ALTHEA’S POV
Naalimpungatan ako nang may maramdaman akong kumilos sa tabi ko kasunod ng pagpatong ng kung anong bagay sa binti at tiyan ko. Hindi ko na rin nagawa pang bumalik sa pagkakahimbing ko dahil sa kuryusidad at sa kagustuhan kong alamin kung ano ang gumalaw sa tabi ko at kung ano ang bagay na nasa binti at tiyan ko. Kaya naman ay paunti-unti kong iminulat ang mga mata ko at kinusot-kusot ko rin ang mga ito para mawala ang antok ko.
Sa pagmulat ko at sa paglingon ko sa kaliwa ko ay mukha ng natutulog na si Jane bumungad sa ‘kin na nagpangiti sa akin nang hindi ko namamalayan.
“Hmmm...” ungol ni Jane sa gitna ng pagtulog niya kasabay ng bahagya niyang pagkilos upang higpitan ang pagkakayakap niya sa ‘kin at upang mas lalo niyang idantay sa akin ang kaliwa niyang paa na siya palang bagay na naramdaman kong nakapatong sa binti ko.
Hindi pa nakuntento si Jane sa pagdantay at pagyakap niya sa ‘kin. Talagang isiniksik pa niya sa leeg ko ang mukha niya. Ngunit sa halip na makaramdam ako ng discomfort o ilayo ko sa akin si Jane ay napangiti na lamang ako. Hindi naman na ito bago sa akin lalo pa’t hindi ito ang unang beses na ginawa niya akong teddy bear. Ganito talaga siya matulog noon pa man kaya sanay na ako at mas magugulat pa ako kung hindi siya maggagagalaw habang tulog.
“Mahal na prinsesa‚ pinapata—”
Agad na naagaw ng bagong dating ang atensyon ko‚ dahilan para mapatingin ako sa direksyon ng pinto sa may ulunan namin upang alamin kung sino ang bagong dating. Mabuti na lamang at nakabaliktad kami ng higa ni Jane kaya hindi ko na kailangan pang bumangon para lamang alamin kung sino ang bagong dating. Saka kahit naman kailanganin kong bumangon ay hindi rin ako makakabangon dahil sa higpit ng yakap sa akin ni Jane.
“Paumanhin po kung nagambala ko ang inyong pamamahinga‚” maagap na paghingi ng tawad ng isang tagapagsilbi ng palasyo na kapapasok lang ng silid. “Kusa na po akong pumasok dahil wala pong sumagot nang kumatok ako. Saka mahigpit din po kasing ibinilin ng mga kamahalan na sabihin ko sa inyong maghanda na po kayo sa pagpasok‚” nakayukong pahayag ng tagapagsilbi na hindi man lang magawang tumingin sa direksyon ko na para bang matutunaw siya sa oras na magtagpo ang aming tingin.
“Ganoon po ba? Sige po‚ ako na pong bahalang gumising kay Jane nang makapaghanda na po kami sa pagpasok‚” nakangiting saad ko kahit pa wala naman sa akin ang tingin ng kausap ko.
“Sige po‚ aalis na po ako‚” agad na paalam ng tagapagsilbi at wala pang isang minuto ay nawala na ito sa paningin ko.
Nang makaalis ang tagapagsilbi ng palasyo ay muli kong ibinaling kay Jane ang atensyon ko. Nakangiti kong pinaglandas ang hintuturo ko sa nose line ni Jane habang hindi ko pa rin inaalis ang tingin ko sa mukha niya.
“Hmmm...” muling ungol ni Jane at antok niyang tinabig ang kamay ko bago niya kinamot ang ilong niya.
Napangisi na lamang ako sa naging reaksyon ni Jane sa ginawa ko. Ni hindi man lang siya nagising. Talagang tulog-mantika ang isang ‘to. Kaya naman hindi na nakakapagtaka na kailangan pa siyang puntahan ng isang tagapagsilbi para paalalahanan siyang maghanda sa pagpasok sa akademya.
Pinalipas ko pa muna ang ilang segundo na wala akong ibang ginagawa kundi titigan ang maamong mukha ni Jane bago ko muling pinaglandas ang daliri ko sa nose line niya. Ngunit ganoon pa rin ang naging reaksyon niya at ayaw pa rin niyang magising. Kaya naman ay pinisil ko na ang ilong niya para hindi siya makahinga nang sa gayon ay mapilitan siyang magmulat. Hindi naman ako nabigo dahil tuluyan na nga siyang nagising sa ginawa kong pagpisil sa ilong niya.
“Gwyn‚ anyo ba. Yi ango mangahinga‚” reklamo ni Jane at malakas niyang pinagtatampal ang kamay ko kaya tumatawa kong binitiwan ang ilong niya.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...