngunit nang magising kami ay nakahanda na ang lahat mula sa pagkain sa kusina hanggang sa aking susuutin sa pagpasok na hindi ko man lang namalayang inayos na pala ni Tita Wendy sa silid ko.
Madali lang naman kaming natapos ni Ali sa paghahanda kaya wala pang isang oras ay nakahanda na kaming umalis. Ngunit nagpaalam na muna kami kay Tita Wendy bago kami nagmamadaling nag-teleport patungo sa mismong tapat ng tarangkahan ng akademya gamit ang kakayahan kong mag-teleport.
Pagdating namin sa tapat ng akademya ay hindi na namin kinailangan pang magyayaan ni Ali sa pagpasok. Agad na kaming naglakad papasok ng akademya matapos kong bitiwan ang kaliwang braso ni Ali na kinailangan kong hawakan kanina para maisama siya sa pag-teleport ko.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasíaIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...
