ALTHEA’S POV
Tatlong araw na ang nakakalipas magmula noong una akong pumasok ng unibersidad at sa tatlong araw na iyon ay halos dukutin ko na ang mata ng weirdong lalaking katabi ko sa upuan dahil sa tatlong araw na ito ay wala siyang palya sa pagsunod at pagtitig sa akin saanman ako magpunta. Mapa-library o hardin man ay parati siyang nandoon at palaging nakatitig sa akin.
Hindi naman ako artista at hindi rin naman ako sikat para i-stalk niya. Sadyang sabog lang talaga siguro siya kaya pati katulad ko na manang‚ nerd at walang kaalam-alam sa uso ay pinapatos niya. Hindi ko na nga lang pinapansin ang mga titig niya at ang pagbuntot-buntot niya sa ‘kin kahit madalas ay nakakapang-init na ng ulo. Kung makabuntot kasi siya ay daig niya pa ang aso.
Minsan naman kapag naiinis na talaga ako ay sinasalubong ko ang titig niya at tuwing ginagawa ko ‘yon ay agad siyang nag-iiwas ng tingin at nagkukunwaring nakatingin sa ibang direksyon. Tsk! Akala niya ba hindi ko napapansin ang mga titig niya at ang pagsunod-sunod niya sa ‘kin? Sorry na lang siya dahil alam ko lahat ng pinaggagagawa niyang kaadikan. Para ano pa’t matalas ang pakiramdam ko kung hindi ko rin naman magagamit?
Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit sa paraan ng pagtititig niya sa akin ay para bang matagal na niya akong kilala. Ang mas weird pa roon ay ‘yon din ang pakiramdam ko sa kaniya. Ngunit ang tanong‚ kilala ko ba talaga siya? Pero paano?
Wait! Hindi kaya bahagi siya ng nakaraan ko na hindi ko na maalala? Pero ano ko siya? Kaibigan? Dating kaklase? Kakilala? O baka naman adik siya sa kanto tapos hinablot niya ang bag ko kaya siya nakulong tapos kaya wagas siya makatitig sa ‘kin kasi balak niyang maghiganti sa ‘kin dahil sa pagkakakulong niya?
Haist! Erase. Erase. Erase. Ano ba ‘tong pinag-iisip ko? Kanina adik‚ sunod naman ay tambay sa kanto at ngayon‚ snatcher. Argh! Hindi ko na alam kung anong iisipin ko. Totoo nga ang sabi nila. Maraming nababaliw sa sobrang katalinuhan dahil kung ano-anong kabaliwan ang pumapasok sa mga isipan nila.
Kasi naman. Kung may gusto siyang sabihin‚ sabihin niya. Kung may gusto siyang gawin‚ gawin niya. Hindi ‘yong puro lang siya titig. Kung ano-ano tuloy iniisip ko. Katulad na lang ngayon. Kanina pa kami rito sa coffee shop na malapit sa school. Habang ako ay busy sa pag-research ng mga logo na maaari naming maging gabay sa paggawa ng sarili naming logo para sa aming business plan ay panay naman ang titig ng kaharap ko na kanina pa walang ginagawa.
Sa dinami-rami naman kasi ng pwede kong maging ka-partner‚ bakit siya pa? Hindi na nga siya nakatutulong‚ inaabala niya pa ako sa ginagawa ko. Paano naman kaya ako makakapagpokus sa ginagawa ko kung may mga matang nakatitig sa ‘kin?
Iyan ang tunay na abala. Wala nga siyang ginagawa pero dahil naman sa kaniya kaya wala akong nagagawa.
“Can you get your eyes off of me?” mataray kong sabi sa kaniya.
Sa kabila ng pagtataray ko at pagkakahuli niya sa akto ng pagtitig sa akin ay nagpatay-malisya lang siya na mas lalong nagpakulo ng dugo ko.
“What do you mean?” painosente niyang tanong.
Kapag ako talaga napuno rito sa lalaking ‘to‚ dudukutin ko ng kutsara ‘yong mata niya tapos gagawin kong kwek-kwek.
“Wala. Ang sabi ko‚ mabuti pa gamitin mo ‘yang laptop mo‚ mister‚ at ikaw na ang gumawa ng logo. Wala ka namang ginagawa‚ hindi ba?” sarkastikong tugon ko.
“Okay‚” tanging sagot niya at sinimulan na nga niyang kalikutin ang laptop na dala niya na kanina pang nakasara magmula nang dumating kami sa coffee shop.
I wonder kung ginagawa nga niya ang iniutos ko. Baka naman nakikipag-chat lang siya kung kani-kanino. Tsk. Bahala na siya riyan.
Sa halip na bantayan pa ang bawat kilos ng kaharap ko ay minabuti ko na lamang na muling ibaling ang atensyon ko sa laptop na nasa harapan ko. I created a new tab and I searched for some guidelines in making a business plan. I can only depend on myself. Hindi naman kasi maaasahan itong ka-partner ko. Deadline na pa naman sa Lunes.
BINABASA MO ANG
The Prophecy
FantasyIsang propesiya ang kinatatakutan ng lahat na maganap. Propesiyang nagsasaad ng kakila-kilabot na katapusan sa sandaling ang kadiliman ay hindi mapigilan. Isang natatanging babae lamang na siyang itinakda ang makapipigil ng kanilang kinatatakutang k...